"TALAGA bang hindi na kayo mapipigilan?" malungkot na tanong ni Moira habang pinanonood si Jenny sa pag-eempake nito.
Umiling ito. "I would really love to stay, Moira. Pero tumawag kahapon ang tauhan namin sa farm. May bagong prospective client ang flower farm at gustong makausap si Al."
Sa pag-alis ni Jenny ay maiiwan na lang sila ni Yaya Lucing doon. Hindi pa umuuwi si Vernon mula noong mangyari ang pagkikita nila sa veranda. At isang linggo na ang nakalilipas. Isinara ni Jenny ang maleta at umupo sa tabi niya. "Send me your wedding invitation."
Inakala ni Moira na ang pagpapakasal nila ni Mark ang tinutukoy nito. "N-ni hindi pa nga kami nagkakausap uli ni Mark." Napakagat-labi siya nang banggitin ang pangalan ng nobyo. Wala siyang makapang espesyal na damdamin para kay Mark. In fact, mula nang dumating siya roon ay noon lang uli niya naalala ang nobyo.
Mataman siyang tiningnan ni Jenny. "Hindi naman si Mark ang tinutukoy kong magiging groom mo," makahulugang sabi nito.
"K-kung gayon ay sino?" kinakabahang tanong niya.
"Hindi ko alam kung ano ang humahadlang kay Kuya Vernon para magtapat sa iyo. Pero one thing is for sure, mabigat ang dahilan niya para tikisin ang sarili. Perhaps, it is the ring on your left finger." Sinulyapan ni Jenny ang tinutukoy na singsing, pagkatapos ay bumuntong-hininga. "Leave everything to fate, Moira."
Ganoon nga siguro siya ka-transparent kaya kahit hindi niya ipinagtapat sa pinsan ang damdamin para kay Vernon ay nabasa kaagad nito ang kanyang nasasaloob. Tinulungan niya itong ibaba ang maleta.
"Sana sa susunod nating pagkikita'y wala na akong makitang bakas ng lungkot at takot sa iyong mga mata," sabi nito bago sumakay sa kotse. Naroon na rin si Al.
"'Bye, Moira," paalam ng mga ito.
"'Bye." Kumaway pa siya. Nang tuluyang mawala sa paningin niya ang sasakyan ng mga ito ay nanumbalik ang pakiramdam niyang tila hungkag. Pag-uwi ni Vernon ay magpapaalam na siya rito. Babalik na siya sa Maynila. Mas alam pa niya kung paano pakikitunguhan si Daniel kaysa rito.
At least si Daniel, alam niya ang motibo. Hindi kagaya ni Vernon na palaisipan pa rin sa kanya kung ano ang tunay na damdamin nito.
"NABUHAY ka," masayang bungad ni Donna sa kararating lang na si Vernon. Agad na ikinawit ng dalaga ang braso sa kanya.
"Naging busy lang ako," matabang na sagot niya. Tinungo niya ang bar at humingi ng alak.
"Vernon," tawag sa kanya ng isang lalaki.
Lumingon siya at binati ang tumawag. "Happy birthday, pare."
"Mabuti naman at nakabalik ka na sa sirkulasyon," sabi pa ng isang babae.
"And I'm so glad he's back," singit ni Donna at sinulyapan siya.
"Siyanga pala, Donna," pag-iiba ng usapan ng may kaarawan, "nabalitaan mo na ba ang nangyari kay Mark sa Amerika?"
Biglang naging interesado si Vernon sa usapan. Ibinaba niya ang kopita ng alak at hinintay ang susunod na sasabihin ng kaibigan. Sina Mark at Moira ang dahilan kung bakit dumadalo na naman siya sa mga kasiyahan. Nais niyang makalimutan na ang mga ito.
"What about him?" Tumaas ang isang kilay ni Donna. Marahil ay napansin nitong interesado siya sa nabuksang topic.
"Nag-e-mail siya sa akin last week," balita ni Harry.
"Don't beat around the bush, Harry," naiinip na sabi niya. "Ano ang balita kay Mark?"
Kung may nakapansin sa matalim na tono ng boses niya ay wala siyang pakialam. Dalawang buwan na mula noong umalis si Mark ay wala siyang balita tungkol dito.
BINABASA MO ANG
Karugtong Ng Isang Kahapon - Sharmaine Galvez
Romance"Three years ago, I kissed a pretty lady. It was a dawn of enchantment. After the kiss, sinampal niya ako bilang pasasalamat." Napatigil si Moira nang makita ang isang lalaking nakata-likod. From where she stood ay kitang-kita niya ang perfect behin...