Alam ko kung bakit nandito ka.
Alam ko kung bakit ka nagsama sa akin.
Magkasing tangkad lang man pala tayo,
o parang mas matangkad ka.
Kalamig masyado boses mo, parang nanggaling
sa ginalanguyan ng mga tuna.
Ang mga mata mo ang araw na nagasidlak
sa dagat ng Sarangani.
Hawak ko ang susi sa pulang pinto.
Makabungol sa loob.
"Magkwento ka," gibasag ko ang katahimikan.
"Hindi ako pala kwento," sagot mo.
Kaya ako na lang—
perstaym mo makilala sila Indarapatra at Sulayman.
Grabe ang pagkamangha mo kay Pah
kung paano niya ginatakpan ang araw
ng mga higante niyang pakpak.
Minsan ka lang din dito sa siyudad
kaya gidala kita sa night market.
Ganitong oras, tulog na mga tao sa inyo
pero ang ilaw at ingay dito, buhay na buhay
na ginayakap ng hamog at ng usok ng barbecue.
Kadaming ngiti ang magkapares.
Kadaming kamay ang magkahawak.
Ngayong gabi, hawak mo kamay ko.
Wala may nakakilala sa atin dito.
Malaya tayo maging tayo.
Patuloy lang mga kuwento ko habang
nagaupo tayo sa damuhan ng oval.
Sa mga mata ko, ikaw si Shahryar
na nagalambot ang puso sa kada kwento ko.
Ngayong gabi, ikaw ay datu o sultan
o kahit sino na dugong bughaw.
Nagakinang ang mga mata mo
sa liwanag ng mga floodlights.
Pakiramdam ko, ginapalibutan tayo
ng kadami masyado na mga alitaptap
kahit wala man gud talaga.
Sa gitna ng mga kwento ko, gitanong kita,
"Mahal mo ba siya?"
"Oo." Katibay masyado ng sagot mo.
Pero kung talagang mahal mo gid siya...
...bakit nandito ka?