SA UNANG pagkakataon ay naiwan sa condo si Aura. Hindi siya isinama ni Mitchi sa lakad nito nang gabing iyon. Naglinis muna siya ng bahay at pagkatapos ay nagluto ng hapunan.
Nagulat pa siya nang buksan ang pinto at mabungaran si Carlo. Buong akala niya ay ito ang kasama ni Mitchi. Ngumiti ito sa kanya.
‚W-wala si Ate Mitchi,‛ kaagad niyang sabi.
‚Saan siya nagpunta?‛ tanong nito na bahagyang napakunot-noo.
‚H-hindi ko alam,‛ sagot niya na hindi namamalayan na halos yakap na niya ang walis na hawak. ‚Pasok ka muna. B-baka pauwi na rin 'yon.‛
Nang makaupo ito ay hindi niya malaman kung ano ang sasabihin.
‚M-maiwan muna kita rito,‛ paalam niya nang tumango ito at pumasok na siya sa kusina.
Habang nasa kusina ay hindi siya mapalagay. Lihim niyang sinisilip si Carlo habang abala ito sa pagbabasa ng magazine. Nang mag-angat ito ng tingin ay muntik na siya nitong mahuli.
Halos mapalundag siya nang magsalita ito sa likuran niya.
‚Puwede bang makiinom?‛ nakangiting sabi nito.
‚S-sandali lang...‛ Taranta siyang lumapit sa refrigerator para ikuha ito ng maiinom. ‚J-juice ba?‛ tanong niya na sumulyap dito.
‚Tubig lang,‛ anito na bahagya pang lumakad palapit sa gawi niya.
Bahagya pang nanginig ang mga kamay niya nang iabot dito ang tubig.
Tumingin ito sa suot na relo bago nagsalita.
‚Nag-dinner ka na ba?‛ tanong nito sa kanya.
‚H-hindi pa,‛ nahihiyang sagot niya.
‚Tingin ko ay mamaya pa darating si Mitchi. Nagugutom na 'ko.‛ Nakangiti pang hinimas nito ang gawing tiyan. ‚O-order na lang ako ng dinner natin.‛
‚H-huwag na...‛ pigil niya rito nang akma na itong lalabas ng kusina. ‚K-kasi nagluto naman ako ng hapunan.‛
‚Well, I think we should eat. Malilipasan tayo pareho kapag hinintay pa natin si Mitchi,‛ simpatikong sabi nito.
‚Eh, b-baka hindi ka kumakain ng niluto kong ulam,‛ alanganing sabi niya.
‚Nagugutom na 'ko at kahit ano ay puwede na,‛ anito.
‚Ano ba ang niluto mo?‛
‚G-ginataang tilapia,‛ tila nahihiyang sagot niya.
‚Kumakain naman ako ng tilapia pero ngayon pa lang ng ganyang luto... ginataan?‛
Marahan siyang tumango dahil tila naeengganyo siyang titigan ang kaguwapuhan nito. Hindi siya sanay na makaharap ito nang matagalan.
Hindi siya makapaniwalang sasabay itong kumain sa kanya at iginiya pa siya nito sa upuan. Nagkamay rin ito pero halata namang hindi sanay. Itinatanong tuloy niya sa sarili kung nangangarap lamang siya. Nasa harap niya ang lalaking hinahangaan at kasabay pa sa pagkain ng hapunan.
Habang kumakain sila ay tila siya lumulutang sa ulap. Mabait talaga si Carlo, down to earth ang ugali kahit na mayaman at mataas ang pinag-aralan.
Habang pinagsasawa ang mga mata sa pagtitig dito ay naisip niyang sana ay siya na lamang si Mitchi. At nasisiyahan na rin siya dahil sa tingin pa lang dito ay alam niyang nagustuhan nito ang kanyang inilutong ulam.
‚Hey, hindi ka na yata nakakain,‛ anito nang mapatingin sa kanya. ‚Masarap pala ang ginataang tilapia,‛ puri nito.
Ngiti lang ang isinukli niya rito. Napakaguwapo talaga nito at wala yatang babae na hindi mai-in love dito.
BINABASA MO ANG
Handang Magtiis Ang Puso Ko - Jennie Roxas
RomantikMagkaibang mundo ang kinagisnan nina Aura at Carlo. Si Aura ay lumaking sanay sa hirap at kayang tisin ang lahat mapansin lamang siya ni Carlo. Bagama't kilala siya ni Carlo bilang alalay ni Mitchi na kasintahan nito, hindi man lang nito alam ang pa...