Paghahanap sa Diyos ng Buwan

30 3 4
                                    

"Kung tama ang kalkulasyon, sa mga oras na ito ay dapat natagpuan na natin ang bagong Bulan." Napatigil sa pagdarasal si Punong Sinagtala nang magsalita si Liway. Sa loob ng isang maliit na kubo na nagsisilbing bahay-panalangin ay tahimik na hinihingi ni Punong Sinagtala ang atensyon ng mga diyos, ngunit ginambala ni Liway ang kaniyang gawain. "Sabi ng mga naunang babaylan, isang daang taon ang kailangang ipahinga ng isang diyos kapag ito ay pumanaw bago siya mabuhay muli... binilang ko ang mga taon, lumagpas na tayo sa isang daang taon, kung tutuusin, nasa dalawampung taong gulang na ang bagong Bulan ngayon."

Panandaliang hindi umimik si Punong Sinagtala dahil malaking punto ang sinabi ni Liway. Higit isang daang taon na ang nakalilipas mula nang mapaslang si Bulan ng isang mortal. Sa ngayon ay dapat nakakakita na sila ng bakas ng nawawalang diyos ng buwan. Hindi nila nabantayan ang mga taon sa pag-aakalang kusang lalabas si Bulan sa muling pagkabuhay nito, ngayon ay ilang taon na ang nagdaan ngunit 'di pa rin nila ito natatagpuan.

"Hahanapin natin ang bagong Bulan," saad ni Punong Sinagtala na ipinagtaka naman ni Liway. Wala siyang ideya kung paano at saan hahanapin ang nawawalang diyos.

"Paano?" tanong ni Liway. Bumuntong-hininga ang matandang babaylan, maging siya ang hindi rin alam ang gagawin.

"Hindi ko eksaktong alam," tugon ni Punong Sinagtala, "ngunit may ideya ako kung paano."

Hindi na inalam pa ni Liway kung ano iyon; may tiwala siya sa punong babaylan.

Nagtungo silang dalawa sa templo ni Bulan na matatagpuan sa puso ng nayon. Nasa gitna ng batis ang pabilog na templo na gawa sa kawayan at pawid, pinupuno ng mga bulaklak ang paligid nito.

Nang makita ng mga tagapagbantay ng templo ang punong babaylan ay agad nila iyong inalalayan at inihatid sa loob ng templo. Pagdating doon ay binuksan ni Punong Sinagtala ang isang silid kung saan matatagpuan ang mga lumang kagamitan ni Bulan, isang silid na matagal nang hindi binubuksan.

"Ipabatid ninyo sa lahat ng nasa edad labing-walo hanggang dalawampu na magtungo dito ngayon din," utos ng punong babaylan na siya namang sinunod ng mga nakababatang babaylan. Sila ni Liway ang tanging naiwan sa templo.

"Matagal nang hindi hinahamak na buksan ang silid na ito, ano ang naiisipan mong gawin, punong babaylan?" tanong ni Liway habang inililigid ang tingin sa loob ng silid.

Nasa sagradong silid na iyon ang mahahalagang kasuotan ng diyos ng buwan, ang mga aksesorya nito, laruan, at maging pinta ng mukha nito na hindi na masyadong makilala dahil sa pagkaluma.

"Sa aking palagay, isa sa mga taga-rito sa ating nayon ang bagong buhay ni Bulan," saad ni Punong Sinagtala. "Ang nayon na ito ang pinakakinalulugdan ni Bulan kung kaya't ito ang pipiliin niya bilang bagong sisidlan ng kaniyang espiritu."

"Sabi ng matatanda, sa muling pagkabuhay ni Bulan ay hahanapin niya ang mga parte ng kaniyang ala-ala, mga bagay na minsan nang nakasama niya sa lupa," paliwanag ni Punong Sinagtala habang isa-isang sinusuri ang mga gamit ni Bulan, "kaya naisip ko na tingnan kung sino sa mga taga-nayon ang mayroong koneksyon o natitirang ala-ala sa mga gamit na iyon. Kung sinuman iyon, ay iyon ang bagong Bulan."

Ngumiti si Liway dahil nagkaroon siya ng pag-asa sa sinabi ni Punong Sinagtala. "Dapat ay matagal na natin itong ginawa," saad ni Liway.

Ngunit natigil ang kanilang usapan nang may biglang pumasok na babaylan, natataranta ito at nagmamadali. "Punong Sinagtala, Babaylang Liway, may isang taga-nayon po ang inatake ng taga-labas!" tarantang anunsyo ni Lalena. Mabilis ang kaniyang paghinga at bahagyang nanginginig, tila nasindak sa nangyari gayong ito pa lamang ang kauna-unahang beses na may inatakeng taga-nayon.

Agad na sumunod sa kaniya ang punong babaylan at si Liway. Nagtungo sila sa pagamutan na matatagpuan malapit sa bukana ng kweba. Naroon ay naabutan nila ang pagkukumpulan ng mga tao na nagimbal sa nangyari. Ang lahat ay nag-aalala at nahahabag sa sinapit ng kanilang ka-nayon.

BulanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon