Chapter 7

16 1 0
                                    

Hindi pa rin umuuwi si Papa sa amin. Limang araw na ang nakalipas. Ramdam ko ang mas mabigat na paligid sa amin dahil halos lahat kami ay natatakot sa kung anong mangyayari sa mga susunod na araw pa sa amin. Hindi kami nagpapansinan ni Mama. Wala siyang pinapansin sa amin. Si Jared ay nagtatanong na kung nasaan si Papa pero hindi namin ito nasasagot. Si Audrey ay nagpatuloy sa pag-aaral. Binigyan ko ito ng dalawang libo na puhunan niya dahil gusto niya raw mag reloader para doon na siya kukuha ng budget niya sa pag-aaral. Si Ate Yana ay tahimik lang rin at mas seryoso ito ngayon. Balik siya sa pagtitinda sa labas ng bahay ng munting sari-sari niya at ukay-ukay. May advantage dahil nasa bukana rin kami ng aming compound at kami ang pinakamalapit na tindahan. Iyon nga lang ay napupunta pa rin ang kita niya sa needs nilang mag ina. Okay lang naman iyon dahil mas kailangan nila.

Ako naman ay inuusig pa rin ng konsensya. Madalas akong dumaan sa parada ng mga jeep pero naroroon ang jeep ngunit wala roon si Papa. Ang pinagbabayaran naman ng boundary ni Papa ay wala ring alam kung nasaan siya. Wala rin akong ibang matawagan na kapamilya ni Papa para alamin ang kalagayan niya. Hindi ako makapagtrabaho nang maayos dahil sa kawalan namin ng koneksyon kay Papa. Aaminin kong natatakot ako na baka gumaya na rin siya kay Kuya na tuluyan kaming iniwan. Natatakot ako dahil nararamdaman kong sa akin ang bagsak ng galit ng pamilya ni Mama kapag nalaman na iniwan kami ni Papa. Natatakot ako na mas lalong magalit si Mama dahil wala si Papa at natatakot akong magtanong si Jared kung bakit wala si Papa. Halos wala akong tulog dahil sa pag aalala. Natatakot na rin ako dahil sunod sunod na ang araw na halos dalawa o tatlong oras lang ang tulog ko sa isang araw. Pinipilit ko naman matulog dahil hindi pwede sa akin ang magkasakit pero ang hirap matulog kapag pagod na pagod na nga ang katawan mo pero ayaw ka patulugin ng isipan mo.

Alas dose na at dapat ay naghahanda na ako ngayon papasok sa trabaho ko bilang brand ambassadress. May kalakihang event ito ngayon kaya ay hindi lang brand ambassadress ang gagawin ko. Mag-a-assist rin ako sa mga malalaking tao na dadalo sa isang event ng telecommunications.

Saktong ala una y media nang dumating ako sa mall. Dumiretso ako sa area ng pagdadaluhan para maghanda. Alas tres ang simula ng event kaya ay maaga pa naman. Sumalubong agad sa akin si Mamita, katuwang kasi siya ng event organizer dito.

"Oh my goodness, Ada! Na-miss kita!" tili agad ni Mamita. Nginitian ko siya nang hawakan niya ang kamay ko at nagtalon talon siya. Alam niya na hindi ako komportable sa yakap dahil ewan ko ba.

"In fairness, ang ganda mo pa rin kahit mukhang stressed ka lately." napabuntunghininga ako. Iilan lamang ang alam niya sa buhay ko dahil kung ano lamang ang kinukwento ko sa kaniya. Naiintindihan niya naman ako sa kung ano lang kaya ko na ikwento.

"Argie! Mukhang model iyang kasama mo ah. Bago mo ba 'yang recruit? Konting ayos at make over lang, pak na pak na!" nakuha ang atensyon namin ng isa ring bading na lumapit. Nagbeso sila ni Mamita at ngumiti lamang iyon sa akin. Sinuklian ko iyon ng ngiti.

"Ay nako. Mahiyain itong alaga ko kaya sa pagiging brand ambassadress ko na lang muna siya inilagay. Hinihinog ko pa dahil nakikitaan ko talaga ng potensiyal!" agad naman na sagot ni Mamita. Gustong gusto niya talaga gawing model na siyang hahawakan niya dahil nakikitaan niya raw ako ng potensiyal. Hindi ko makita sa sarili ko iyon kaya ay hanggang ngayon ay hindi ako pumapayag. Madalas kasi na ang mga project ni Mamita ay mga swimwear o kaya ay mga sexy attires kaya ay umaayaw ako. Hindi ako sanay at tingin ko ay hinding hindi ako masasanay.

"Nako, sayang ang potensyal pero halata ngang mahiyain." bumaling ito ng tingin sa akin. "Hija, sana makuha mo ang confidence sa sarili mo dahil ang ganda mo at sexy! May puwang ka sa industry namin, sure ako diyan!"

Hindi ko alam ang gagawin kaya napahawak ako sa braso ni Mamita. Alam na niya ang gagawin kaya ay nagpa-excuse na kami. Dinala niya ako sa likod para ayusan.

Somewhere Only We KnowTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon