"Liway!"
Naantala si Liway sa kaniyang ginagawa nang biglang may tumawag sa kaniya. Ika-lima pa lamang ng hapon at nagbabalot si Liway kasama ng ibang mga babaylan ng mga hapunang ibibigay nila sa mga tagapagbantay sa labas.
Patakbong tumungo ang isang mandirigma sa kaniya. Hingal na hingal at tila nagmamadali. Bigla na lamang naisip ni Liway na baka may masamang nangyari sa mga kasamahan nito kaya kusa na siyang bumaba ng bahay-panalangin upang salubungin iyon.
"Anong nangyari, Umad?" takang tanong ni Liway, pinupunasan niya ang kaniyang mga palad gamit ang basahan upang alisin ang mantika rito.
Tumigil ang lalaki nang makalapit ito sa kaniya, napahawak ito sa mga tuhod nito habang pinapahupa ang hingal bago siya magsalita.
"Liway... s-sa tingin ko ay nakita ko na si Bulan!" sambit ni Umad na ikinagulat ni Liway. Bago pa man makapagpatuloy sa pagsasalaysay ang mandirigma ay naglabasan na mula sa bahay-panalangin ang mga babaylan kasama si Punong Sinagtala.
"Tama ba ang aming naulinigan?" gulat na tanong ni Punong Sinagtala. "Nasaan si Bulan?"
"H-hindi ko pa po nakukumpirma, punong babaylan," saad ni Umad. "Ngunit sa palagay ko ay siya iyon."
"Paano mo iyan nasabi?" usisa ni Punong Sinagtala, gusto muna niya magkaroon ng kunkretong ebidensya bago niya paniwalaan ang bagay na iyon.
"May nakatapat akong dayuhan sa labas at matagumpay ko siyang napatumba. Dadalhin ko na sana siya rito ngunit isang malakas na pwersa ang tumulak sa akin... tumalsik ako palayo," salaysay ni Umad. Walang ibang nagsasalita upang mapakinggan maigi ang kaniyang nais sabihin. "Bago ako mawalan ng malay, nakita ko ang isang lalaking may kayumangging balat, hindi ko siya namukhaan dahil sa suot niyang talukbong na kulay puti na aabot hanggang lupa."
"At paano siya naging si Bulan?" tanong ng isang batang babaylan na si Taleng, napatingin sa kaniya ang lahat at sinenyasan na manahimik.
"Nagawa niya akong mapaangat sa lupa at mapatalsik. Walang mortal na makagagawa niyon," tugon ni Umad na siyang sinang-ayunan naman nila. "Ngunit... akin lamang pinagtataka, bakit iniligtas ni Bulan ang lalaking bihag ko sana," wika niya na naging palaisipan para sa lahat.
Nakaupo sa sahig si Gabriel, nakalapat ang kaniyang buong hita sa sahig, hinang-hina. Sa pagod na nararamdaman ay napili niyang sumandal sa papag na katabi niya, wala siyang lakas upang galawin ang pagkaing nakahain sa harapan niya, tanging pagtitig lamang ang nagagawa niya rito.
"Sa iyong palagay... ilang oras pa bago mawala ng lason sa aking binti?" walang buhay na tanong ni Gabriel kay Mikael na ngayon ay nakatayo lamang sa may tabi ng bintana. Pakiramdam ni Gabriel ay wala siyang silbi habang ganito ang kaniyang kalagayan--paralisado at alagain. Mayroon siyang misyon na kailangang tapusin, tumatakbo ang oras at mawawalan siya kung hahayaan niya lamang ito.
"Dalawang linggo... depende sa timpla ng lason," malamig na tugon ni Mikael nang hindi natitinag sa kaniyang posisyon. Tila nagpanting naman ang tainga ni Gabriel dahil doon. Hindi biro ang dalawang linggo at hindi niya kakayaning makita ang sarili sa ganitong sitwasyon. Daig pa niya ang baldado kung tutuusin.
BINABASA MO ANG
Bulan
FantasyMinsan nang nabigo ni Gabriel ang kaniyang ama, ang tanging alas na lamang niya upang maibalik ang karangalan sa mga mata nito ay ang mahanap ang nawawalang diyos ng buwan. Sa gitna ng paglalakbay ni Gabriel ay muntikan na siyang mapatay ng isang t...