Chapter 8

261 6 0
                                    

PAGPASOK NI KIM sa bakuran ay nakita niyang nakaparada ang sasakyan ni Ric sa garahe, tanda na naroon nga ang lalaki. Kaya nagtaka siya nang matagal na siyang kumakatok ay wala pa ring nagbubukas ng pinto sa kanya.

Pinindot niya ulit ang doorbell, sunud-sunod at pinatagal ang pagkakadiin sa buton.

Sa loob ng bahay, kaaahon lang buhat sa jacuzzi ni Ric. Nakatapi lang ito ng tuwalya at magbibihis na sana nang maulinigan ang sunud-sunod na dingdong ng doorbell. Walang kaide-ideyang si Kim iyon, lumabas ito ng silid at iniwang bahagyang nakaawang ang pinto.

Muntik nang malaglag ang tuwalyang nakapulupot sa baywang ng lalaki nang makita kung sino ang di-inaasahang panauhin.

"Tumawag ako sa opisina mo. Sabi mo masama ang pakiramdam mo kaya pinuntahan na kita," sabi ni Kim.

"Ha? Eh... ah... k-kuwan... g-ganoon nga." Natataranta, hindi malaman ni Ric kung ano ang gagawin. Nasa jacuzzi pa si Susan pero anumang sandali ay lalabas na ito.

"Ano'ng nangyayari sa 'yo? Bakit para kang namumutla?" Kinukutubang pinagmasdan ng dalaga ang katipan.

"H-hindi, ah. Ah... m-masamang-masama lang talaga ang pakiramdam ko. Kung puwede, b-bumalik ka na lang sa ibang araw..." dahilan nito.

"Hindi mo man lang ba 'ko papapasukin?" nanunubok na turan niya.

"Sorry, ha? Hindi talaga kaya ng katawan ko. G-gusto ko nang mahiga," dahilan nito.

"Alam mo, Sweetheart, hindi ako ulol para 'di mahulaan ang dahilan kung bakit ayaw mo akong papasukin. May iba kang kasama diyan." Nagngingitngit man, nakuha niyang gawing banayad ang pagsasalita.

"Wala..."

Hindi na naituloy ni Ric ang pagkakaila dahil tiyempong may nagsalita sa tabi nito.

"Mahal, sino ba 'yang bisita mo?" tanong ni Susan habang dumudungaw sa pintuan.

Mistulang natuklaw ng ahas ang lalaki. Namumutla, pinagpapawisang natulos ito sa kinatatayuan.

"Hi, I'm Kim. Girlfriend ni Ric," parang walang anumang pagpapakilala ng dalaga sa sarili.

"Really?" Nakataas ang kilay na binalingan ng tingin ni Susan ang lalaki. "Ako naman si Susan, girlfriend din ni Ric," sabi nito.

"Mukhang may mahalaga pa kayong pag-uusapan kaya iiwan ko na muna kayo."

Umakmang tatalikod na si Kim nang biglang may naalala.

"By the way, Ric, huwag mo nang tangkaing i-deny dito kay Susan ang lahat. Bukung-buko ka na, eh. At tanga na lang siguro siya kung maniniwala siya sa 'yo," aniya at saka lang tuluy-tuloy na lumabas ng bakuran.

Hindi nga siya naghuramentado pero kung may buto lang ang puso niya ay sasagad marahil hanggang doon ang sakit na kanyang nararamdaman. Sa ikalawang pagkakataon ay sumugal siya sa pag-ibig at muli, siya ay nabigo. Pakiramdam niya, mas matatanggap pa niya ang hapding iniwan ng pagkamatay ni Bernie dahil hindi siya sinadyang saktan nito samantalang si Ric ay pinagtaksilan siya.

NATUKLASAN NI KIM nang sumunod na mga araw na wala na siyang talagang halaga sa katipan. Ni hindi man lang nito tinangkang magpaliwanag. Mula nang mabuko niya ito ay hindi na siya pinuntahan o tinawagan. Kung paano niya nakuhang mabuhay pagkatapos niyon ay hindi niya alam. Ni hindi na niya makuhang magtrabaho dahil wala siyang konsentrasyon. Madalas, lumilipas ang buong umaga na nakatulala lang siya sa harap ng nakabukas na computer at wala siyang naisusulat doon ni isang kataga.

Dumaan ang Pasko nang hindi niya namamalayan. Nang araw na iyon ay nagkulong siya sa bahay at nagtulog. Wala siyang sinagot ni isa mang tawag sa telepono dahil wala siyang ganang makipagbatian ng 'Merry Christmas.' Nang hindi na matiis ni Kim ang lahat ay ipinasya niyang lisanin ang lungsod. Sabi ng iba, makakatulong nang malaki sa paglimot ng kasawian kung iba ang tanawin na makikita araw-araw.

Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla CalienteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon