Ang Kwento Nating Dalawa

26 1 0
                                    

Isa, dalawa, tatlo
Pagbilang kong sampu
Magtatago na ako
Tatakbo palayo sa dating tayo

Tama bang nalaman mong may pagtingin pa rin ako sayo?
Tama bang hinayaan kong muli na ika'y pumasok sa bago kong mundo?
Tama bang sabihin mong ako pa rin?
Tama bang inamin kong ikaw pa rin?
O oras na para ipaubaya sa tadhana ang sa'tin?

Hindi ka naghintay sa pangalawang pagkakataon
Bakit sa tuwing susugal ako, natatakot ka?
Bakit sa tuwing tatalon ako, wala ka?
Bakit sa tuwing humahakbang ako, dalawang beses kang umaatras?
Di ba sabi mo ako pa rin? Pero bakit ako na lang? Bakit ako na lang ang nasa Hintayan?

Apat, lima, anim
Oras na ba para subukan kong muli?
O oras na para pakawalan kitang muli?
Pero parang ayaw ko pa
Gusto ko pa
Gusto pa kita

Gusto ko pang sariwain ang mga alaala
Doon kasi hawak-hawak ko pa ang kamay mo
Para sa akin pa ang mga ngiti mo
Doon kasi nandoon ang dating ako na sobra kang minahal
Doon kasi nandoon ka na ako lang ang mahal

Gusto ko ring gumawa ng mga bagong alaala na ikaw ang kasama
Pero ikaw, gusto mo pa ba?
Pero bakit hindi ko na maramdaman?
Sinabi mo lang ba na ako pa rin para iwan lang sa ere bandang huli?
Sinabi mo bang ako pa rin ang dahilan sa lahat ng mga bakit mo para lang magtanong kung saan ako nagkamali sa huli?
O baka naman sinabi mo lang yun para wasakin akong muli?

Pito, walo, siyam
Para akong nasa tsubibo
Tuwang-tuwa dahil nalaman kong pangalan ko pa rin ang nakaukit diyan sa puso mo
Pero bigla kong napagtantong paikot-ikot na lang pala tayo
Dahil sa tuwing susuong ako ay siya namang pag-atras mo

Mahal, lumaban ako kasama ka
Pero bakit ako na lang mag-isa sa kalagitnaan ng gyera?
Ako ang naiwan
Ako ang duguan
Ako ang sugatan
Ako ang nasawi sa kwentong ito

Hindi ito ang gusto kong pagwawakas ng ating kwento
Pero anong magagawa kung ikaw mismo ang
sumulat ng pagtatapos nito?

Tama na, mahal
Palayain na natin ang mga sarili sa nakaraan
Mahirap kalaban ang tadhana
Tanggapin na lang natin na tayo ang sagisag ng pinagtagpo ngunit hindi itinadhana

Tama na, mahal
Ako'y susuko na
Tanggap ko ng wala na talaga
Huwag ng ipilit muling pagsalikupin pa ang mga kamay na hindi na para sa isa't isa

Sampu
Ako'y magpapaalam na
Bibitaw na
Magtatago na
Tatakbo palayo sa dating tayo
Ipapaubaya sa kalawakan ang ating kwento
At kung sakali man tayong pagtagpuin muli, sana, sana kakampi na natin ang tadhana

Letters I Never SentWhere stories live. Discover now