Chapter 1

904 9 1
                                    

"WE HAVE good news for you, Moira," nakangiting sabi ng ama ni Moira na si Armando nang dumulog siya sa mesa.

"Let me guess, Dad." Kunwari'y nag-isip siya. "After twenty-two years, magkakaroon na ako ng little brother."

Sabay na natawa ang mga magulang ni Moira sa kanyang sinabi. Pare-pareho nilang alam na hindi na siya masusundan kailanman. Bukod sa menopause na ang kanyang inang si Isabel ay wala na rin itong matris.

"You'll make a lousy psychic, hija," natatawang sabi ng kanyang ina.

"Ano nga ho ba ang magandang balita ninyo sa akin, Dad?" Kumuha siya ng menudo sa serving bowl at naglagay sa kanyang pinggan.

"Tumawag kanina si Jenny. Darating siya sa Sabado kasama ang kanyang mapapangasawa," masayang balita ng daddy niya.

Bumakas sa mukha niya ang katuwaan. Ang tinutukoy ng kanyang ama ay ang kaisa-isa niyang pinsan sa father side. Nakabase na ito sa Baguio at apat na taon na silang hindi nagkikita.

"Kaya huwag kang tatanggap ng appointment sa Sabado," paalala ng kanyang ina.

"Mabuti na lang at sa Biyernes na gagawin ang party ni Luisa. Kaya libre ako sa Sabado," excited na sagot niya.

"Birthday ba ni Luisa?" tanong ng kanyang ina. Kilala nito ang halos lahat ng mga kaibigan niya. Tumango siya.

"Ipagluluto ko siya ng kare-kare," sabi nito.

Ngumiti siya. Specialty ng kanyang ina ang kare-kare. Tiyak na matutuwa na naman ang mga kasamahan niya sa pinagtatrabahuhang ospital. Pero wala sigurong makapapantay sa kaligayahan niya sa pagbisita ni Jenny sa kanila. Close silang magpinsan at natitiyak niyang marami silang pagkukuwentuhan pagdating nito.

"ANG SARAP talagang magluto ng mama mo, Moira," sabi ni Luisa na nagsalin pa ng ulam sa pinggan nito.

"The best," segunda naman ni Daniel.

"Mga sipsip," nakatawang sagot niya.

Pawang mga kasamahan niya sa ospital ang naroon. Pare-pareho silang nurse. Pagkatapos kumain ay kuwentuhang umaatikabo naman ang sumunod. Nang maglabas ng tequila si Luisa ay hindi na siya nakatanggi lalo na't halos lahat ay game sa pag-inom.

Ala-una ng madaling-araw nang mapagpasyahan nilang maghiwa-hiwalay.

"Ihahatid na kita sa inyo, Moira," alok ni Daniel.

Umiling siya. "Marami namang taxi riyan."

Tumingin si Daniel sa relo. "Ala-una na. Delikado na para sa iyo ang magbiyahe nang mag-isa sa taxi."

Nakita naman niya ang punto nito kaya hindi na siya tumutol. Medyo nahihilo na rin siya dahil marami-­‐‑rami rin ang nainom niya.

"Siguruhin mong sa bahay nila idederetso si Moira," biro pa ni Luisa.

Nakisabay na rin sa panunukso ang iba nilang kasamahan. Matagal na rin kasing nanliligaw sa kanya ang binata ngunit hindi niya masumpungan sa sariling tugunan ang damdamin nito.

Wala pa sigurong limang minuto silang nagbibiyahe ay nakatulog na siya.

Mahihinang tapik sa balikat ang gumising kay Moira.

Mabigat ang mga matang nagmulat siya. At nalamang nasa tapat na sila ng kanilang bahay.

"I'm sorry, nakatulog ako."

"It's all right," nakangiting wika ni Daniel.

"Gusto mo munang magkape, Daniel," alanganing tanong niya.

"I don't think that's a good idea. Alas-­‐‑dos na ng umaga at nakakahiya na sa parents mo."

"Okay. Thanks for the ride." Bumaba na siya.

Karugtong Ng Isang Kahapon - Sharmaine GalvezTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon