Chapter 1

323 9 0
                                    

"BERNIE, TAMA NA! Tama na, ano ba?"

Humahalakhak si Kim habang sinasaway ang kasintahan. Nasa tabing-dagat sila noon at naghaharutan matapos mag-unahang makarating sa dalampasigan.

"Ang usapan, ang matalo kikilitiin, di ba?" nakatawang turan ni Bernie. "Talo ka kaya heto!"

Dinambahanaman siya nito at sinundut-sundot sa tagiliran.

"Hah... hah... ayoko na. Suko na," humihingal na sabi ni Kim, sabay latag ng katawan niya sa buhangin. Umihip ang hangin at bahagya siyang nangiligkig sa hatid na lamig noon. Nagtaka siya. Bakit siya gininaw samantalang napakainit ng panahon? Oktubre na nga pero hindi na gaya ng dati na kapag pumasok na ang buwang may 'ber' sa dulo ay lumalamig na. Para pa ngang tag-init kaya nila naisipang mamasyal sa beach.

Hindi na niya nakuhang magmuni-muni pa nang todo dahil naramdaman niyang lumuhod sa tabi niya si Bernie. Kasunod niyon ang pag-angkin ng labi nito sa kanyang bibig.

Sa simula ay masuyo ang paghalik nito pero habang tumatagal, iyon ay naging mapusok, maalab. Hanggang sa pakiramdam niya ay mapupugto na ang kanyang hininga sa tindi ng paniniil nito.

"Bern, tama na..." Masuyo niya itong itinulak.

Bahagyang lumayo ang lalaki, matamang pinagmasdan ang mukha niyang pinaaliwalas ng kaligayahan.

"Sandali na lang. Sandaling-sandali na lang at di mo na 'ko kailangang pigilan," anito, kasabay ng paglukob ng kapilyuhan sa anyo nito. "You've been torturing me for the past three years kaya kapag kasal na tayo, magbabayad ka," banta nito—isang bantang hindi kinatatakutan ni Kim.

Tatlong taon na silang magkatipan ni Bernie at sa loob ng panahong iyon ay iniwasan nilang makalimot sa sarili. Ang usapan nila ay maghihintay silang makasal bago gawin ang bagay na nararapat lamang sa mag-asawa.

Pero hindi niya maikakailang madalas ay hindi na niya halos mapigilan ang pagnanasang ipagkaloob na ang sarili sa nobyo. May mga sandaling ang pakiwari niya ay ang pag-uugnay na lang ng kanilang mga katawan ang natitirang paraan para ipadama niya rito ang matinding pagmamahal.

Tatlong taon na niya itong iniibig. Tatlong taon na silang nag-iipon bilang paghahanda sa kanilang kinabukasan. Ngayon, inaayos na ang kanilang kasal. Sandaling-sandali na lang ang kanyang ipaghihintay.

Tumayo si Bernie at inilahad ang kamay sa kanya. "Halika, ligo na tayo bago pa 'ko makaisip gumawa ng kung ano," pilyong sabi nito.

Inabot niya ang nakalahad nitong kamay at saka na bumangon.

Magkahawak-kamay silang tumakbo at lumusong sa tubig hanggang sa umabot iyon sa kanilang mga baywang. At saka sila naglunoy at naglaro.

Kasalukuyan silang nagsasabuyan ng tubig nang biglang mapasinghap si Bernie at tutupin nito ang ulo.

"Bern, bakit?" Nag-aalalang hinawakan ni Kim sa balikat ang katipan.

"Wala," kaila nito.

"Anong wala, eh, hayan at namumutla ka?" Imbis na sumagot ay ipinikit nito ang mga mata para maibsan ang kirot na parang sibat na sumaksak sa loob ng ulo nito. Ilang sandali itong humugot ng malalim na hininga.

"I-I think it's just migraine. Dala siguro ng sobrang tensyon sa trabaho," tangka nitong paliwanag.

"Magpatingin ka kaya? Baka kung ano na 'yan, eh," aniya.

Kinabig siya nito at inakbayan. "You worry too much. Wala sabi 'to. Nothing that a little relaxation won't cure," anito. "Nothing that this won't remedy," dagdag nito kasunod ang paniniil ng halik sa kanya.

Kaagad niya itong tinugon at ilang sandali pa ay nakalimutan na niya ang pag-aalala. Pinalis iyon ng init na binubuhay sa kanyang katawan ng nobyo.

"Ang mabuti pa'y balikan na natin sina Gene. Baka hinahanap na tayo," sabi niya kapagdaka nang madama ang tumitinding pag-­aalab ng kalooban.

Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla CalienteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon