[Ang Ika-labing Walong Kabanata]
Buong gabing umiyak si Sonata habang kasabay ng pagbagsak ng tubig ulan mula sa kalangitan ang mga luha niyang hindi mapigilan. Kahit na pilitin niyang guluhin ang utak niya sa ibang bagay ay palagi pa ring bumabalik ang katotohanang wala na ang kaniyang kapatid, wala na si Señora Juana, at wala na rin si Nanang Gregoria. Lubos niyang dinibdib ang mga nangyari na kaniya rin mismong aktuwal na nasaksihan.
Sinong kapatid ang hindi masasaktan sa oras na makita ang sariling kapatid na karumal dumal na pinaslang?
Sinong kaibigan ang hindi masasaktan sa oras na makita na ang taong nagsilbi na rin sa’yo bilang ina ay binaril na walang kamuwang muwang?
Humupa na ang ulan at unti unti na ring sumisilip ang haring araw nang magising si Sonata kaninang umaga. Naligo ito sa bahay ni Aling Marsiela na siyang ilang metro ang layo mula sa kubo, pinahiram din siya ng matandang ale ng mga baro’t saya na hindi na niya nagagamit. Ganun din si Leon, sa kabutihang palad ay may naitago pang kamisa tsino si Marsiela na pagmamay-ari ng kaniyang kapatid na lalaki nang maiwan niya ito noong minsan siyang bumisita sa kaniya.
Mabuti ang puso ni Marsiela at kagaya ni Señor Franco ay palagi rin nitong pipiliing tumulong sa mga nangangailangan. Kaniya nang naitatak sa kaniyang utak na walang masama sa pagtulong kung kaya’t palagi niya itong pipiliin sa anumang oras at lugar, hindi lang pagtulong sa tao kung di pagtulong na rin para sa kalikasan at mga hayop na naaapi ng sanlibutan. Kaniyang ipinangako sa kaniyang sarili na hindi malulugmok ang sinuman kagaya ng kaniyang naranasan buhat ng mga maling kuwento at usap usapan.
Alas nuebe na ng umaga, tapos na rin silang kumain. Kasalukuyan nang inihahanda ni Leon ang kabayong si Tigre para sa kanilang pag-alis habang si Sonata naman ay pinadadalhan ni Aling Marsiela ng kung ano anong mga kakailanganin nila. Ibinigay niya kay Sonata ang isang tampipi na naglalaman ng kanilang makakain at tubig, mga damit, kaunting salapi, at kung ano ano pa.
“Naku, Aling Marsiela. Hindi niyo naman po kinakailangang padalhan kami ng ganito karami.” Marahang pag-iiwas ni Sonata habang nakatingin sa mga laman ng tampipi. Sa loob loob niya ay sobra sobra na itong tulong na ibinigay ng matanda para sa kanila.
“Hija, kumpara sa akin ay mas kailangan niyo ang mga ‘yan. Kaya’t sana ay taos puso niyo itong tanggapin.” Hinawakan ni Aling Marsiela ang kamay ni Sonata habang nakangiti.
Napangiti na rin si Sonata at napatingin sa kaniya, “Aling Marsiela, habang buhay po naming tatanawing utang na loob ang pagtulong niyong ito sa amin. Huwag po kayong mag-alala dahil kami po ay babalik dito sa oras na maging maayos na ang lahat.”
Isa pang malapad at matamis na ngiti ang binitawan ng matanda bago siya muling nagsalita, “Aking ipagdadasal na ligtas kayong makakapunta sa Barrio Garcia at nawa’y mahanap mo ang iyong pamilya.”
Niyakap ni Aling Marsiela si Sonata nang mahigpit na mainit din namang tinanggap ng dalaga. Samantala, si Leon ay napatingin na lamang sa kanila. Hindi mawari ng binata kung bakit kaniyang nakikita si Nanang Gregoria kay Aling Marsiela habang yakap yakap nito si Sonata na palaging ginagawa noon ng kaniyang Nanang sa dalaga. Napayuko na lamang si Leon nang maalala ang kaniyang lola na ngayon ay wala na.
Nang makakalas na si Sonata at Aling Marsiela mula sa pagkakayakap sa isa’t isa ay nagsimula nang humakbang ang dalaga papalapit sa kinaroroonan ni Tigre at Leon habang kumakaway sa matandang aleng tumulong sa kanila. Bitbit ng dalaga sa kaniyang balikat ang tampiping ibinigay ni Aling Marsiela.
Naunang sumampa si Leon sa ibabaw ng kabayo at kaniyang inilahad ang kaniyang palad upang alalayan si Sonata. Tinanggap naman iyon ng dalaga bago siya umangkas sa likod ng binata. Muli nilang tinignang dalawa si Aling Marsiela na nakatayo at nakangiting nakatingin sa kanila na bahagya pang ikinaliit ng mga mata nito. Siya yung tipo na nawawala ang mga mata sa tuwing tumatawa.
BINABASA MO ANG
Elehiya
Historical Fiction(1941-1942) Isang dalagang manunulat sa panahon ng pananakop ang nakaranas ng pagmamalupit at pananamantala sa kamay ng mga hapon. Ngunit sa kabila ng paghihinagpis at sakit na kaniyang naranasan ay nagawa niya paring hintayin ang kaniyang sundalon...