[Ang Ika-labing Limang Kabanata]
Tulalang nakatingin si Sonata sa kadiliman. Tila ba ito’y nakapikit ngunit malinaw na nakamulat ang kaniyang mga mata habang nasisilayan sa madilim na paligid ang paulit ulit na senaryong kanina niya pa nakikita. Siya’y nakaupo habang yakap yakap ang kaniyang sarili. Balisa. Takot na takot. At hindi makapag salita.
Nais niyang umiyak, nais niyang humagulgol at hayaan ang sarili na malunod sa sariling luha. Ngunit kahit anong gawin niya ay walang likido ang lumalabas mula sa kaniyang mga mata. Nais niyang tumangis, ngunit tila ba hindi niya magawa.
Sa kahabaan ng dilim ay wala siyang ibang nagagawa kung di ang matulala. Kahit na nababalot ng iyakan ang kaniyang paligid ay waring hindi niya iyon naririnig sapagkat patuloy na umaalingawngaw sa kaniyang utak ang mga putok ng mga baril at sigawan. Animo’y mababaliw siya. Lalong lalo na nang kaniyang masaksihan ang pag talsik ng dugo mula sa leeg ni Señora Juana na bahagyang dumikit pa sa kaniyang suot suot na baro’t saya.
Maraming sugatan, at parami nang parami na rin ang namamatay dahil sa mga pag sabog at bala ng mga baril na hindi alam kung saan at sino ang tatamaan.
Ito ang reyalidad na kinakatakutang mangyari ng lahat.
Ilang beses nang nasakop ang bansa, ilang beses nang may nag-alay ng kanilang mga buhay maprotektahan lamang ang kanilang sariling lupa, at ilang beses na ring nasaksihan ng bansang ito ang samu’t saring madugong labanan. Mula pa sa panahon ng mga Datu, kay Lapu-Lapu at Magellan, sa pananakop ng mga Espansyol, sa digmaan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano. At ngayong isang madugong labanan na namang muli ang nasasaksihan ng bansang ito, kailan nga ba nating balak tumigil?
Ilang buhay pa ba ang kailangang ibuwis? Ilang buhay pa ba ang kailangang mamatay? Ilang buhay pa ba ang kailangang isakripisyo upang mapagtanto ng lahat na maaari naman tayong mabuhay nang mapayapa nang hindi kailangang may mamatay dahil sa dahas?
Tayo’y biniyaan ng kalayaan. Kalayaan sa lahat ng bagay. Kalayaang mabuhay. Hindi dapat ang karahasan sa mundong ito ang mag dikta kung nararapat ka bang manatili sa ibabaw ng lupang iyong tinatapakan o hindi. Dahil sa una palang ay dapat na walang lugar ang karahasan sa mundong ito. Ngunit papaano iyon mawawala? Papaano iyon mangyayari kung ang tunay na reyalidad ng mundong ito ay malayo sa kapayapaan na nais nating maganap?
Ang tao ay sakim. At kapag nagsama sama ang mga taong sakim ay tiyak na kapahamakan sa iba ang madadala nito.
Sapagkat ang taong sakim ay mapagsamantala. Sasamantalahin nila ang pagkakataong sila’y mas nakakaangat upang makapanakop ng iba. Ang taong sakim ay mapang-abuso. Aabusuhin nila ang lahat ng kung anong meron ka at kung ano pa ang kaya mong ibigay, lalong lalo na ang iyong mga biyayang dala galing sa karagatan at kalikasan na iyong pag-aari na maaari mo sanang ibigay nang libre sa iyong mga mamamayan para sa pang-araw araw nilang kabuhayan. Ngunit iyon ay inagaw ng taong sakim, at ibinalik sa iyong taumbayan nang may salaping kailangang bayaran.
Minamahal na Bansang Pilipinas at mga Pilipinong inagawan ng karapatan sa sariling bayan, ang taong sakim ay nawa’y inyong magawang patawarin nang lubusan, para na rin maipagpalagay ang inyong mga damdamin sa kapayapaan.
Ngunit para sa mga hindi pa makausad mula sa nakaraan, sila’y nararapat lang na huwag pigilan. Sapagkat sila’y biktima na sumisigaw ng hustisya at kabayaran, na alam nating karapat dapat nilang makamtan.
“Kumain ka muna, ito lang ang meron ako.”
Natauhan na lamang mula sa malalim na pag-iisip si Sonata nang biglang lumiwanag ang kaniyang paligid. Nakita niya sa kaniyang harapan si Leon na may dalang lampara, ni hindi niya namalayan ang pag lapit nito sa kaniya dahil sa lalim ng tumatakbo sa kaniyang isipan. May hawak ang binata na isang piraso ng biskwet at inabot iyon kay Sonata. Halos pitong segundo ring tinitigan iyon ng dalaga bago niya naigalaw ang kaniyang kamay upang abutin iyon.
BINABASA MO ANG
Elehiya
Historical Fiction(1941-1942) Isang dalagang manunulat sa panahon ng pananakop ang nakaranas ng pagmamalupit at pananamantala sa kamay ng mga hapon. Ngunit sa kabila ng paghihinagpis at sakit na kaniyang naranasan ay nagawa niya paring hintayin ang kaniyang sundalon...