PROLOGUE

18 0 0
                                    

“LE PIDO DISCULPAS,” paos kong wika, saka ko sila pilyong nginisihan. “Pero no puedes tener mi reino, especialmente mis tesoros.”

Duguan ang aking damit, at kumikirot sa sakit ang likoran ko. Nalasahan ko rin ang lansa ng likidong mayamaya'y lumalabas sa aking bibig.

Pero kahit ganoon pa man, isinasalangit ko na ang aking mga hinaing at kapangyarihan. Ang kahariang inalagaan mula nuon ng aking angkan, hanggang sa aking mahal na hari at reyna—ang aking mga magulang—na walanghiyang pinaslang ng mga mananakop. Walang kahit sino mang tonto ang makakakuha niyon. Kahit mamatay ako, hinding-hindi magtatagumpay ang kung sino mang may bahid ng kasakiman na nagnanais na makuha ang yaman na siyang siglo nang inaasahan ng mga taong sinasakupan ng aming familia. Nawa'y ang lahat ng ito ay mabaon sa lupa, masama sa aking hukay. Walang pahintulot ang pag-agaw na nangyayari sa aming reino. Darating ang panahon na ito'y mababawi rin. La esperanza.

“Prinsesang kay bonita. Nasa amin na ang lahat. Wala na ang hari at reyna, ang pangangalaga mo'y ’di sapat. Kung sana lamang ay sinunod mo ang tradisyong ikaw ay mag-asawa na sa pagka-edad mo ng dieciocho, may hari ka nang matapang at makisig na kagaya ko.” Tumawa nang malakas at masakit sa tainga ang walanghiyang impostor na alam kong noon pa man ay may pagnanasa na sa akin.

Asqueroso.” Pagtutukoy ko sa pangit niyang mukha, at walang alindog na tula—kadiri.

“Bastos!” sigaw niya saka ako kinuwelyohan.

“Prinsesa Lara Ynfante Cardoso, kay ganda mo. Ngunit hindi ko akalain na ang iyong mapupulang mga labi ay may taglay manakit sa pamamagitan ng iyong pananalita—sadyang hindi kaaya-aya, bonita.”

Dumura ako sa kaniya. Tumalsik ang duguan kong laway sa kaniyang pulsuhan. Kita ko naman ang pagkabigla niya at agaran siyang bumitaw sa akin. Napasigaw siya ng kung anu-anong mura, at inaamin kong natutuwa ako sa alam kong hindi maamong asta.

Ngunit sa isang iglap biglang tila sumabog ang mukha ko sa lakas ng sinalubong kong sampal mula sa kaniya.

“Sumama ka na sa mga magulang mo, babae ka!” Saka ko narinig ang matinis na taginting na mula pala sa kaniyang mahaba at mala salaming espada.

Itinutok niya iyon sa aking baba, saka mabilisang ihiwa sa aking leeg.

Walang hinto-hinto ng oras akong naramdaman. Napaluhod ako na dalawang piraso na. Bumagsak sa sahig, kasama ang aking kaharian.

Tumubo ang kulay lilang bulaklak katapat ng aking matang lumuluha sa nakahiwalay ko nang ulo. Matinik na lilang bulaklak na alam kong lalamon sa buong kaharian ko kalaunan.

Natapos ang pitong minutong pagiging gising ko bago tuluyang mawalan ng buhay. At sa pitong minutong iyon, ibinulong ko sa buong kalawakan na ibaon ang lahat, at ibigay iyon sa karapatdapat.

Sa huling segundo ng aking buhay, sa huling sandali, naramdaman ko ang pagguho ng lupa, oh ’di kaya ng mundo. Masaya akong tagampay ko paring naitago ang kaharian ko.

Unconsidered Fairytale Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon