Chapter 15

1.4K 18 0
                                    

CHAPTER FIFTEEN

MAKALIPAS ang unos ng mga damdamin ay pareho silang dumausdos ni Tristan sa buhanginan. Humiga ito sa buhanginan at nakatingin sa mabituing langit. Tulad niya ay hinahabol din nito ang hininga.
She recovered first, dinampot ang T-shirt at isinuot. Pagkatapos ay naupo paharap dito. Ipinagsalikop niya ang mga braso sa mga binti niya. They stared at each other for ages. Ang forefinger nito ay bumaba-tumaas sa binti niya sa mabining paraan. Kapagkuwa'y inabot nito ang kamay niya at dinala iyon sa bibig. Even in semidarkness, nakikita niya ang kislap sa mga mata nito habang nakatitig sa kanya.
"Hindi ko alam na ganoon ka kabigat, muntik na kitang mabitiwan..." he teased.
She giggled at pareho silang sabay na nagtawanan.
She was still smiling when she took her hand back, pero dinala niya ang kamay ni Tristan. Hinawakan niya itong mahigpit at idinaiti sa ibabaw ng puso niya.
"I love you." It was the softest of whispers, like the breeze that brushed Tristan's face.
He stiffened. Kanina ay umaasam siyang marinig iyon mula kay Meredith. Ngayong marinig niya ito ay hindi niya malaman kung ano ang dapat na madama. How could such words sound so sweet and bitter at the same time?
Tumayo ito at hinila rin siya patayo. Muling yumuko at dinampot ang panties ni Meredith. "Tayo na sa itaas. Malamig na at baka magkasakit ka pa."
"Tristan..."
"Minsan may mga sandaling hindi kailangan ang salita, Meredith." He spoke coldly, unemotionally. He must be very stupid. Dapat ay magsisigaw siya sa tuwa dahil iniibig siya ni Meredith. Pero sa halip na galak ay takot at insekyuridad ang nadarama niya.
Meredith stared at him. She was confused. Hindi niya ito naiintindihan. Gusto niyang magalit sa biglang panlalamig ng tono nito. Subalit ano ba ang mapapala ng galit niya? Ano ba ang inaasahan niya? Ang sabihin ni Tristan na mahal din siya?
Don't be a fool, Meredith. Narinig mo ang sinabi ni Alana kaninang umaga. Love doesn't grow overnight. Oh, yes, you had great sex with this man. Pero ipapakahulugan mo bang pag-ibig iyon?
Tila may malaking kamao na biglang dumakot at pumisil sa puso niya at halos hindi siya makahinga sa sakit. All of a sudden, the stars were gone. Tila nagdilim ang kalangitan. Walang kibong nauna siyang lumakad papanhik sa hindi mabilang na mga batong baitang. Kung kanina ay napakadaling bumaba patungo sa dagat, ngayon ay tila walang katapusan ang pinapanhik niya. Napakabigat na ihakbang ang kanyang mga binti.
She swayed a little as she missed her step. Maagap siyang nahawakan ni Tristan sa mga balikat. Kasabay ng pagmumura nito ay pinangko siya papanhik.
"Put me down, Tristan, kaya kong umakyat!"
"Anong kaya? Eh, muntik nang sumala ang mga paa mo sa baitang," matabang nitong sabi. "At huwag kang magpapalag, hindi tayo bibiruin ng mga batong baitang na iyan sa sandaling mawalan ako ng panimbang."
Hindi na siya kumibo sa kabila ng gusto niyang magprotesta. The complexity of the man baffled her to no end. Caring and playful one moment, cold and distant the next.
SINUNDAN ng tingin ni Tristan ang pagpanhik ni Meredith sa itaas. At nang mawala ito sa paningin niya ay maingat niyang isinara ang sliding door sa tagiliran na siya nilang dinaanan pagpasok sa mansiyon. Pagkatapos ay lumakad siya patungo sa guest room upang doon magpalipas ng magdamag. Nasa bungad na siya ng pasilyo nang huminto sa paghakbang at lumingon sa dilim.
"Ano ang ginagawa mo riyan, Andrea?" tahimik niyang tanong.
"Paano mo nalamang narito ako?" sagot nito mula sa dilim.
Huminga nang malalim si Tristan. "Mahigit pitong taon ako sa gitna ng gubat para hindi kita maramdaman." He heard her sigh in the dark.
"Pinanood mo ba kami?" Matalim ang tinig niyang nagtanong.
Mula sa pagkakaupo sa naroroong silya ay tumayo si Andrea. "Nakita ko nang magmadaling bumaba patungo sa dagat si Meredith." Her face was silhouetted against the lamp from the post outside. "Nasa veranda ako sa itaas. Alam kong may problema dahil hindi siya tatakbo sa dagat sa ganitong oras kung wala. Bumaba ako upang sundan siya pero nang matanaw kita ay napanatag ako."
Umangat ang mga kilay ni Tristan. "Napanatag? Kaya ba narito ka sa dilim at nag-aabang? Hindi na bata ang bisita mo, Andrea, para bantayan."
"Huwag mong itulad si Meredith sa ibang mga babaeng nakatagpo mo na, Tristan!" Hindi nito itinago ang galit sa tinig na bahagyang ikinagulat ni Tristan. "At alam kong may nangyari na sa inyo sa isla pa lang. And she was a virgin, damn you!"
Bahagyang umangat ang mga kilay niya sa huling sinabi ni Andrea. "Hindi ko lubos-maisip kung bakit pati ang pribadong bagay na iyan ay alam mo. Sinabi ba niya sa iyo na ako ang unang lalaki sa buhay niya? Sinabi ba niya?" pag-uulit niya sa nag-iigting na mga bagang.
"Natural na hindi iyon sasabihin! Pero hindi mahirap hulaan iyon. Kilala ko si Meredith mula pa pagkabata at—"
Umismid si Tristan na pumutol sa sinasabi ni Andrea. "Tigilan mo ang panghihimasok sa buhay ko, Andrea. Nagpapasalamat ako at tinatanaw kong malaking utang-na-loob sa iyo ang lahat ng mga ginawa mo sa akin subalit hayaan mo ako sa sariling buhay ko. Gayundin ang anak ng kaibigan mo. May sariling pagpapasya si Meredith."
"Hindi ko maaaring basta na lang—"
Muli ay pinutol niya ang sinasabi nito. "Ang nangyari sa amin ni Meredith ay pareho naming gusto."
"Paano kung magbunga ang ginagawa ninyo?"
Doon biglang natilihan si Tristan. Tila siya sinuntok sa sikmura. Subalit sandali lang iyon at agad siyang nakabawi. "Kung nagawan nina Vivian at Grace na protektahan ang kanilang mga sarili, bakit hindi si Meredith?"
Subalit tumatanggi ang utak niya sa sinasabi. Walang karanasan si Meredith kung ikukumpara sa dalawang babae sa buhay niya. At hindi inaasahan ni Meredith na maibibigay nito ang sarili sa kanya. Isa na namang uri ng takot ang muling gumuhit sa pagkatao niya.
Malakas siyang nagmura. "Kung nag-aalala ka'y pauwiin mo na ang mga bisita mo. Mas matatahimik ako!"
"Ganoon nga kaya, Tristan?"
"Si Meredith ay tulad din nina Vivian at Grace, Andrea." The truth of what he said was killing him.
"Huwag mo siyang ihalintulad sa kanila!" Pinigil ni Andrea ang sarili. Ang galit na naramdaman ay agad nitong pinagmaliw. "Nag-aalala ako para sa kanya. Masasaktan siya sa sandaling..." Kusa nitong ibinitin ang sinabi.
Through the dark, sinisikap ni Tristan na aninagin ang mukha nito. Inuuri. Kung ang tinig nito ang pagbabasehan niya ay labis ang pag-aalala si Andrea. Hindi lang ordinaryong pag-aalala. And it puzzled him. Sa tatlong magkakaibigan ay labis-labis ang pagtinging iniuukol ni Andrea kay Meredith.
Totoo namang anak ito ng isang kaibigan subalit hindi niya kayang ipaliwanag ang pagnanais nitong mapaluguran si Meredith nang husto sa bawat pagkakataong narito sa rancho ang dalaga. At ngayon ay heto at labis kung makapag-alala. There was more to it than just meeting the eye.
"Dapat ko bang bigyan ng kahulugan ang labis mong pag-aalala, Andrea? Mayroon ba akong dapat malaman?"
Dinukot nito ang sigarilyo sa bulsa kasama ang posporo. He had been trying to chuck the vice. At nagtatagumpay na siya hanggang sa dumating sa Rancho Monte si Meredith at muli ay kailangan niya ng sigarilyo.
Kumislap sa dilim ang bahagyang liwanag na nanggaling sa posporo. Humakbang siya patungo sa isang French chair at naupo roon.
"Nakahanda akong makinig." Walang emosyon ang tinig niya subalit naroon ang kuryusidad na umahon sa dibdib. Sa naririnig at nakikita niya rito ay hindi isang ordinaryong pagtingin lang ang iniuukol ni Andrea sa anak ng kaibigan nito. Kung ano man ang dahilan ay nais niyang malaman.
Humugot ng isang malalim na hininga si Andrea. Isinandig ang ulo sa silya at tumitig sa kadiliman.
"Sasabihin ko sa iyo ang lahat dahil hindi ka iba sa akin, Tristan. Halos anak na rin kita..."
Hindi kumibo si Tristan upang pasubalian iyon. Magagawa niya ang ano mang naisin niya subalit hindi magagalit si Andrea. Sa ibang pagkakataon ay iisipin ng sino man na ini-spoil siya nito. Hindi nga lang niya iyon pinapatulan at binibigyan ng puwang. Hindi niya bibigyan ng pagkakataon si Don Claudio na paalisin siya sa rancho.
Nagpatuloy si Andrea. "Dalawa ang motibo ko nang yakagin kong magbakasyon si Meredith dito. Uunahin kong sabihin sa iyo ang pangalawang dahilan.
"Kilala ko ang ama ni Meredith, si Danilo. He raised a good daughter. Noon ko pa binalak na magkaroon ako ng pagkakataong maipakilala kayo sa isa't isa—"
"Anak ng....!" putol niya sa sinasabi nito, napaangat ang likod sa sandalan. "Sinadya mong magkakilala kami ni Meredith? Ano na nga ang tawag doon sa Ingles? Matchmaker? Iyon ba ang ginagawa mo, Andrea?"
Andrea ignored him. Nagpatuloy ito. "Dumating ang pagkakataong hinihintay ko nang malaman kong sumama sa ibang lalaki si Agatha, ang mama ni Meredith."
"Sinadya mong pagtagpuin kami!" di-makapaniwalang usal niya, inignora ang mga sinasabi nito. Umiling at kapagkuwa'y, "Hindi ako magtataka kung sasabihin mong sinadya mong magkaroon ng bagyo para lang mangyari ang gusto mo."
"Sarcasm will lead you nowhere, Tristan. Mas mabilis kayo ni Meredith kaysa sa ano mang binabalak ko," she said with dry humor. "Natutuwa na sana ako at sa una pa lang ay nahuhulog na ang loob ni Meredith sa iyo at—"
"Ano ang nakapagtataka roon?" putol niyang muli sa sinasabi ni Andrea. "Walang babaeng hindi gustong maakit sa akin, hindi ba?" It was more of a self-mockery than conceit. "Gusto nila ang katawan ko. Iniisip nila kung gaano ako kahusay magpaligaya. Subalit hanggang doon lang dahil wala akong pinag-aralan, Andrea. Isa lamang akong tauhan ni Don Claudio..."
"At ganoon ka rin sa kanya, Tristan," patuloy ni Andrea na tila hindi siya nagsalita. "The attraction between the two of you is mutual. But your bitterness and pride are destroying everything. Ang kapaitan mo sa buhay ay nangingibabaw sa lahat ng sandali. Nasaktan ka sa ginawa nina Vivian at Grace sa iyo pero si Meredith ang pinagbabayad mo."
"Ano ba ang pinagsasasabi mo?" he asked irritably, tumayo mula sa pagkakaupo.
"Pareho kayong mahalaga sa akin ni Meredith kaya ginagawa ko ito. Maupo ka, Tristan, at makinig sa unang dahilan kung bakit naririto si Meredith..."
May pag-aatubiling sumunod siya at naupong muli. Sa kabila ng lahat, naiintriga siya sa tono ni Andrea.
Kulang isang oras na ang lumilipas ay naroon pa rin si Tristan. Nakikinig. Hindi malaman kung ano ang iisipin sa mga ipinagtatapat ni Andrea.

Kristine Series - Monte Falcon (Island in the sun) by Martha CeciliaWhere stories live. Discover now