Chapter 8

509 9 0
                                    

Sumama siya kay Olga nang mag-grocery ito. Nagtatawanan pa silang magkaibigan habang nag-aabang ng taxi nang matigilan si Olga. Napasunod ang tingin niya sa tinitingnan nito. Si Carlo, pababa mula sa kotse at hindi ito nag-iisa. Kasama nito si Mitchi. Mabilis niyang hinila si Olga sa malapit na kotse upang hindi sila makita ni Carlo. Nakita pa niya nang humawak sa braso nito si Mitchi.

Nakasakay na sila ng taxi ngunit wala pa rin siyang kibo. Si Olga ay hindi rin nagsasalita, tila pinakikiramdaman siya. Ang mga mata niya ay nakatuon sa labas ng bintana.

Nagseselos siya, ngunit ano ang karapatan niya? Wala silang relasyon ni Carlo at alam naman niyang kaya siya binibigyan nito ng importansya ay dahil ginagamit siya nito. Pero kanina, nang makita niyang magkasama si Carlo at si Mitchi, iisa lang ang ibigsabihin niyon. Maaaring nagkabalikan na ang dalawa at hindi na siya kailangan pa ni Carlo. Hindi niya napigilan ang pag-iyak. Umaasa siyang mamahalin din siya ng binata dahil sa mga ipinakikita nito sa kanya, pero nagkamali siya.

"Aura," ani Olga.

"O-okay lang ako." Pilit ang ngiting pinunasan niya ang luha sa mga mata.

May awang napatingin sa kanya ang kaibigan. Hindi kaila rito ang totoo niyang nararamdaman para kay Carlo.

Nang mga sumunod na araw ay pinilit niyang maging kaswal sa harap ni Carlo na tila walang nangyari. "Dito ka nga sa tabi ko," anito nang maupo siya sa upuang malayo rito. Hindi siya kumilos, kunwa'y inabala ang sarili sa pagtingin-tingin sa magazine. Nagulat pa siya nang ito ang tumayo at tumabi sa kanya.

"Bad mood ka yata?" puna nito.

"H-hindi," pagsisinungaling niya. Ayaw niyang may mahalata ito sa kanya.

Tinitigan siya nito na tila pinag-aaralan kung totoo ang sinasabi niya. Ngumiti siya rito at kunwa'y inirapan ito.

"May dumi ba ako sa mukha?"

"Punch line ko 'yan," nakangiting sabi nito na hindi inaalis sa mukha niya ang mga mata.

"Eh, tinititigan mo kasi ako at naiilang ako," aniya na dinaan sa biro ang pagsasalita.

"Para kasing gusto kitang halikan dito, kaya lang—" Tumingin ito sa gawing kusina kung saan naroroon ang mga katulong. "—baka itulak mo na naman ako," pagbibiro nito.

Napangiti siya, naaalala niya nang minsan palang halikan siya nito ay kaagad niya itong itinulak palayo dahil nakita niya si Charing at Manang Cora na nakasilip sa kanila.

Ginagap nito ang palad niya at pinisil iyon, bago idinikit sa mga labi niya ang mga labi nito at halikan siya. Ang mga gawi nitong iyon ang kahit paano ay nagbibigay sa kanya ng pag-asa na mahal na rin siya nito.

"I'm really happy when you're beside me but..." Hindi nito itinuloy ang gustong sabihin.

"But what?" aniya na may kaba sa dibdib.

Tinitigan siyang muli nito at hinaplos ng isang kamay ang pisngi niya. Napapikit siya nang dumampi ang mga labi nito sa kanyang mata, pagkuwa'y bumaba sa kanyang ilong at sa kanyang mga labi. Hindi na siya nakatutol nang siilin siya nito ng halik. Wala na siyang pakialam kahit makita pa sila ng mga katulong. Ang tanging alam niya ay mahal na mahal niya ito.

LUMAMIG na ang niluto niyang ginataang tilapia pero wala pa rin si Carlo. Ang sabi nito ay sa bahay ito kakain at nag-request na ipagluto niya ito ng paborito nito ngunit nakailang init na siya ng ulam ay hindi pa rin ito dumarating. Gusto sana niyang tawagan ito sa cellphone, kaya lang ay nauunahan siya ng hiya.

Nang matiyak na gagabihin ito ay iniligpit na lang nila ni Olga ang lamesa. Nasa kuwarto na siya ngunit hindi naman siya mapakali. Nag-aalala siya kay Carlo, baka kung ano na ang nangyari rito. Noon lang nangyari ang ganoon, na nag-request itong ipagluto niya na hindi ito dumating nang maaga. Nagmamadali pa naman siya kanina buhat sa school. Hindi na nga siya pumasok sa huling klase para maagang makarating sa bahay.

Handang Magtiis Ang Puso Ko - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon