Nabuo ang Kilusang Lampara ayon sa isang napakapayak na layunin: ang mahubog ang potensyal ng mga kasapi nito sa pagiging mga dalubhasa na alagad ng panitikan at sining.
Siyam na taon nang namamalagi ang Kilusan sa Unibersidad ng Hilaga at ilang beses na rin na nagpalit ng pamumuno bilang isang yumayabong na tagong organisasyon.
Si Rom Manroy ang pang-limang pangulo ng Kilusan, habang si Ubaldo "Baldo" Hidalgo naman na masugid niyang tagasunod ang pang-apat na pangalawang pangulo at kanyang pinagkakatiwalaang tagapayo.
Nakakamit ng Kilusan ang mga hangarin nito sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga akda at mga makasining na likhain ng mga kasapi nito sa bawat katapusan ng buwan.
Pinag-iisa naman ang mga ito sa lathalaing Antolohiya ng Lampara.
Maaaring bumili ng kopya ng Antolohiya sa Alitaptap sa mababang presyo na limampung piso.
May iba pang madaliang paraan upang makakuha ng kopya ng Antolohiya katulad ng pagsapi sa Kilusan o ang pagpapakita ng husay sa mga larangan na interesado ang mga punong editor ng organisasyon.
Sulit naman ang presyo o ang pagpapakita ng debosyon sa Lampara kase ang lahat ng kita ay bumabalik rin sa mga gastusin sa pagpapatakbo ng organisasyon.
Mapagkakatiwalaan mo na ang Kilusan ay hindi nagsusunog ng pera.
Paraan nila ito ng pagsasabi na walang kahit isa sa mga marangal na kasapi ang gustong magpayaman o yumayaman gamit ang kaluwalhatian ng isang akda o ng sining, o ang pera ng mga kaklase at kaibigan na suskritor.
Kung may kaunti mang sobra sa kita ay iniipon ito sakaling ninais ng mga kasapi na ipagdiwang ang pagkalathala ng isang bagong antolohiya.
Sa makatuwid, ang ideyalistang Kilusang Lampara, mataas man ang tingin nito sa sarili, ay bangkarota.
Sa ngayon, natalakay ko na ang mga simple at direktang paraan upang makakuha ng kopya ng Antolohiya ng Lampara.
Ngunit sa mga taong bukas ang mata - at sa wari ko'y nakakakita din kayo ng mga multo diba? - maaaring bumili ng wholesale na kopya ng mga edisyon ng Antolohiya sa bagsak-presyo mula mismo sa bahay ng Kuwago ng Sapa na pinamamahalaan naman ng matinik na Orkidya ng Kilusan.
Ito ang estorya ng gabi nang nagkakilala kami ng marikit na Orkidya.
🎆
Sa pangunguna ni Baldo na isa palang kasiyasiya at masalitang guide ay narating ko kasama si Rom ang malayong dako ng Hilaga kung saan noon ginagawa ang lab experiments ng mga mag-aaral ng gubat.
Taon na rin nang sinaraduhan ang lugar.
Hindi na pinapayagan ang mga mag-aaral na gamitin ang tulay para tumawid sa ilog at makarating sa Pukyutan Hill.
Ang Pukyutan Hill ay isang kanais-nais na lugar upang panoorin ang paglubog ng araw sa hapon o ang pagbangon ng mga bituin sa gabi.
At hindi sa nagkataon lang, ngunit sa parehong Pukyutan Hill din ginagawa ang mga sekretong pagdiriwang ng Kilusan.
Tulog na sana ako ngayon sa kwarto ko sa Alitaptap o nagrerebyu ng module sa major o nanood ng Asian drama na may lalim ang pagkasulat, ngunit hindi ko naman mahindian ang mga nakakataas kong pilit akong hinihila palabas patungo sa paggawa ng kalokohan.
Bilang baguhan ako ang pinadala nila sa ihahanda naming barbecue na buong hapong nakasawsaw sa sauce.
May tatlong boteng malalamig na beer din na pinadala sa akin si Rom.
YOU ARE READING
Limang Klase ng Multo
Teen FictionAyon sa sabi-sabi, kapag naglakad ka sa gabi sa may Acacia Drive sa Lower Campus at mistula kang may dinadalang mabigat sa loob mo - siyempre hindi bagay ang pinaguusapan natin dito kasi kapag college kana at dinadamdam mo pa rin ang mga walang kuwe...