Alam mo ba noong araw na nag-relocate ako sa Alitaptap Dormitory tinabihan ako ng isang matandang babae sa bus at nakipagusap siya sa akin na para talagang siya ang mama ko?
Kung hindi magiging balakid sa oras mo, ganito ang naging takbo ng paguusap namin ng matandang babae:
"Pagsikapan mo iho na may madating ka sa buhay. Huwag mong tularan ang masamang hangin na paikot-ikot lang sa isang lugar hanggang sa mawala. Tahakin mo ng maigi ang daan na nakalaan sa iyo at alamin mo kung ano ang kailangan ng iba sa iyo," sabi niya.
"Tatandaan ko po, nanay," sagot ko naman.
Ang mga salitang iyon ay parang palabas na maganda lang sa umpisa at dulo pero pipiliin mong isnobin yung parteng gitna kasi ang sama sa sikmura isipin.
Tandang-tanda ko pa ang takipsilim nang aking pagdating sa Alitaptap.
Luma na ang dormitoryo na nakatayo sa gilid ng matayog na puno ng kaimito. Napapalibutan ito ng maraming lumilipad na alitaptap, totoo sa pangalan nito. Kulay berde ang ilaw nila, o dilaw o ginto.
Kung ano man ang totoo, maganda lang silang tanawin na nilalasap ang katahimikan ng paligid, ang sariwang hangin at ang kaalamang hindi sila maiingit sa isa't-isa kasi bawat alitaptap naman ay may ilaw.
May tumunog na bell at dumaan ang isang nagbibisikletang manong na nagbebenta ng mais. Amoy ko sa hangin ang mainit na nilagang mais na karga niya sa bisikleta sa loob ng puting sako. Umikot siya sa kanto at nawala sa dilim.
Sa pagtingin ko muli sa dormitoryo, umilaw sa likod ng pintuan at mabilisan itong binuksan nang kaunti.
Isang mukha ng lakake ang dumungaw sa labas at nakita niya ko. Hindi siya mukhang nasiyahan kung ano man ang nakita niya.
"Dumaan na si Manong Mais no?" tanong niya sa akin ng mabilisan.
"Ngayong lang mismo. Umikot siya doon," sagot ko sa mukhang irritabling lalake sabay turo sa kantong may nakasulat na Third St.
"Ganon ba? Sayang naman, ayoko sanang magluto ng hapunan kasi tinatamad ako," sabi ng lalake habang nakatingin sa kantong pinuntahan ng nagbibisikletang manong.
Mahihintulad mo ang boses niya sa nagsasalitang parrot.
"Masarap ba yung mais niya?" tanong ko para malibang ang mukhang dismayadong lalake.
Suot ko ang paborito kong berdeng hoodie na may nakasulat na pangalan ng eskwelahan na kailanman ay hindi ko pa napuntahan. Gayunpaman, ramdam ko ang lamig ng gabi habang nakatayo sa labas.
"Hm, nagbebenta rin yun ng nilagang kamote at mani," mabilis na sagot ng lalake. Nakadungaw pa rin ang ulo niya sa pintuan.
Tumigin siya sa kinatatayuan ko at napansin ang mga dala-dala kong gamit.
"Tama ba ang hinala ko na freshman ka?" tanong niya sa akin.
"Oo, freshman. Dito ako sa Alitaptap na-assign," magalang na sagot ko.
"Hindi ka multo? Baka multo ka at balak mong kainin kami lahat dito?" tanong ulit ng lalake.
Hindi ko mahinuha kung nagbibiro siya o sumusunod lang sa protocol sa mga dapat na itanong sa mga bagong mukha.
"Wala naman sigurong multo ang gigising ng maaga bukas kasi may pasok siya sa major subject niya," sabi ko sa lakake.
"Hm, hindi mo ko maiisahan. Maraming ganyang multo dito sa uni," sagot ng lalake.
Binuksan niya na ng buo ang pinto at nakita ko ang pambahay niyang suot: pink na shorts, medyas na di pares at long sleeves na white polo.
Hindi ko lang maintindihan kung biro lang niya ang parteng may multo sa university namin. Pero hindi ko na sineryoso sa panahong iyon.
Bumunot siya ng cellphone galing sa maliit na bulsa ng shorts niya at itinanong sa akin ang pangalan ko.
"Mario Guzman."
Madalian siyang nag-scroll sa cellphone at gumawa ng notes.
"Sige, pasok ka sa Alitaptap, Mario. Tawagin mo nalang akong Alfonso. Ako pala ang student assistant dito. Pasensya na't wala ako sa porma, buong araw na kasing nagasikaso sa mga baguhan kaya heto tuloy walang kain," kinamot niya likuran niya.
"Pulutin mo mga gamit mo at ipapakita ko sayo ang loob ng dorm."
Walang imik akong sumunod sa kanya. Dinala ko rin lahat ng gamit ko kaysa pahawakan ko pa sa kamay niyang ginamit para kamutin ang likuran niya.
Kahit sa malakas niyang pagsara sa pinto, kita ko pa rin na hindi natitinag ang mga alitaptap na palipad-lipad lang sa lumang bubong ng dormitoryo.
🎆
Konektado sa isang maliit na pasukan ang pintuan kaya hindi matitiyak ng isang taga-labas ang kakaibang mundo sa loob ng dorm.
Habang kinakaladkad ko ang mga gamit ko, dinig ko ang ingay ng tunog-kalyeng musika na para bang yinuyugyug ang mga pader na nakapalibot sa amin.
Nabasa siguro ni Alfonso ang iniisip ko kaya maaga niya nang ipinaalam sa akin ang isa sa mga rules sa Alitaptap.
"Tandaan mo sa mga ordinaryong araw hanggang alas-nuwebe lang puwede mag-ingay. Pagkatapos silent hour na. Pero kung may event, pinapayagan tayo hanggang alas-dose."
Tumango ako sa kanya. Nabibigatan na ang kamay ko sa mga dala kung bag.
"Maingay lang ang mga 'to kasi bukas pa naman magsisimula ang pasukan. Bukas pa eepekto ang rules."
Binuksan ni Alfonso ang maliit na pintuan at puwersahang binuksan ang mga mata ko ng napakasailaw na liwanag mula sa loob.
Napansin ko ang kulay gintong mga pader na nagpatindi ng liwanag sa paligid. Para ba akong si Aladdin na sumabay sa tagasunod kong genie sa pagpasok niya sa maliit na mundo sa loob ng mahiwagang gintong lampara.
"Ito ang mga magiging kasama mo ngayong taon," sabi ni Alfonso.
Iba't ibang klase ng tao at personalidad ang nakita kong naroon na nagtitipon sa malaking sala: mga taong statik at pabago-bago, meron ding patag at bilog, at iba-iba din ang kulay na makikita mong lumalabas mula sa kanila.
Ngunit sa lahat ng nandoon, nasa tatlo lang ang may gagampanan sa kuwentong ito.
Isang lalake ang nakaupo sa sulok ng sala sa tapat ng malaking electric fan na nakatayo sa katapat na sulok. Magkahalong kulay itim at abo ang buhok niya at para na siyang edad trenta.
Napansin kung nagbabasa siya ng Fear and Trembling ni Soren Kierkegaard, isang pilosopo ng eksistensyalismo.
May suot siyang dark shades ngunit napansin niya ang pagdating namin at una niya akong binati.
"Aba, isang bagong kaibigan! Maligayang pagdating sa Alitaptap!" malakas niyang bati sa akin sabay tayo sa inupuan niyang rocking chair.
"Senior mo, si Rom Manroy. Overstaying na yan dito sa uni kaya magpakita ka ng paggalang," pabulong na sambit sa akin ni Alfonso.
Tiningnan lang namin siya na pilit binabalanse ang sarili sa kinatatayuan niyang rocking chair.
Isang lalake naman ang madaliang lumabas sa kalapit na kwarto at nilapitan si Rom.
"Nasaan ang baguhan? May potensyal ba siya na maging kapanalig sa Kilusan?"
"Potensyal?" tanong ni Rom habang biglang huminto ang oras sa buong sala ng Alitaptap.
Nalaman ko din sa sandaling iyon na kahit nakay Alfonso ang titulo, si Rom ang tunay na nirerespetong tauhan dito sa dorm.
Sa susunod na sandali ay biglaan siyang lumundag sa hangin.
Nagpaikot-ikot ang katawan niya sa may dingding hanggang nakarating siya sa kanyang dalawang paa malapit sa kinatatayuan ko.
Para siyang superhero!
"May potensyal ang lahat kung may tiyaga na hubugin ito sa sarili," sagot ni Rom sa sariling tanong.
Mistula siyang gentleman na nanggaling sa nakaraang panahon.
"May katotohanan ba ang pahayag ko, kaibigan?" sabi niya ng nakangiti, sabay abot ng kanyang kanang kamay sa akin.
Tinaggap ko ito ng walang pagaalinlangan.
YOU ARE READING
Limang Klase ng Multo
Teen FictionAyon sa sabi-sabi, kapag naglakad ka sa gabi sa may Acacia Drive sa Lower Campus at mistula kang may dinadalang mabigat sa loob mo - siyempre hindi bagay ang pinaguusapan natin dito kasi kapag college kana at dinadamdam mo pa rin ang mga walang kuwe...