Marka ng Eskrima

92 7 15
                                    

Tumatakbo para sa kaniyang buhay ang isang ginang sa gitna ng kakahuyan. Dalawang malakas na putok ng baril ang umalingawngaw sa kagubatan dahilan para magsiliparan ang mga ibon na nagpapahinga sa mga puno.

Isa pang putok ng baril ang pinakawalan ng lalaki sa may 'di kalayuan, agad na hinigpitan ng ginang ang kaniyang pagkakayakap sa dala-dalang sanggol. Binilisan pa niya ang pagtakbo upang matakasan ang bandido.

Sa sobrang bilis ng kaniyang pagtakbo ay may mga pagkakataon na muntikan na siyang matalisod sa naglalakihang ugat ng mga puno. Kahit marami nang gasgas sa kaniyang mga binti dulot ng matatalim na damo at ang kaniyang mga panyapak ay napigtal na ay hindi pa rin siya humihinto. Hirap mang makahinga ay kailangan niyang maglaho sa paningin ng bandido upang maisalba ang buhay nila ng kaniyang anak.

Sa dulo ng kakahuyan ay isang bangin ang matatagpuan. Sa pagkakataong iyon ay wala nang naiisip pang ibang pupuntahan ang ginang maliban sa banging iyon. Kahit kinakapos ay bumuntong-hininga siya saka bumuwelo. Inayos niya ang kaniyang tindig saka kumaripas ng takbo pasulong sa bangin. Nang makatapak siya sa dulo ng kalupaan ay agad siyang tumalon kasabay ng paghigpit ng pagkakayakap sa kaniyang anak, napapikit nang mahigpit ang kaniyang mga mata nang dahil sa lula.

Kasunod ng kaniyang pagtalon sa bangin ay ang pagputok muli ng baril, mabuti na lamang ay wala na siya sa kalupaan dahil kung hindi ay natamaan siya ng bala.

Yakap-yakap ng ginang ang sanggol nang gumulong sila sa putikan. Pagkatapos ay agad din siyang tumunghay kahit nanghihina at naghanap ng bagong pagtataguan. Sa may 'di kalayuan ay nakakita siya ng uka sa lupa na tila maliit na kweba, sapat nang mapasukan ng isang tao at mapagtaguan sa tulong ng mga baging na nakasampay.

Pagapang niyang tinakbo ang lugar na iyon upang magtago, ngunit hindi pa man siya nangangalahati ay nakarinig na siya ng yabag ng sapatos papalapit sa kinaroroonan niya.

Hindi siya tumigil, mas binilisan pa niya ang pag-usad sa pag-asang makakalayo ngunit huli na ang lahat nang tapakan ng bandido ang laylayan ng kaniyang saya na sumasayad sa putikan, dahilan para tuluyan siyang mapadapa sa lupa.

Sinabayan ng kaniyang pagtangis ang paghagulgol ng kaniyang anak. Wala na siyang ibang magawa pa kundi yakapin nang mahigpit ang kaniyang anak at bumulong ng dasal sa mga diyos upang iligtas siya.

"Isang sagot lamang mula sa iyo ang kabayaran ng inyong kaligtasan..." saad ng bandido. Isang matangkad na lalaki na nakasuot ng kamiso at salakot, mayroon siyang bandana at takip sa kaniyang bibig, tanging mata lamang niya ang nakikita. "Nasaan ang nayon ni Bulan?" tanong niya at humigpit ang pagkakahawak niya sa kaniyang rebolber, itinutok niya itong mariin sa ginang.

Hindi man kita ang buong mukha ng bandido ay bakas sa kaniyang mga mata ang nag-aalab na pagnanais na malaman ang nayon ni Bulan. Tila nasasabik ang kaniyang mga tingin na malaman ang kinaroroonan ng diyos na animo'y matagal na niyang hinahanap.

"I-inosente ang mga taga-nayon..." pagtangis ng ginang, "marahil ay nananatili kaming naniniwala kay Bulan ngunit wala siya rito sa lupa. Kailanman ay hindi siya nagpakita sa amin!"

"Sinungaling!" sigaw ng bandido at inilapit pa niya nang husto ang dulo ng rebolber sa ulo ng ginang. "Magsalita ka kung mahal mo pa ang iyong buhay!"

"Paslangin mo man ako, walang salita kang makukuha mula sa akin!" sigaw pabalik ng ginang habang patuloy ang kaniyang luha. Maingat niyang inilapag sa lupa ang anak at dahan-dahang nilingon ang bandido.

"Kaya kayo ay maparusahan ng diyos dahil ansasama ninyo. Ano bang sumpa ang ibinigay sa inyo ni Bulan nang matakot kayo nang ganiyan? Nang kailangan pa ninyong mang-api ng mga inosenteng walang kalaban-laban?" Bulong ng ginang. Sa kabila ng kaniyang mugtong mata ay naroon ang ngisi sa kaniyang labi, intensyon na galitin pang lalo ang bandido.

BulanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon