"Angelica!"
Rinig kong parehas na sumigaw si Carlo at Isabel. Hindi ako mapakali sa sakit na nararamdaman ko. Napatingin naman ako sa tainga kong kanina ay nakakabit pa sa 'kin pero ngayon ay nasa may sahig, kaunti lang ang layo sa 'kin. Unti-unti kong naramdaman ang mainit na pagtulo ng dugo ko sa isang kamay kong nakahawak banda sa may parte ng tainga ko. Iisa lang ang nakatatak sa isipan ko ngayon.
Mali 'yung binigay ko!
Gusto kong magpagulong gulong sa sahig sa sobrang sakit. Hinila 'yung tainga ko sa 'kin. Isang iglap lang at biglaan ang nangyari.
[Additional task failed. Player didn't give the "coffee" that the little girl wants.
Time: 6:23:15
Status: 60% of the story explored.
Please continue working hard.]
Sinubukan kong ikalma ang sarili ko at gumapang paunti unti sa isang gilid. Sinandal ko ang sarili ko sa pader. Paganahin mo utak mo, suriin mo mga nalaman mo simula kanina. Hindi ka p'wedeng mamatay!
Napatingin muli ako sa holographic na nasa taas kung saan bukod sa narinig ko ang system kanina ay nakasulat din dito ang sinabi nito. 60% ng story na ang na-explore. Ibig sabihin may nadagdag nang 50% pataas kanina. Pero ano 'yung nadiskubre namin na nakapagpadagdag ng gano'n?
'Yung katawan? O tama talaga 'yung mga teoryang pinagsasabi kanina ni Carlo?
Base sa kan'ya, isa sa pamilya ang may dahilan ng pagkamatay nung batang babae. May tuyong dugo sa may ulo nito. Posible kayang nauntog s'ya habang may away? Isinako at tinapon s'ya ngayon sa may basurahan pagkatapos. Kung iisa lang sa pamilya niya ang may dahilan, sino sa kanila? Sino sa nanay, tatay, ate at kuya?
Pero bakit parang buong pamilya ay damay?
Napatigil ako sa pagiisip nang marinig kong hingian ng tinapay nung bata si Isabel. Napatingin ako sa gawi nila habang iniinda ang sakit. Nakita kong hinawakan ni Isabel ang kamay nung bata at tinanong niya 'to pabalik.
"P'wede mo bang sabihin kay nanay kung ano 'yung tinapay na tinutukoy mo?" malambing na tanong niya sa bata. Napatingin ako kay Carlo at alam kong pareho kami ng naisip. Malabong sabihin 'yon nung bata.
Ngumiti sa kan'ya 'yung bata at masaya nitong sinabi sa kan'ya, "Bahagi ng katawan!"
Napangiwi ako. Siguro mali ako nang rinig dahil isa nalang tainga ko. Sinabi talaga nung bata? At ano daw? Bahagi ng katawan?
Ano 'yun, kailangan nila Isabel at Carlo na hiwain sarili nila? Baka magkapareho kami ng naiisip at nakita kong namutla ang mukha nila. Pero wala rin naman sinabi 'yung bata na kailangan ay sariling bahagi ng katawan nila.
"P'wede mo rin ba sabihin kung ano 'yung kape?" Sinubukan ni Carlo na palambingin din 'yung boses niya pero parang gugustuhin ko nalang tanggalin 'yung natitirang tainga ko nung marinig ko s'yang nagsalita.
Hindi naman s'ya pinansin nung bata at umakto ito na parang walang narinig hanggang sa senyasan ito ni Isabel. Parang napipilitan naman itong tumugon, "dugo."
At doon ko napagtanto na, may favoritism din pala 'yung bata! Wala, hindi talaga patas mundo. Gusto ko magwelga!
Nanlulumo ako sa kinauupuan ko nang makita ko namang may pinulot si Isabel mula sa sahig at iniabot sa bata. Pagkatingin ko sa bagay na 'yon ay hindi ako makapaniwalang tumingin sa kaniya. Tainga ko 'yon ah!
Nang tanggapin ito ng bata at ilang segundo ang nakalipas na walang nangyari ay nakahinga ng maluwag si Isabel. Napakamot naman ng ulo si Carlo sa ginawa niya. "Bahagi nga naman ng katawan," rinig kong bulong niya. Tumingin naman sa akin si Isabel na parang humihingi ng pasensya.
Tinuloy ko nalang ang iniisip ko kanina at nagsalita ng mahina sa sarili ko, "Dugo't katawan ang ibig sabihin ng kape't tinapay. Ito 'yung gusto niyang kapalit sa ginawa sa kan'ya?"
Bigla namang napatingin sa gawi ko 'yung batang babae at kasunod no'n ay ang pamilyar na tunog ng bell.
[Instance completed.
100% of the story explored.
Players will be transferred out soon, please be ready.]
Nagkatinginan kaming tatlo nila Carlo at Isabel, pare-parehong nagtataka sa nangyari. May limang oras pa kasi bago matapos 'yung main task, pero biglang complete nang inannounce ng system. Napatingin muli ako sa batang babae, na ngayo'y nakangiti. 'Yung ngiti n'ya ngayon ay 'di tulad nung mga nauna, kung saan nakakatakot ito. Ngayon, para bang may halo itong lungkot.
Napaisip naman ako kung sa ano ba talagang nangyari sa kan'ya. Kung bakit s'ya namatay sa gan'yang edad. Kung bakit gusto n'yang maghiganti. Kung ano ang pangalan n'ya. Nakalimutan ko nang hinila niya mula sa katawan ko 'yung tainga ko kanina lang.
Gusto ko tuloy magreklamo sa system ngayon, unti-unti na rin bumabagsak ang mga mata ko. Iisa lang ang katanungan ko na nanaig sa isipan ko ngayon.
Anong 100% ng story ang na-explore, e halos parang may alam kami sa nangyari na hindi?!

BINABASA MO ANG
Hilakbot
Mystery / ThrillerKung ikaw ay mamamatay na, paano kung malaman mo na may oportunidad para mapahaba ang buhay mo? Kukunin mo ba ang pagkakataong ito? *** Kailanma'y hindi naging patas at mabait ang mundo. Buong buhay ni Angelica Cortez ay wala na s'yang ibang narin...