Hi, nagkaron ako ng motivation sumali sa isang writing contest kamakailan (kamakailan?). Hindi ito ang nagwagi, but I'm proud of this work.
---------------------------------------------
Para sa 'di ko mapangalanan,
Ito ang unang pagkakataong isusulat ko ang nararamdaman ko para sa iyo. Ang unang pagkakataong malalaman mo ang totoo. Ang totoo niyan, ayokong sa iba ka mapunta. Ayokong siya ang palagi mong makakasama. Ayokong kamay niya ang iyong hawak tuwing lalabas. Tuwing may kasiyahan, tuwing may kalungkutan, sa problema o ginhawa.
Ayokong makita ang saya sa iyong mga mata lalo na kung ito'y dulot niya. Ayokong marinig ang iyong tawa matapos niyang magpatawa. Ayoko rin malaman na sinasaktan ka niya. Ayokong kunin mo akong abay sa inyong kasal at kalauna'y ninong sa binyag.
Ayoko.
Ayoko.
Bakit hindi na lang ako? Bakit sa iba mo naramdaman ang pagmamahal at bakit ang pagmamahal ko ay hindi mo naramdaman? Bakit hindi mo ako magustuhan tulad ng pagkagusto ko sa iyo? Iyong-iyo ako kung gugustuhin mo.
Pero hindi mo ako gusto.
Gusto kitang agawin sa kanya. Gusto kong ako ang magpipinta ng saya sa iyong mga mata. Ang magpapasarap ng iyong tawa. Gusto kong ako ang proprotekta sayo. Gusto kong tayo ang ikasal, tayo ang magkasama sa hirap, lungkot o ligaya.
Pero alam ko rin na kung ang gusto ko ang masusunod, kung ang nais ko ang mangyayari, ako lang ang magiging masaya. Alam kong maagaw man kita, ang pag-ibig mo'y mananatili pa rin sa kanya. Magiging tulad ka ng ibong nasa hawla na akala ng lahat ay umaawit dahil masaya ngunit umaawit pala dahil humihingi ng paglaya.
Marahil para sa iyo, ang yakap ko'y nakabibilanggo. Ang halik ko'y walang alab. Apoy akong bigong makapagbigay ng init kung hindi paso. Apoy akong nakatutupok ngunit walang kapangyarihang makatunaw ng iyong puso.
Mahal kita bago ko pa maintindihan at patuloy na iniintindi ang kahulugan nito. Mahal kita palihim at paligaw-tingin. Mahal kita bagamat napipipi. Mahal kita bagamat nabibingi. Sa tibok ng sariling puso, ako'y lunod, ako'y lango. Gusto kong magpasaklolo lamang sa iyo.
Ngunit hindi mo ipinahiram ang iyong braso. Sa tingin mo'y kaya ko ang sarili ko. Sa tingin mo'y kaya ko, wala ka man o nandito. Sa tingin mo, kaibigan lang ako. Sa tingin mo, ganoon din ang tingin ko. Sa tingin mo, noong kinukuwento mo ang taong gusto mo, nakikinig ako.
Hindi lang ako nakikinig; nadudurog din. Hindi lang nadudurog; pinupulbos din. Siguro kasalanan ko rin na bigyan ng iba pang dahilan ang pagiging mabuti mong tao. Na binigyan kita ng ekspektasyon na ikaw ang bubuo sa kalahati kong puso. Lumimbag ako ng kuwento sa aking imahinasyon nang hindi pinag-isipan kung ako ba ang iyong makatutuluyan. Ikaw ang ginawa kong bida sa aking akda ngunit tila sa iyo ako'y hamak lamang na extra. Tipong napadaan lang. Walang rason para sulyapan mong muli. Naroon lang para maging palamuti.
Gusto kong sumulat ng kuwento kasama ka. Gusto kitang isama sa mundong tayo lang ang mahalaga. Sa mundong hindi mo kaya kung ako'y wala. Gusto kong maramdaman sayo ang takot na ako'y mapasaiba. Gusto kong masaksihan ang maipaglaban, ang magustuhan.
Gusto kita. Gustong-gusto. Gusto kita kahit ako lang ang may gusto sa gusto kong ito. Gusto kitang pitasin mula sa hardin at ipitin sa libro ng aking pag-ibig.
Ngunit kung gagawin ko ito, ang lahat ng ito... pagmamahal pa rin ba ang tawag dito?
Tingin ko, hindi.
Ngunit susubukan kong luwagan ang hawak ko sa pisi ng iyong puso. Unti-unti, bubuksan ko ang kalawanging kandado na nagkukulong sa iyo at sa akin. Bubuksan ko ang aking palad, iwawagayway habang ako'y nakatigil sa direksyong salungat sa pupuntahan mo, kung saan man iyon, kung wala man ako roon.
Nagmamahal sa malayo,
E.C.
YOU ARE READING
Musings
RandomCreative dumps for my musings in life. The goal is to update this everyday. Will promise to write only from the heart. dedicated to myself first then to everyone