NAKAAWANG ang mga labi, tumutulo pa ang basang buhok at nakatapis lang ng tuwalya. Iyon ang kabuuang deskripsiyon ni Moira.
"Are you Moira Tolentino?" tanong ng kanyang panauhin.
Wala sa sariling tumango siya. Natagpuan na lang niya ang sariling nakikipagtitigan sa pamilyar na mga matang nakita niya may tatlong taon na ang nakararaan. Deep and black, at kagaya noo'y matiim na nakatitig sa kanya.
Tumikhim ang lalaki. "I'm Vernon del Mundo," pakilala nito. "Nasabi ba sa iyo ni Mark na ipinasusundo ka niya sa akin?"
Muli siyang tumango. She was still mesmerized.
"I can see that you're not ready. Na-cancel kasi ang meeting ko kaya napaaga ang dating ko." Habang nagpapaliwanag ay nakatitig si Vernon sa mga mata niya.
Saka lang niya na-realize ang hitsura niya! Napahigpit ang pagkakakapit niya sa tuwalyang nakabuhol sa tapat ng dibdib niya at bahagyang umatras.
"I'm sorry." Hindi alam ni Moira kung para saan ang paghingi niya ng despensa. Siya na nga itong nalagay sa alanganing sitwasyon ay siya pa ang nag-sorry.
"No, it's my fault. Dapat ay nagpasabi akong mapapaaga ang dating ko," magalang na sabi nito.
Pumasok na siya sa loob kasabay ng pagsasabing, "Please feel at home. Magbibihis lang ako."
"Take your time," sagot nitong isinara na ang pinto.
Mabilis ang mga hakbang na pumanhik siya sa itaas.
Nang mai-lock ang pinto ng kanyang silid ay saka lang niya pinakawalan ang isang buntunghininga.
Hindi na siya umaasang makikitang muli ang lalaking nagpalasap sa kanya ng unang halik tatlong taon na ang nakararaan. Akala niya ay nakalimutan na niya ang tungkol doon. Pero napatunayan niyang mali ang mga akalang iyon.
He literally took her breath away! Hindi pinagbago ng matagal na panahon ang epekto sa kanya ng presensya ni Vernon. Hindi nga ba at ganoon din ang naging epekto sa kanya ng una nilang pagkikita? Na humantong pa sa isang halik na itinangi niya sa loob ng mahabang panahon.
At kung kailan handa na siyang pakawalan ang alaalang iyon ay saka niya ito muling nakita. And worse, kaibigan pa pala ito ni Mark, ng lalaking nakatakda na niyang pakasalan.
May nabasa siyang recognition sa mga mata ni Vernon. Ngunit sa isang iglap ay nawala rin iyon kaya inisip niyang bunga lang marahil iyon ng kanyang imahinasyon. Hindi niya ito nakita sa kasal nina Al at Jenny. Nang tanungin noon ng kanyang mama kung bakit hindi ito nakauwi, "busy raw sa pag-aaral" ang isinagot ni Al.
Small world! Muling nagtagpo ang mga landas nila. Hindi na marahil siya nito natatandaan. At kahit naman matandaan siya ay wala ring ipagkakaiba. Engaged na siya sa kaibigan nito!
NAKAUPO si Vernon sa sala set nang bumaba si Moira. Tanggal na ang kurbata at nakabukas na ang butones ng polo nitong suot.
Tumayo ito nang makita siya. Kitang-kita sa mga mata nito ang paghanga sa angkin niyang ganda.
Isang ebony gown with gold flower stitchings ang suot niya. Nakalitaw ang kalahati ng likod niya at may slit sa tagiliran. Lutang na lutang ang magandang hubog ng kanyang katawan. Pati ang maputi at makinis niyang balat.
Bigla ay parang gusto niyang pagsisihan ang napiling gown. Disente ang tabas niyon ngunit sa nakita niyang reaksiyon ni Vernon ay parang revealing ang dating niyon.
"Maraming maiinggit kay Mark kapag ipinakilala ka niya mamaya bilang fiancée niya," sabi nito habang pinagmamasdan siya.
Gusto sana niyang itanong kung kabilang ito sa mga lalaking tinutukoy nito ngunit hindi na niya itininuloy. She will be pushing her limit. Ayaw niyang sa kanya manggaling kung natatandaan pa nito ang magandang sandaling pinagsaluhan nila noon. Kahit pa sabihing sa pang-iinsulto nagtapos iyon.
BINABASA MO ANG
Karugtong Ng Isang Kahapon - Sharmaine Galvez
Roman d'amour"Three years ago, I kissed a pretty lady. It was a dawn of enchantment. After the kiss, sinampal niya ako bilang pasasalamat." Napatigil si Moira nang makita ang isang lalaking nakata-likod. From where she stood ay kitang-kita niya ang perfect behin...