Sa mga taon na ako'y isa lamang uhogin at pilyong nilalang na ang alam lang ay kung hindi ako kakain nang tatlong beses sa isang raw o matulog sa tanghali at gabi ay hahabulin ako ng walis-tingting ni nanay at mananatili lamang na sinlaki ng halamang nakatayo sa banga; sa mga taong iyon ay may nabasa akong kwento sa isang libro kung saan sa hatinggabi daw sa isang liblib at malayong nayon ay may mga ligaw na spirito na dadaan sa harap ng mga bahay na may dala-dalang kandila at para bang nagsasagawa ng isang mabagal na prosesyon ng mga kaluluwa sa harap ng tahanan ng mga buhay.
Hindi ko na matandaan ang ibang parte ng kwento o kung ganito mismo ang mga pangyayaring isinalaysay ng nagkukuwento, ngunit para hindi makuha ng mga dumadaang spirito ang kaluluwa ng mga tao ay ipinauubaya nila ito sa Bathala.
Siyempre matapos kung basahin ang kwento ay takot na takot kong inisip na baka dumaan din ang prosesyon ng mga kaluluwa sa harap ng bahay namin, kaya natulog akong nakabalot ng kumot ang katawan, para lang hindi nila makuha ang spirito ko. Nag-iisa lang kasi.
Lumaki naman akong hindi takot sa multo o sa mga nakakakilabot na kuwento.
Ngunit sa mundo kung saan isang malalim na katotohanan ang limang klase ng multo, totoo din pala na may prosesyon ng mga ligaw na kaluluwa.
Kapag nakita mo ang prosesyon, isa itong matibay na senyales na malapit mo na ring makilala ang limang klase ng multo.
At siyempre maaaring isa ka na rin sa kanila, ngunit may paraan upang hindi mo na tahakin ang landas na 'yan.
🎆
“Tulong! Tulong!” sigaw ko mula sa umaagos na tubig.
Hindi ko maramdaman ang lupa sa mga paa ko.
Habang nilalabanan ang takot na nagpayinig sa buo kung katawan ay pilit kung inaabot ang ibabaw ng tubig para hindi ako tuluyang malunod o matangay ng anod ng ilog.
Kung alam ko na ganito lang naman ang mangyayari, mas pipiliin ko na matulog ng maaga sa dormitoryo at gumising sa umaga ng masaya, payapa at bawi ang buo kong lakas.
“Baldo, ang lubid, ihagis mo!” dinig ko ang pagsigaw ni Rom.
“Oo, ihahagis na!” nginig na sagot ni Baldo.
Kung si Alfonso ay boses parrot, ito namang zombie na si Baldo ay parang maliit na asong tahol ng tahol kahit hindi naman inaano.
Ngunit si Baldo ay totoong nagulat sa mga pangyayari, at si Rom na mismo ang nagsabi kinalaunan na masyadong malayo sa mga kamay ko ang inihagis niyang lubid.
“Itong lubid ko ang abutin mo!” dinig kong pagsigaw ng estranghero babae sa kabilang dako ng ilog.
Pinalakpak ko ang ibabaw ng tubig hanggang sa maramdaman ko ang magaspang na lubid.
Pagkatapos ay dali-dali ko itong sinuggaban na para bang ang buong buhay ko ay nakadepende dito at sa kagustuhan ng isang estranghero na iligtas ang isa pang estranghero.
Ang lubid ay dahan-dahang hinila ng estrangherong babae papunta sa tabing-ilog.
Totoong napakasaya ko na nag-iisip na maliligtas ako ngayong gabi at mabigyan ng pagkakataon na patunayan sa mundo na karapatdapat ako sa buhay at sa kahit anong sining, hindi man tugma ang paniniwala ko at ng Kilusan tungkol sa kung ano ang totoong kahulugan ng pagkakaroon ng debosyon.
“Huwag kang bumitaw kung gusto mo pang mabuhay!”
Ang iniisip ko lang habang nilalabanan ang lamig at agos ng tubig ay, tinatanong pa ba 'yan?
Matapos ang ilang sandali ay unti-unti kong naramdaman ang lupa, ang mga madulas na bato at kung anong mga sanga at kahoy ang nakadeposito sa ilalim ng ilog.
Kahit na alam kong nahila na ako ng babae sa mababaw na parte ng ilog at puwede na akong gumapang o tumayo para iligtas ang sarili ay hinayaan ko lang siyang maghila ng maghila.
Ninais kong masigurado na naligtas talaga ako mula sa panganib, na posible lang ito kung hayaan ko ang iba na dalhin ako sa ligtas na lugar dahil hindi ko ito kayang gawin sa sariling pagsisikap.
Umabot sa puntong huminto na ang paggalaw ng lubid habang naramdaman ko sa nanlalamig at nanghihina kong katawan ang lupa, ang mga damo at mga bato.
Umabot din sa kabilang dako ng ilog!
O, mahabaging langit!
Maiyak-iyak akong nakahandusay sa madamong lupa at basang-basa.
Naligtas ang buhay ko! Kailanman ay hindi ko na ito itatapon pa, pangako ko sa sarili.
Ang lubid na ginamit ng estrangherong babae ay agad niyang itinabi at yumuko siya sa tabi ko.
Mabilis niyang pinunit ang suot kong puting t-shirt, pinag-isa ang mga kamay niyang mala-buwan sa kutis at nagsagawa sa akin ng CPR.
Sa bawat diin ng nakapilipit niyang mga kamay ay isinuka ko ang mapait at malansang tubig ng ilog.
Ramdam ko ang ginhawa sa bawat pagsuka na para bang puno ng di kaaya-ayang bagay ang mga baga ko at sikmura.
Matapos ang ilang pihit, huminto ang babae, umupo sa damuhan katabi ko at bumuntong-hininga.
Para bang nakasigurado na siya na malayo na ang buhay ko sa panganib.
Napakabait niya at maalagain...
“Isa kang kaawa-awang nilalang na muntikan ng magbuwis ng buhay para sa sining mo,” matulis na sambit sa akin ng babae. “Hindi ko masasabing matapang ka talaga kasi hindi naman sinadya ang muntikan mong pagkalunod sa ilog, hindi rin masasabing masining ang panganib na sinuong mo kasi sa paniniwala ko'y hindi ka pa naman gumagawa ng kahit anong akda o sining na may kahit mababaw na antas ng kahalagahan. Kaya kung nabawian ka ng buhay ngayong gabi, ano ang gusto mong isipin sayo ng pamilya mo o ng mga kaibigan mo? Paano ang Kilusan o ako na sinubukan kang iligtas?”
Dahan-dahan kong inintindi ang mga patutsada ng babae.
“Ang sungit mo namang magsalita, ate. Muntik na nga akong malunod diba? Hu-hu-hu.”
“Totoo. Kape, tinapay at mga malulungkot na mukha at salita kana lang sana bukas,” pintas ng babae sa akin.
“Salamat pa rin sa first aid, ate.”
Medyo matalas man ang pananalita ng estrangherong babae ay iniligtas niya pa rin ang nag-iisa kong buhay.
Habang kalmado naming hinintay ang Pinuno at si Baldo sa tabing-ilog ay unti-unti ko ring napansin ang kagandahan ng binibini.
Hindi siya mukhang ate.
Tama lang ang tangkad niya, tuwid ang postura at katamtaman ang pangangatawan.
Alisto ang mga mata niyang nakabalangkas sa magandang hugis, na para bang nagpapahayag ng nakatagong talino.
Matangos ang kanyang ilong habang ang presko at mamasa-masa niyang labi ay nagpapabatid ng kontroladong emosyon at mga salita na para bang pilit niyang nililinang para maging payak, makatotoo at dalisay.
“Tungkulin kong magligtas ng buhay, lalong lalo na ang buhay ng mga walang alam na tumatalon patungo sa sarili nilang kapahamakan,” binigyan niya ako ng matalas na tingin.
“Medisina ang pinagaaralan ko dito sa Hilaga, ngunit alam ko rin na napipigilan naman ang maraming hindi kaaya-ayang karanasan.”
Mas mainam ang pag-iwas kaysa sa lunas.
Tumayo ang babae at pinagpag ang dumi mula sa kamay niya.
“Saka sophomore pa lang naman ako, kaya huwag mo kong tawaging ate.”
Maganda siya. Nabighani ako sa ganda niya.
“Dolores Cruz. Tawagin mo kong Lory.”
YOU ARE READING
Limang Klase ng Multo
Teen FictionAyon sa sabi-sabi, kapag naglakad ka sa gabi sa may Acacia Drive sa Lower Campus at mistula kang may dinadalang mabigat sa loob mo - siyempre hindi bagay ang pinaguusapan natin dito kasi kapag college kana at dinadamdam mo pa rin ang mga walang kuwe...