Chapter 4

183 5 0
                                    

NAGULAT si Alvaro nang bumungad sa kanyang mga mata ang ayos ni Ceejay. Nakaladkad ang mahabang makintab na buhok nito. Beige ang suot na pantalon at off-white naman ang short-sleeved na blouse. Simpleng-simple ngunit may dating. Kung tutuusin, mas mukhang sekretarya ang dalaga kaysa driver lamang.

Lihim na humanga si Alvaro sa kagandahang iyon na nasa harap niya.

"Paghatid mo sa akin sa opisina, hintayin mo ako. May late breakfast meeting ako sa Makati. Sabay na tayong uuwi sa bahay," sabi ng binata habang umuupo sa likuran ng sasakyan.

Binuhay ng dalaga ang makina ng sasakyan.

"Yes, Sir. Tamang-tama, pasusukatan ako ni Ma'am Mely ng uniform."

"That's good."

"Eh, Sir, 'wag ho kayong magagalit sa akin, ho. May itatanong lang ako sa inyo."

"Ano 'yon?"

"Ganoon ho ba talaga si Ma'am Mely?"

"Paanong ganoon?"

"'Yong parang gusto akong kagatin sa leeg," prangkang sabi ni Ceejay.

"Intense lang si Mely."

"Intense nga ho na parang bagyo ang presensya. Nakakasindak!"

Ang kaninang ngiti ng binata ay nagkaroon ng tunog. Nasisiyahang panoorin ng dalaga ang namumulang mukha nito.

"Tama na, Sir. Hindi na yata kayo nakakahinga sa katatawa, eh, sagutin ko pa."

"You are silly." Namumula na ito nang tumigil sa pagtawa. "You are the only person who can make me laugh this early."

"Na-feel ho ba n'yo, kaya n'yo ako napiling driver?"

"Aside from other reasons, yes."

"Eh, Sir, ibig sabihin ba n'on, tingin n'yo sakin, clown?"

Pinipigil ni Alvaro ang nagbabanta na naman nitong pagtawa nang malakas. "Slight."

"Okay, fine, Sir. At least, alam kong masaya kayo kapag kasama n'yo ako."

"Baka nga, 'pag nawala ka, hanap-hanapin kita. Ikaw rin."

Parang tinudla ang kanyang puso. In love na nga yata siya sa kanyang amo kaya lalong nadagdagan pa ang sigla niya sa kanyang ginagawa. Paghinto nila sa harap ng building na ito, nagmamadali siyang bumaba upang pagbuksan ng pinto ang binata. Bago pa man niya nagawa iyon, kusa nang bumukas ang pinto.

Saglit na naghinang ang kanilang mga mata. Ang dalaga na ang bumawi ng kanyang mga paningin.

"You don't have to," halos bulong na sabi ng binata.

Parang may kamay na humagod sa kanyang puso. Bakit ba kahit ngiti lamang o kaunting sabihin sa kanya ni Alvaro ay tila napakalaking kontribusyon na ang mga iyon upang gumanda ang kanyang araw?

"Kasama ho sa trabaho ko ito," ganti niya. "Let me do my job, Sir, regardless of my gender."

"Very well."

"Thank you, Sir."

Habang pinapanood niya ang paglakad ng amo ay gusto na niyang magsisigaw sa malawak na parking space na ito. Naglaro na naman ang ilusyon sa kanyang isipan. Feeling niya, siya si Cinderella at si Alvaro ang kanyang prince charming. Ang pagkakaiba nga lamang, imbes na walis ang tangan niya, manibela!

TALAGANG pina-rush ni Mely ang uniporme ni Ceejay upang magkaroon ng representasyon si Alvaro sa kaarawan ni Ginang Salud Salustia. Dalawang sets ng uniporme ang ibinigay sa kanya ng matandang babae. Nasa pale side ang mga kulay at babaeng-babae ang dating, pati na ang mga tabas.

Driver Ko, Mahal Ko - Kooch MapuaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon