Kabanata IV

10 0 0
                                    

Pinapawisan ako.

Hindi ko alam saan kukunin 'yung kape na sinasabi niya. Sakto naman na sa mga oras na ito ay may tumunog na pamilyar na bell.

[Additional Task: Give the "coffee" that the little girl wants.

07:35:10

Status: 5% of the story explored.]

Ito rin siguro 'yung narinig kanina ng lalaki, kaya imbes na umangal ulit s'ya no'n ay sumunod s'ya. It turns out ikaw lang makakarinig no'n, at may additional task na naaayon sa kasalukuyang nangyayari. Pero ano kaya 'yung nalaman namin before na nagbigay ng five percent sa status?

Napailing ako. Mamaya ko na iisipin 'to. Need ko munang makaraos sa sitwasyon ko.

Sinubukan ko na paganahin ang utak ko. Pero gaya ng sabi kanina ni Carlo, walang makikitang coffee beans o sachet ng instant coffee dito. At mukhang natanggalan ng tainga 'yung lalaki dahil wala s'yang naibigay na kape sa bata. Ayokong matulad sa kaniya.

Nakapatagilid s'ya ngayon ng higa. Tahimik. Hawak hawak pa rin ang nagdurugong bahagi. Kung hindi dahil sa pagtaas baba pa rin ng dibdib niya na nagsasabing humihinga pa rin siya ay aakalain na naming namatay na siya.

Hindi ko na alam kung naaawa ba ako para sa kan'ya o para sa sarili ko dahil t'yak na kapag 'di ko nasunod 'yung bata ay magiging gan'yan din ako. Napapikit ako ng mariin. Walang makakatulong sa 'kin. Ako lang. Sarili ko lang maaasahan ko.

Binuksan ko ang mga mata ko at nagkatinginan ulit kaming tatlo. Bumuka ang bibig ni Carlo na para bang may gusto siyang sabihin, pero sa huli ay tiningnan nalang niya ako na parang wala s'yang maitutulong sa akin, habang si Isabel naman ay nakatulala, nagiisip ng malalim. Binigyan ko sila ng mapait na ngiti.

Saan ko ba kasi hahagilapin 'yung sinasabi n'yang kape?

"P'wedeng gumawa ng kape mula sa bigas," nagsalita si Isabel. Tiningnan niya ako nang diretso sa mata. "Isasangag mo sa kalan 'yung bigas hanggang mangitim. Hahanguin mo pagkatapos at papakuluan mo naman sa tubig. Salain mo at dagdagan ng asukal."

Parang nagbigyan ako ng pag-asa sa sinabi niya. Tumango ako at nagpasalamat. Hinawakan niya naman ang batang nasa tabi ko ngayon at ngumiti s'ya. "Hayaan muna natin si ate gumawa, okay?"

Hanggang ngayon, hindi ko pa rin alam kung papaano niya nagagawang ituring na parang isang normal na bata lang 'yung kausap niya.

Tumingin sa 'kin 'yung bata, bago tumingin kay Isabel at sumama s'ya sa kaniya na pumasok sa loob ng kubo. Naiwan naman kaming dalawa ni Carlo sa labas. Hinawakan niya ang balikat ko.

"Hindi sigurado na 'yung sinabi ni Isabel na kape ay ang tinutukoy na kape nung bata," pagpapaalala niya sa akin at tinanggal na niya ang kamay niya. Napangiwi naman ako. "Pero 'yun lang ang mukhang natatanging paraan para hindi ako matulad sa lalaki na 'to." Itinuro ko pa 'yung lalaking nasa lupa pa rin ngayon.

Napatigil s'ya saglit at napatingin sa tinutukoy ko. "May pangalan s'ya, Angelica. Joel ang name niya," tugon niya sa 'kin. Nagkibit balikat nalang ako. Hindi naman kasi niya pinakilala sarili niya, malay ko ba. Teka-

"Paano mo nalaman pangalan ko?" tinanong ko s'ya nang may pagdududa. Sa pagkakaalala ko ay hindi ko sinabi ang pangalan ko sa kan'ya. Itinaas naman niya parehas ang kamay niya, parang ipinapahiwatig na wala s'yang ginawang masama o ano. "Nalaman ko kay Isabel."

Tumango nalang ako at naghanap na ng bigas. May nakita naman ako. Hindi ko alam gaano karami ang kailangan pero okay na siguro ang isang cup?

Naghanap na rin ako ng kalan at pang-gatong. Nakasunod lang sa 'kin si Carlo. Nang tingnan ko naman 'yung timba na lagayan ng tubig ay halos kaunti nalang ang laman. Kailangan ko mag-igib, pero wala naman poso rito.

"May balon malapit," bigkas niya. Nagdududa naman akong tumingin sa kan'ya. "Natanaw ko kanina. Ilang lakad lang ang layo," pagpapaliwanag niya atsaka kinuha ang timba.

Nagsimula na s'yang maglakad at sumunod naman ako sa kan'ya. "Bakit mo ako tinutulungan?" tanong ko kay Carlo.

"Gusto ko makita kung 'yun ba ang kape na tinutukoy ng bata," tugon niya sa 'kin.

Makalipas ang ilang segundo, ilang hakbang lang ang ginawa namin ay sumalubong na sa 'kin 'yung balon na sinasabi niya. Katabi rin pala nito ang basurahan. May mga sako at supot. Maya-maya ay umihip ang hangin... atsaka ako may naamoy na hindi maganda.

Napatakip ako ng ilong ko sa baho. 'Yung amoy kasi! Parang may nabubulok na namatay na daga.

Hindi na nagsalita si Carlo pero kita ko ang ekspresyon sa mukha niya. Itinaas niya pa ang tshirt niya pangtakip sa ilong. Triny n'yang itali ang timba doon sa may balon at unti-unti itong binaba gamit ang isa pa niyang kamay. Habang inaasikaso 'yun ni Carlo ay tinignan ko ang mga basura na nakatipon doon, hanggang sa mapansin kong parang may kamay na nakalabas sa isa sa mga sako.

Namamalikmata ba ako?

"Carlo," bulong ko sa kan'ya. Napalingon naman s'ya sa akin matapos niyang maiakyat ang timba. Nanginginig kong itinuro 'yung nakita ko.

K-katawan kaya 'yun?

Namutla s'ya nang mapagtanto kung ano 'yung itinuturo ko. Inilapit n'ya sa akin 'yung timbang may tubig na. Tumalikod s'ya sa akin at unti-unting lumapit sa sako na 'yun at tumigil sa tapat no'n. Nakita kong maingat s'yang sumilip, at halos 'di na s'ya gumalaw sa kinatatayuan niya pagkatapos.

Ilang segundo na ang lumipas ay gano'n pa rin s'ya, kaya hindi ko na maiwasang tawagin ang pangalan niya. "Carlo?" mahinang banggit ko sa kan'ya.

Iniwan ko ang timba sa pwesto ko ngayon at dahan dahan naman akong lumapit sa likod niya. Nang malapit na 'ko ay tumagilid si Carlo at tumingin sa 'kin. Nakikita ko ang takot sa mga mata n'ya.

Hindi ko napigilan ang sarili ko. Unti-unti akong sumilip sa may sako, at bumungad sa 'kin ang isang bangkay-ang katawan nung batang nasa loob ng kubo ngayon!

Napatigil ako, pati ang paghinga ko. Gusto kong batukan ang sarili ko kasi pinilit ko pa talaga tingnan dahil sa kuryosidad. Hindi ko rin naman maiwas ang tingin ko mula doon. Para bang may magnet na inaattract akong tingnan ito.

Gulo gulo 'yung buhok ng bata. At sa bandang ulo hanggang sa mukha nito ay may natuyo na dugo. Parang pagkauntog ang ikinamatay n'ya. Inoobserbahan ko pa nang maramdaman kong may humawak sa braso ko.

Gulat at nanlalaki ang mga mata kong tiningnan ang may ari ng kamay no'n. Sinenyasan naman ako ni Carlo na huwag gumawa ng ingay. Hinila niya ako dahan dahan paatras. Maingat. Gaya ng kung papaano kami lumapit dito kanina.

Kinuha na n'ya ang timba at mabilis at malalaki ang hakbang na ginawa n'ya papaalis habang hinihila niya ako. Hindi ko maiwasang lumingon pabalik sa basurahan doon. Natumba na 'yung sako sa 'di malamang dahilan. At kung kanina ay kamay lang ang makikitang nakalabas dito, ngayon ay pati ulo na nito.

Bumilis ang tibok ng puso ko- na para bang gusto na nitong lumabas mula sa dibdib ko. Ang kanina'y nakasaradong mga mata nung bangkay, biglang bumukas. Nakatingin ito sa 'min.

Nakatingin habang palayo na kami.

HilakbotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon