Chapter 20

288 26 0
                                    

Zora



Maaliwalas ang buong kapaligiran dahil sa liwanag ng malaking puting buwan habang ang hangin ay malamig na yumayakap sa aking kabuuan. Ngiti kong tinatanaw ang mga mumunting bituin na parang mga buhangin sa karagatan ng kalangitan. Napakasayang isipin na parang unti-unting lumalaki ang maliit na mundo para sa amin, na parang unti-unti na naming nakakamit ang kapayapaan at kaliwanagan sa buong mundong Maria.

"Anong iniisip mo, mahal?" Ngiti kong nilingon ang maaliwalas at guwapong mukha ng aking asawa. Ang kaniyang malalamig na titig ay parang naging natural na lang sa akin pero hinahayaan niya naman akong mabasa ang ekspresiyon sa kaniyang mga mata.

"Wala naman ako masiyadong iniisip mahal, maliban na lang sa lugar na pupuntahan sana natin. Hindi ba kailangan mong malaman kung paano at sino ang kumitil sa buhay ng iyong Ina?" Litaniya ko na siyang dahilan kung bakit siya huminga ng malalim. Mas lalo siyang lumapit sa akin at ipinagtabi ang upuan naming dalawa at pinagsakop ang aming mga kamay.

Nandito kami ngayon sa Garden of Eden, ang paboritong lugar ni Lara. Hindi na madilim dito dahil nilagyan na ng mga munting ilaw ang bawat puno kaya nagmukhang paraiso ang lugar na ito kapag gabi. Kasama ang mga nagsisiliparang alitaptap na siyang dahilan kung bakit mas lalong naging magandang tignan ang kapaligiran.

"Huwag mo na muna 'yon isipin mahal, may tamang araw at oras para diyan. Ang isipin na lang muna natin ngayon ay ang pagbubuntis mo sa anak natin. Makakasama sa bata kung palagi kang emosyonal, mahal." Malambing nitong turan sa akin na siyang ikinatango ko na lang. Mas hinigpitan ko ang pagkakahawak ko sa kamay niya at napatingin ulit sa magandang kalangitan.

"Napakaganda ng kalangitan, mahal, noh? Parang bumalik sa akin ang alaala no'ng una kitang nakita. Sa labas ng kuweba habang magkasama kayo no'n ni Lara." Ramdam ko ang paninitig ni Nyctimus sa akin, kahit gano'n ay pinilit ko siyang hindi lingunin dahil alam kong titibok na naman ang puso ko dahil sa paraan ng pagtitig niya.

Kahit ngayon na asawa ko na siya, hindi ko mapigilang hindi mamangha dahil sa naging takbo ng panahon namin. Hindi ko aakalain na babagsak siya sa akin, hindi ako makapaniwala na ang gusto ko lang noon ay asawa ko na ngayon. Natatakot pa ako no'n dahil alam kong mas matigas pa siya sa bato, at mas tuwid pa siya sa isang puno. Lalaki siya, pusong-babae ako kaya malabo para sa akin na magustuhan at mahalin niya rin pabalik. Pero kita mo nga naman, nasa akin ang pabor ng tadhana at binigyan niya ako ng pagkakataon na mahalin ang isang tulad niya.

"Parang hindi ko maalala na sinabihan mo ako tungkol sa una nating pagkikita, mahal?" Dinig kong sabi niya, napahagikhik ako doon. Humarap ako sa kaniya at kita ang lito sa mga mata nito.

"Akala ko noon ay nakita kita sa labas ng kuweba no'ng rumuronda ka sa paligid sa ilalim ng mainit na araw. Pero naalala ko na... una kitang nakita no'ng kasama mo si Lara at kalaban niyo noon ay sina Arakiel at ang mga kapatid niya sa gabing 'yon." Sagot ko sa kaniya, natigilan siya doon at kalauna'y ngumiti na rin sa akin pabalik. Sa pagsasama namin, natutunan na rin niyang ngumiti. Pili nga lang ang mga nilalang na nginingitian niya pero masaya ako dahil kahit napakasakit ng nakaraan niya, pinilit niya pa rin ang sarili niya na maging masaya ulit.

"Nandoon ka?" Tanong nito, tumango ako at ngumiti ng matamis.

"Tinago ko ang presensiya ko pero hindi ang enerhiya ko, hindi niyo na napansin ang Dragon kong anyo dahil seryoso niyong nilalabanan ang mga anghel." Natawa ito ng kaunti na siyang parang hinaplos ang puso ko. Makita ko lang siyang ganito ay masaya na ako, na nagagawa ko siyang patawanin sa simpleng bagay.

A Crown For Throne: Guild House [BL]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon