Chapter 2

2.1K 24 0
                                    

CHAPTER TWO

"ANONG lugar ito, Meredith?" tanong ni Alana na nagpainga-linga sa paligid ng kalsada habang nagmamabagal naman sa pagda-drive si Meredith.
Maraming batang naglalaro sa kalye. Kung hindi siya mag-iingat ay baka makabundol siya. Ni hindi natatakot sa sasakyan ang mga ito, sadyang inihahara ang katawan at walang pakialam kung madagil man o hindi ng sasakyan. Hindi naman maituturing na squatters' area ang lugar subalit hindi rin naman iyon ang inaasahan niyang tinitirhan ng mama niya.
"Hindi ko kayang magmaneho sa ganitong uri ng daan. Ano ba ang ginagawa ng mga batang iyan sa kalye? Sa halip na umiwas ay parang susugurin pa ang sasakyan," komento ni Alana na napapailing. "Nasaan na ba tayo?"
"Have you ever heard of the word 'poverty'?" tanong niya sa halip na sagutin ang tanong nito. "It's real, Alana, hindi lang sa TV napapanood iyon."
"Salamat sa sarcasm," Alana countered back, rolling her eyes. "Literal ang ibig kong sabihin sa tanong ko. Anong lugar ito?"
Inabot niya sa dashboard ang kapirasong papel na pinagsulatan niya ng address ng ina nang tawagan siya nito noong nakaraang araw. Nagulat pa siya nang sabihin ni Agatha na nasa Quezon City lang ito gayong ang pagkakaalam nila ay sumama ito sa lalaki patungong America.
"Masambong, Quezon City." Ibinalik niyang muli sa dashboard ang kapirasong papel. "Ito na ang kalyeng nakalagay sa address. Number 27 ang bahay..." Sinuyod ng mga mata niya ang bawat bahay, tindahan, o pondahan na nadadaanan. At habang papasok sila sa kalye ay parami nang parami ang mga bata at ang mga bahay at dikit-dikit.
"That must be the one, Mer!" exclaimed Alana. Itinuro ang isang dalawang palapag na lumang bahay. Sa ibaba'y tindahan at may mga lalaki at babaeng nakaupo sa harap niyon at naghuhuntahan. "Twenty-six iyong sinundang bahay."
Agad na nagpreno si Meredith at ipinarada ang sasakyan sa tabi ng makitid na daan na bunton ng basura ang nasa bandang damuhan. Agad nilang nakuha ang atensiyon ng mga naroroon sa tindahan at kahit ang mga istambay sa paligid. Huminto rin sa paglalaro ng basketball sa kalye ang ilang kabataang lalaki at tinitingnan sila.
"Are you sure it is safe to come out?" nag-aalalang tanong ni Alana.
Sinulyapan niya ang kaibigan. Hindi niya ito masisi. Tulad niya'y iyon ang kauna-unahang pagkakataong nakarating sa ganitong uri ng lugar ang kaibigan. Siya man ay kinakabahan din sa tingin ng mga lalaking istambay sa kanila. Pero hindi naman siguro sila sasaktan ng mga ito o babastusin kaya?
"You can stay in the car. Ako na lang ang bababa. Hindi ako magtatagal."
"Sasama ako sa iyo! Ayokong maiwan dito."
Lakas-loob na lumapit sa may tindahan ang dalawa. Ang mga lalaki ay nasa mga mata ang malisyosong paghanga sa dalawang magagandang dalaga. Tatlo sa mga iyon ay hubad ang pang-itaas at ang aga-aga ay nag-iinuman na lalong nagpakaba sa kanila.
"M-magandang umaga po," ani Meredith sa lahat. "M-maaari po bang magtanong?"
"Basta kayo, mga magagandang miss," wika ng isa na may hawak na bote ng beer at nakangisi sa kanila at ipinakikita ang bakanteng gilagid.
"May... may nakatira po bang Agatha sa bahay na ito?"
"Agatha?" wika ng babaeng may kargang bata. "Sinong Agatha ang hinahanap mo? Matagal na ako rito pero wala ritong may ganyang—"
"Mareng Bining," agap ng may-ari ng tindahan na sumungaw sa may pinto. "Baka ang hinahanap niya'y ang bagong kinakasama ni Dolpo. Mukhang sosyal iyon nang unang dalhin ni Dolpo rito."
"Aba'y hindi naman naglalalabas ng bahay ang babaeng iyon. Tila diring-diri sa atin, eh." Umismid ito at tumingala sa itaas. "Kung iyon ang hinahanap ninyo'y sa itaas iyon nakatira. Nangungupahan dine sa may-ari ng tindahan. Bakit n'yo ba hinahanap?"
"Ah, eh..." Hindi malaman ni Meredith ang isasagot. Hindi niya magawang sabihing ina niya ang hinahanap dahil sa salitang "kinakasama nito."
Iniligtas siya sa pagsagot sa biglang malakas na hiyawan at kalabugan sa may itaas ng bahay. Nagkatinginan sila ni Alana at wala sa loob na napaatras.
"Huwag kayong matakot," natatawang sabi ng may-ari ng tindahan at ng mga naroroon sa naging anyo nila ni Alana. "Normal na sa mga nakatira diyan sa itaas ang ganyan. Hala, pumanhik na kayo. Diyan sa may hagdan sa gilid ang patungo roon."
"Ngayon lang yata may naligaw na mga ibong adarna dito sa lugar natin," wika ng isa sa mga nag-iinuman. Sinundan ng humahangang tingin ang dalawa.
"S-salamat po." Hinila niya si Alana patungo sa makitid na hagdanang kahoy.
Tiningala nilang pareho ang makitid na hagdan. Sa itaas niyon ay isang maliit na landing na may barandilyang kahoy. Ang ilan sa mga iyon ay natanggal na sa pagkakapako at nakabitin na sa ere. Tingin ba ni Meredith ay hindi sila kakayaning dalawa ni Alana ng mga baitang na sa wari ay matatanggal sa pagkapako sa sandaling tumapak sila.
"Pumanhik na kayo," sigaw ng babaeng may kargang bata nang makitang nag-aalangan silang dalawa sa pagpanhik. "Matibay iyan. 'Di kayo ihuhulog niyan."
Bahagya nang nilingon ni Meredith ang babae. Nagsimula silang pumanhik. Si Alana ay nanginginig sa takot na mahigpit ang pagkaka-hawak sa barandilya at halos pagapang ang ginawang pag-akyat. Nasa itaas na sila at narinig ni Meredith ang paglabas ni Alana nang maluwag na paghinga nang biglang bumukas ang pinto.
Napaatras sa barandilya ang dalawa at umuga iyon. Napatili si Alana sa pagkabigla sa pag-aakalang bibigay ang barandilya at mahuhulog sila. Si Meredith ay natakpan ang bibig upang pigilin ang pagtili. Nasulyapan pa niya ang pagtatawanan ng mga tao sa may tindahan na nakatingin sa kanila.
"Anak ng putang buhay ito!" mura ng lalaki na padabog na ibinalya ang pinto habang isinusuot ang kamesita. Sandaling huminto sa entrada nang makita sila. Puno ng kuryusidad ang mga mata sa pagkakatitig sa kanilang dalawa bago lumingon sa loob.
"Hoy, Agatha, may bisita ka! Makinig ka sa pangangaral nila at manampalataya ka nang magbago ka naman!" Isang malisyosong sulyap ang ipinukol nito sa kanila bago tuluyang bumaba. The man thought they were preachers.
Kinakabahan si Meredith na ano mang oras ay bibigay ang hagdan sa marahas nitong pagtapak sa mga baitang. At kapag bumigay iyon, pati ang kinatuntungan nila ay tiyak na bibigay din.
"Meredith!"
Nabaling sa pinto ang paningin ni Meredith. "Mama..." usal niya. Namamanghang hinagod niya ng tingin ang ina. Hindi siya makapaniwala sa nakitang anyo nito. Sa wari ba ay tumanda ito nang husto. Lumang duster ang suot nito at malaki ang inihulog ng katawan.
Hinawakan siya nito sa kamay at hinila papasok. "Halika... halika. Pumasok ka," excited nitong sabi. Nang sa unang pagkakataon ay mapansing hindi siya nag-iisa. "May kasama—Alana?"
"G-good morning ho, Mrs. Gallego."
"Bakit isinama mo pa rito ang kaibigan mo, Meredith?" galit nitong tanong. "Hindi ka ba nahihiyang—"
"Matagal na akong nahihiya sa ginagawa ninyo, Mama," agap niya sa sinasabi ng ina sa sarkastikong tono, tuluyan nang naglaho ang takot sa mabuway na hagdan. "Isa pa'y alam naman ni Alana ang ginawa ninyo."
Sandaling natigilan si Agatha bago tumaas ang mga kilay nito. Dinampot ang kaha ng sigarilyo sa may mesitang kahoy na ang gitna ay nakalundo. Naroon ang ashtray na puno ng upos ng sigarilyo at walang lamang mga bote ng beer. The whole house stunk of cigarette and stale beer. Parang gusto niyang tumayo sa tapat ng bintana upang makahinga man lang ng hangin.
Iniwan ng mama niya ang daddy niya para sa ganitong uri ng buhay?
Nilamukos ni Agatha ang kaha ng sigarilyo nang makitang walang laman at inihagis sa labas ng bintana.
"May pera ka ba diyan?" anito kay Meredith.
Bagaman nabigla ay hindi nagpahalata si Meredith. Ang akma niyang pagbubukas ng bag ay napigilan dahil nauna na roon ang kamay ni Agatha at pahablot na kinuha mula sa kanya ang bag niya. Mula roon ay inilabas nito ang wallet niya at kinuha lahat ang paper bills na naroroon.
Binilang nito ang pera at pagkatapos ay nag-angat ng mukha sa kanya. "Ito lang ba ang pera mo? One thousand four hundred?" nadidismayang sabi nito, kumuha ng sampung piso at ang iba ay isiniksik sa bulsa ng duster. "Hindi bale na, puwede na ito." Lumakad ito patungo sa pintuan at may sinutsutan.
Ilang sandali pa ay may pumanhik na bata at inutusan nitong bumili ng sigarilyo sa ibaba. Hinintay nito iyon sa bungad ng hagdan. Sila ni Alana ay hindi malaman ang gagawin at natitiyak niyang kahit pilitin ng mama niyang maupo ito ay hindi gagawin ni Alana. Tulad niya ay mas nanaisin nilang tumayo na lang.
Nang bumalik ang bata dala ang sigarilyo ay saka pa lang muling pumasok sa loob si Agatha. Agad nitong sinindihan ang sigarilyo.
"What happened?" tanong ni Meredith kay Agatha nang maupo ito sa sofa na tadtad ng tapal ang kutson at sunog ng sigarilyo ang iba't ibang bahagi. "Akala ko ba'y nasa America kayo?"
Nagbuga ito ng usok ng sigarilyo patungo sa kanya. Sinikap ni Meredith na huwag maubo. Natitiyak niyang ganoon din si Alana na nananatiling tahimik sa isang sulok malapit sa bintana.
"Niloko ako ng tarantadong Dolpo na iyon!" Nagtagis ang mga bagang nito. Muling humitit ng sigarilyo, sa pagkakataong iyon ay bahagyang umatras si Meredith upang hindi niya malanghap nang diretso ang usok. "Ang buong akala ko'y milyonaryong negosyante. Kung magpatalo sa mahjong ay ganoon na lang..."
"I see." Bahagyang tumangu-tango si Meredith.
Nag-angat ng nanlilisik na mga mata si Agatha. "No, you don't see it, Meredith! Wala kang alam sa mga bagay-bagay. Labis kang ini-spoil ng ama mo!"
"Just as he catered to your whims. Gayunman, wala kang pagpapahalaga sa mga ginawa ni Daddy sa iyo." Hindi niya malaman kung saan galing ang lakas ng loob niyang sabihin sa ina iyon.
"Kasalanan ng ama mo ang nangyayaring ito sa akin! Kung bakit ako nagkakaganito!"
Meredith snorted. "How typical. Lagi na lang si Daddy ang may kasalanan sa lahat ng kapalpakang ginagawa mo. It was you who left us with another man." Sinikap niyang kontrolin ang pag-ahon ng galit.
"Because he never loved me! I was never his wife. He never cared about me!"
"He gave you everything you wanted. Higit pa sa kakayahan niya. And you call that not loving you?" she said accusingly, bitterly. She shook her head in frustration. "You were never satisfied, Mama. Walang katapusan ang mga bagay na gusto mo."
Gusto niyang sumbatan ang ina na kahit kailan ay hindi naging ina at asawa sa kanilang mag-ama. Pero minabuti niyang huwag nang isatinig iyon. Hindi na iyon mahalaga sa sandaling iyon. Mas nangingibabaw ang pagnanais niyang malaman kung bakit ninais ni Agatha na makipagkita sa kanya.
Umismid si Agatha. "Hindi lang iyon ang kailangan ng isang asawa, Meredith. May mga pangangailangan akong hindi kayang ibigay sa akin ng ama mo. Hindi dahil hindi niya kayang ibigay sa akin kundi hindi niya gustong ibigay! Mahal pa rin niya ang babaeng iyon!" Gumuhit ang poot sa mga mata nito.
"Sino ang tinutukoy mo, Mama?" tanong niya, bagaman humigit-kumulang ay alam na niya ang sagot.
"Si Andrea!" hiyaw nito. "Dati niya itong kasintahan noong nasa kolehiyo pa kami. But Andrea fell for another man. Nasaktan ang papa mo at bumaling sa akin. Dahil sa kahibangan kong ibigin ang kasintahan ng kaibigan ko'y nagpagamit naman ako. Ginawa akong panakip-butas ng ama mo at pinakasalan upang pasakitan si Andrea. Pero hindi nagawang kalimutan ng ama mo ang babaeng iyon sa kabila ng mga taon." Humagulhol ng iyak si Agatha.
"Hindi iyon ang sinabi mo sa akin noong inabutan kong halos itaboy mo si Tita Andrea."
Napatigil si Agatha sa sinabi niya. Sandaling nalito at marahil pinipilit isipin ang mga sinabi nito sa kanya. "I... I was trying to give you the short and less painful version..."
"Or you were trying to give me more lies?"
Hindi agad sumagot si Agatha. Tinatantiya siya at pinag-iisipan kung ano ang marahil ay sinabi ni Danilo sa kanya. Sunud-sunod ang hitit-buga nito ng sigarilyo.
Meredith stared at her pitiful mother. Hindi malaman kung ano ang iisipin at mararamdaman. Kung ano ang paniniwalaan. Subalit unti-unting gumitaw sa isip niya kung paano tinrato ng ama ang asawa. Wala itong pakialam kahit na anong gawin ni Agatha. Ibinibigay ni Danilo ang material na pangangailangan nito. Higit pa sa kailangan ni Agatha. Pero ni minsan ay hindi niya nakitaang masuyo ang ama sa asawa.
Her father was cold and contained. Tila automaton ang mga kilos pagdating sa asawa. Ni hindi nito pinapatulan ang hysterics ni Agatha. She even thought that her father was not the showy type.
Ngayon ay nakikita niyang may katotohanan ang sinasabi ng mama niya. Sa sandaling iyon ay nakadama siya ng habag dito. Nauunawaan niya ang nararamdaman nito. Subalit hindi niya kayang tanggapin sa sarili na dahilan ang pagiging malamig ng daddy niya rito upang sumama ito sa ibang lalaki. Lalo at may alam siyang mga babaeng nagkakandakuba sa pagtatrabaho mairaos lang ang buhay ng pamilya.
"Nag-file ng legal separation si Daddy," she said unemotionally.
Naghalili ang iba't ibang emosyon sa mukha ni Agatha. Pagkabigla, panlulumo, at pagkatapos ay galit.
"Of course! At pagkatapos ay malaya na silang magsama ng babaeng iyon," poot nitong sabi. "He had been waiting for this. Isang pagkakamali ko lang upang magawa niya ang gusto niya—ang hiwalayan ako!"
Hindi alam ni Meredith ang isasagot. Definitely, nagkaroon ng matibay na dahilan ang daddy niya upang legal na makipaghiwalay rito.
"Pero nagkakamali siya, Meredith," patuloy ni Agatha sa matigas na tinig. "Hindi ko ibibigay sa kanya ang kalayaan niya!"
"I am really sorry that this has happened, Mama," she said wearily. "Gusto ko kayong sisihin pero para ano? Pero may palagay akong hindi ninyo maaawat si Daddy sa binabalak niya."
"Hindi ako papaya sa gagawin niya!" Agatha was almost hysterical.
"Nakalimutan mo na bang isa siyang mahusay na abogado? At may ginawa kayong kasalanan. Maraming nakakaalam."
Sandaling natahimik si Agatha. Pagkatapos ay muling humagulhol. Kahit paano'y gustong maawa ni Meredith sa ina. Pero iyong katotohanang sumama ito sa ibang lalaki, siya man ay hindi iyon kayang tanggapin. Lalo at nakita niya ang lalaking sinamahan nito. Lalo at nakikita niya ang uri ng buhay na ipinagpalit nito sa kanilang mag-ama.
"Don't let him do it, Meredith," pakiusap nito.
Nabigla si Meredith sa pagbabago ng tinig nito. Luhaang mukha ang nakatitig sa kanya.
"Sinira ni Andrea ang buhay namin ng daddy mo mula't sapol. Huwag mong hayaang magtagumpay siyang gawin iyon!"
Huminga siya nang malalim. Lumingon kay Alana na tila ba isu-supply nito sa kanya ang isasagot niya. Subalit nanatiling nakamasid lang ang kaibigan sa hindi maipaliwanag na emosyon. Muli siyang humarap sa ina.
"Hindi ko alam kung bakit ninyo nasasabi iyan, Mama. In my whole life, apat na beses ko lang nakita si Tita Andrea at tatlo roon ay kayo pa ang malimit mag-usap ." At kung may katotohanan man kahit kaunti ang sinasabi nito, disin sana'y sinamantala na ng daddy niya ang pagkakataong makapagbakasyon sa Rancho Monte. Hindi niya isinatinig sa ina ang bagay na iyon.
"You know nothing! Wala kang alam sa mga pangyayari. You were sheltered. Pampered."
"That's not—" Inawat niya ang sarili. Walang silbing makipagtalo kay Agatha. Buong buhay na niyang napatunayan iyan. Humugot siya ng hininga. "Ano ang gusto mong gawin ko, Mama? Bakit mo ako pinapunta rito?"
"Ask your father to forgive me. Pilitin mo... makiusap ka. Hindi ka niya pahihindian. He loves you so much at wala siyang gagawin kung para sa ikaliligaya mo," prantikong sabi nito.
Meredith stared at her mother in disbelief. Ganoon ba kadali ang magpatawad sa kasa-lanang ginawa nito? At siya, gusto ba niyang patawarin ang ina sa ginawa nitong kahihiyan sa kanila ng ama niya? Ni minsan sa buong buhay niya ay hindi niya naranasang mahalin at arugain nito. Sa mga panahong wala ito sa kanila ay nakadama siya ng katahimikan. Walang nagagalit araw-araw sa mga walang kakuwenta-kuwentang bagay. Walang sumisinghal.
Kahit paano ay nakadarama siya ng guilt dahil sa kaibuturan ng puso niya ay hindi niya gustong pagbigyan ito. Binigyan nito ng malaking kahihiyan si Danilo sa mga kaibigan at kakilala nila. And her father never said a word.
"Nangangako akong magbabago, Meredith, sa sandaling muli kaming magkasundo ng daddy mo. Pinagsisisihan ko nang labis ang kasalanang ginawa ko. But you also have to understand na hindi ko ginustong gawin ito. He is partly to blame. Itinulak niya akong gawin ang mga bagay na labag sa aking kalooban."
Tumango siya. "Titingnan ko kung ano ang magagawa ko."
"Sikapin mo, Meredith!" utos nito. At nang tumalikod siya upang umalis na sila ay bigla siyang hinawakan nito sa braso. "Humiram ka ng pera kay Alana. Dagdagan mo ang ibinigay mo sa akin."

Kristine Series - Monte Falcon (Island in the sun) by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now