Chapter 2

228 6 0
                                    

Hindi umandar ang sasakyan ni Alvaro.

Tiningnan niya ang relo ng pambisig. Batid niyang kung hindi aandar iyon, siguradong mahuhuli na siya sa lunch appointment.

"Ano, Meliton, hindi mo ba mai-start ito?"

Sinubukan muli ng matandang driver ngunit talagang may diperensya. "Ayaw po, eh."

Isang bagong taxi ang nakita ng binata na papasok sa parking lot. Bumaba ang pasahero nito kaya mabilis na binuksan niya ang pinto ng sasakyan, bitbit ang attaché case at ilang mga gamit.

"Ipaayos mo. Hihintayin kita sa lobby ng Intercon." Isinara niya ang pinto. "Kung may problema, tawagan mo ako sa cellphone ko."

"Opo."

"Taxi!" Tumatakbong lumapit siya sa sasakyan.

Napalunok si Ceejay nang makita sa rearview mirror niya ang magandang mukha ng kanyang pasahero.

"Intercon, please."

Parang may bumara sa lalamunan niya kasabay ng malakas na pagdagundong ng kanyang dibdib. Sino ba'ng hindi matutuliro sa lalaking sakay? Tila prinsipeng matikas sa pagkakaupo ito. Maputi at makinis ang kutis. May perpektong hugis ng ilong, almond-brown eyes at mapupulang mga labi. Sobrang perpekto na kung iisipin. Mistulang hulog ng langit ang kakisigang iyong. Ganoon ang tipo ng mga bidang napapanood niya sa mga foreign films. At nababasa sa mga fashion magazines tulad ng GQ at Cosmopolitan. Ano kaya ang lahi nito? Sa tangos ng ilong nito ay mukhang taga-Europa. Ano kaya ang ginagawa nito sa Pilipinas?

Dahil nga guwapo ang pasahero, panay ang sulyap niya sa rearview mirror. Mayamaya, napansin niyang naiinip ang sakay dahil sa tindi ng traffic. Kahit nga siya ay naiinip din. At least, ang pasahero, pagkababa ng taxi, wala nang problema. Pero siyang driver, haharapin pa rin niya ang traffic. At sa halos bawat kanto ay mayroon. Ano naman ang magagawa niya, eh, kasama naman sa trabaho niya ang traffic?

"Kumanan na kaya tayo," suhestiyon ng pasahero.

Nagulat ang dalaga. Marunong mag-Tagalog ang mamang inakalang foreigner. Mabilis na kinabig niya ang manibela sa kanan bilang pagsunod dito.

"Tapos, kaliwa tayo, and then, dire-diretso na. Pakibilisan lang, male-late na ako, eh."

Teka, matatas mag-Tagalog at walang puntong banyaga ang lalaki. Marunong din sa pasikut-sikot na daan papuntang Makati. Sandali nga lang, mukhang hindi foreigner. Ma-testing nga.

"Don't worry, Sir, I'll bring you to your appointment on time—" Sabay sinulyapan niya ang pasahero sa salamin.

Napangiti ito, mukhang na-impress sa kanya.

"Where did you learn to speak good English?"

"In school, Sir." Kumambyo ang dalaga, sabay tinapakan ang silinyador.

"What are you taking up, if I may ask."

"Dati po, Mechanical Engineering pero nag-shift ako. I think building bridges, edifices and roads is more exciting although I dabble in car machines."

"Marunong kang gumawa ng sirang kotse?" nagbabaka-sakaling tanong ng lalaki. Wala na kasi ang dating mekaniko dahil nag-abroad na ito.

"Oho, naman. Umeekstra din ako sa talyer sa amin."

"You are a very enterprising lad!"

Lad? Napagkamalan na naman siyang lalaki.

Kung kasing guwapo ng lalaki sa likuran, okay lang. Pero sa oras na iyon, gusto niyang malaman nitong certified babaeng-babae siya.

Bago pa siya nakaprotesta ay nagsalita na muli ito.

"I'll tell you what, sunduin mo ako sa entrance ng Intercon nang ala-una. Patitingnan ko sa iyo ang kotse ko para maayos mo. Is that all right with you?"

Driver Ko, Mahal Ko - Kooch MapuaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon