Hindi Na Kita Mahal (Sulat Para Kay Popoy)

2 0 0
                                    

"Hindi na kita mahal"

Ito ang mga huling katagang aking binitawan nung ika'y aking iniwanan

Walang pasubaling kinalimutan ang mga pinagdaanan at ang limang taong relasyon na sabay na pinaglaban

Iniwan kitang tuliro
Wasak na wasak
Na parang puso ni Nasty Mac

Na para bang pahina lang sa kwaderno na basta na lang pinunit, nilamukos at binasura

Na para bang bubblegum na nung nawala na ang tamis kung saan-saan na lang dinikit

Na para bang ballpen na basta na lang tinapon nung naubos ang tinta

Pero bakit tila bumaliktad ang mundo?
Ako itong nang-iwan pero bakit ngayon ako na ang naghahabol?
Ako na ang nasasaktan
Ako na ang nahihirapan

Bigla kitang na-miss

Ikaw na yumayakap sa'kin sa tuwing nababalutan ng lamig ang gabi
Ikaw na kayang pumunit ng labi ko sa mga paandar mong waley at minsan lang havey
Ikaw na walang ibang ginawa kundi ang busugin ako ng pagmamahal

Ikaw na siyang nagsabing ako ang dahilan sa lahat ng mga bakit mo
Ikaw, ikaw na hinding nandiring hawakan  ang kamay kong pasmado

Palagi ko pa ring naiisip kung kumusta ka na kaya?
Kung naiisip mo pa rin ba ako?
Kung umiiyak ka pa rin ba?
Kung mahal mo pa rin ba ako?

Paano kung hindi na?
Paano kung okay ka na habang ako nasasaktan pa?
Paano kung naka-move on ka na habang ako nagkukumahog pa?

Yung tipong kahit anong sulsol ko sa puso ko na hindi na dapat kita mahal, kahit ilang beses ko mang sabihin na ako na lang,
Ako na lang ulit

Mahal, hindi ka na babalik
Dahil she had you at your worst
I had you at your best
But I chose to break your heart

Meron ng siya na pumalit sa pwesto ko, diyan sa puso mo
Meron ng siya na kasama mo sa  pagtupad ng mga pinangarap natin

Pero mahal pa rin kita
Dahil kahit anong hakbang ang gawin ko hinihila ako ng nararamdaman ko pabalik sa pagmamahal na nakasanayan ko

Nasasaktan ako
kasi hindi na ako ang tinatawagan mo kapag malungkot at masaya ka

Hindi na ako ang gusto mong kayakap sa tuwing giniginaw ka
Hindi na ako ang nagpapaluha at nagpapangiti sa'yo
Hindi na ako ang una at huli mong iniisip
Hindi na ako ang tinatawag mong Mahal

Hindi na litrato ko ang nasa pitaka mo
Hindi na ako ang dahilan sa lahat ng mga bakit mo
Hindi na ako ang mahal mo

Masakit pero tatanggapin kong hindi na ako ang mundo mo

Hindi madali
Pero kakalimutan kita
Kahit na kamay mo pa rin ang gusto kong hawakan
Mukha mo pa rin ang gusto kong makita
Mga braso mo pa rin ang gusto kong kayakap

At kapag naaalala kita uupo na lang sa isang tabi at iiyak na naman

Dahil sa tuwing naaalala kita naaalala ko lang ang lahat ng masaya
Lahat ng malungkot
Lahat ng masakit

Kaya iiyak ako hanggang sa
mawala na ang hapdi
Iiyak ako nang iiyak hanggang mapagod ang puso ko
Iiyak ako nang iiyak hanggang sa makasanayan kong hindi ka na akin
Iiyak ako nang iiyak hanggang sa maramdaman kong okay na ako
Iiyak ako nang iiyak hanggang sa makatayo ulit ako sa sarili kong paa at masabi ko

Masabi kong..

"Hindi na kita mahal.."

Nagmamahal pa rin,
Basha

You've reached the end of published parts.

⏰ Last updated: Dec 14, 2023 ⏰

Add this story to your Library to get notified about new parts!

Letters I Never SentWhere stories live. Discover now