Kabanata 16

4 1 0
                                    

[Ang Ika-labing Anim na Kabanata]

Animo’y naging isang bayang napupuno ng mga multo ang La Herminia Soledares matapos itong daanan ng mga mananakop. Halos walang katao-tao ang buong bayan lalong lalo na ang Centro maliban lamang sa mga hapong nagroronda at nagbabantay. Katahimikan ang bumabalot sa buong paligid, walang ingay ang umaalingawngaw sa bawat kalye at kalsada hindi kagaya noon na halos hindi na magkarinigan ang mga nag-uusap dahil sa ingay at sigawan.

Dalawang buwan ang nakalilipas mula nang tuluyang bumagsak ang Maynila, maging ang La Herminia Soledares. Halos lahat ng mga probinsya, lungsod, at bayan sa Pilipinas ay hawak na rin ng mga mananakop. Maliban lamang sa Bataan na hanggang ngayon ay hindi nila nagagawang kunin.

Ang bawat mga imprastaktura sa Centro ng La Herminia ay malapit nang bumigay buhat ng mga bombang ipinasabog noong mga nakaraang buwan. Halos hindi na rin makilala ang Centro na siyang noo’y payapa, ngayon ay napupuno na ng karahasan.

Sa kabila ng katahimikan ay nasa loob umaalingawngaw ang ingay. Sa isang gusali sa Centro ay matatagpuan sa loob nito ang mga kalalakihang bihag ng mga hapon na pilit na pinagtatrabaho habang ang mga kababaihan ay sapilitan nilang pinagsisilbi. Napupuno ng pasakit, paghihirap, at poot. Bawat araw ay tila isang napakalaking hamon na kinakailangang malagpasan upang mabuhay.

Samantala, sa loob ng Teatro De Alvarez ay nagtatago ang dalawang magkapatid na nagmamay-ari nito. Lingid sa kaalaman ng mga hapon ay may isang silid sa ilalim ng teatro na maaaring pagtaguan sa oras na anumang sakuna ang mangyari, ito ay ideya ng ama ni Don Hidalgo at Don Rodolfo.

Kasalukuyang nakaupo ngayon sa sahig ang magkapatid na Alvarez.

“Kailan kaya tayo makakalabas muli?” Paunang sambit ni Don Rodolfo. Pareho silang nakayuko na animo’y nawawalan na sila ng pag-asa. Matapos ang dalawang buwang pananatili rito ay hindi na sila nakakalabas nang malaya, kung sila’y papanhik man ay kinakailangan nilang mag tago upang hindi madakip ng mga hapon.

“Hindi ko na alam. Matapos mamatay ni Heneral Santiago dalawang buwan na ang nakalilipas ay tuluyan na akong nawalan ng pag-asa.” Nakayukong sagot naman ni Don Hidalgo.

Mahina at sarkastikong napatawa si Don Rodolfo, “Si Policarpio? Siguro ay buhay pa naman iyon.”

Sarkastikong ngiti naman ang iginanti ng isa pang Don, “Ewan ko sa batang heneral na iyon. Sa tingin ko ay hindi rin naman iyon magtatagal.”

Matapos umalingawngaw ang balitang pinugutan ng mga hapon ng ulo si Heneral Santiago ay sumunod sunod na ang mga nagkalat na usap-usapan na pinatay na rin daw di umano ang pamilya nito at ginahasa pa ang kaniyang mga babaeng anak. Hindi mawari kung may katotohanan ba ang mga kuwentong iyon ngunit isa lang ang totoo at sigurado, patay na si Santiago Abalos.

Matapos din ang pagkamatay ng nasabing heneral ay hindi na mahanap ang iba pang mga sundalo sa hanay nito na siyang inatasan sa timog na bahagi ng La Herminia Soledares.

Sa kabilang banda, sa bayan ng Del Asuncion. Buwis buhay ring nagtatago ang mag-asawang Madrigal kasama si Mang Pedring, at Dolores. Sa loob ng dalawang buwan ay nagawa nilang magpalipat lipat ng lugar upang hindi sila madaling madakip. Hanggang ngayon ay bitbit pa rin nila ang bigat sa kanilang loob nang kanilang hindi sinasadyang maiwan si Señor Franco at si Sonata sa loob ng mansion ng mga Silvestrio.

Matapos hilahin ni Don Julio si Señor Franco upang umalis ay nag pumilit pa ang Señor na puntahan ang walang buhay na katawan ni Señora Juana kung nasaan din nakatayo si Sonata sa tabi nito. Nakalabas na sila ng mansion noong mga oras na iyon.

ElehiyaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon