BAGSAK na ang mga balikat ni Everette sa kahihintay. Kung bakit hindi inilathala ng namumuno ng Sold Out ang litrato ni Jade, hindi niya alam ang dahilan.
Siguro hindi na iyon malalathala pa. Ayaw siguro ng publisher—ang Asian Publishing—ng gulo.
Wala na siyang balita kay Jade. Hindi na ito nagpapakita sa kanya. Kung tutuusin, iyon naman talaga ang gusto niyang mangyari. Subalit bakit parang pinoproblema niya iyon?
Hinahanap-hanap niya ang presensya nito. Akala niya ay tuluyan na siyang matatahimik, pero hindi pala.
Palagi niya itong naiisip. Ito pa rin ang lalaking pinagkatiwalaan niya noon ng kanyang sarili. Ano ba ang nangyayari sa kanya?
Namumuhi siya kay Jade, ngunit mahal naman niya ito. Pero ano ang gagawin niya? Walang dudang pera lamang niya ang habol nito.
Kumulo na naman ang kanyang dugo. Gusto niyang sumigaw. Naninikip ang kanyang dibdib.
"What are you doing?"
Natigalgal si Everette.
"Sino ang babatuhin mo?" Nakakunot ang noong tanong ni Oswald sa kanya. "Hindi ba't mahalaga sa iyo ang vase na iyan? Kaya mong itapon?"
Para siyang nagising. Hawak niya ang antigong flower vase na binili pa niya sa Denmark. Nangangasul na ang kanyang palad. Mahigpit ang pagkahawak niya roon.
"Sino ang kaaway mo?"
Natutulirong ibinalik niya sa tuktok ng filing cabinet ang flower vase. Kung hindi pala siya napasukan ng kapatid, siguradong naibato na niya iyon.
"Wala." Kinalma niya ang sarili. "Tinitingnan ko lang. Napasugod ka, Kuya? Ano ang maitutulong ko sa iyo?" Natutulirong itinuro niya ang upuan dito.
"Tinitingnan mo lang?" Ayaw maniwala ni Oswald. Naupo ito. "Kilala kita, Everette. Kung hindi kita napasukan, siguradong naibato mo na 'yang vase."
"Mahalaga sa akin iyan." Napatingin siya sa vase na korteng sirena.
"Gumagana na naman ang pagiging impulsive mo. Ilang babasagin na ba ang pinagbuhusan mo ng iyong galit? Hindi mabilang na mga flower vase, salamin—"
"Wala akong problema," agaw niya sa sasabihin pa nito.
"Baka matulungan kita."
"Salamat, Kuya, pero wala akong problema. Grabe ka namang mag-isip. Hamo, kung talagang namumroblema ako, hindi pupuwedeng 'di kita lapitan."
"Kaya mo pa ba ang sitwasyon?"
Pinilit niyang ngumiti. "So, ano ang aking maitutulong sa aking dear brother?"
Napakibit-balikat na lang si Oswald.
"Tumawag si Collin." Inangat nito ang teleponong nasa ibabaw ng mesa. "Wala ngang dial tone."
Napatanga siya.
"Under repair daw. Kaya si Kuya Matthew ang tinawagan niya. Doon ako nanggaling sa opisina niya. Pinadaan ako rito. Baka raw makalimutan mo ang inyong lakad mamaya."
Buko siya!
"Alas-kuwatro pa naman ang lakad namin, eh."
Pakiramdam niya'y nababasa ni Oswald nasa isip niya. "Meron lang kasing nambubuwisit sa akin."
Ang totoo, matagal na niyang tinanggal ang jack ng telepono. Iniiwasan lamang niya ang gagawing pangungulit sa kanya ni Jade.
"Kilala ko ba?"
"Huwag na natin itong pag-usapan." Kilala nito si Jade. Alam na rin ng kanyang mga magulang ang nagawa niyang eskandalo sa bookstore."
Pinagsabihan siya ng ama't ina. Hindi lang niya matukoy kung galit ang mga ito kay Jade. Buti at hindi na bumalik pa sa kanila ang lalaki.
BINABASA MO ANG
Alejandro Mansion, The Peafowl's Pursuit - Cleo Mariz
RomanceWalang ibang lalaking minahal si Everette Alejandro kundi si Jade lamang. But he disappeared matapos nitong makuha ang kanyang katawan. Makalipas ang ilang taon, bumalik si Jade Francisco. Handa na itong magpakasal sa kanya. Subalit mayroon nang man...