Chapter 3

236 6 0
                                    

MAHIRAP IPAGPATULOY ANG BUHAY

Kapag ang mga pangarap ay gumuhong lahat, pero nagsumikap si Kim. Sa bawat paggising niya sa umaga, ay kanyang pinipilit ang sariling bumangon maski ang gusto niya ay magtalukbong na lang, matulog at talikdan ang katotohanang wala na si Bernie.

Sa paglipas ng mga araw, unti-unti namang nabawasan ang hapdi at pait na dulot ng pagkamatay ng kanyang nobyo. Hindi pa niya ito lubos na nakakalimutan pero hindi na kasindalas ng dati kung igupo siya ng depression.

Sa kanyang pagbangon, malaki ang naging papel ni Gene. Dati, itinuturing niya itong kaibigan dahil malapit ito kay Bernie. Ngayon ay naging kaibigan na niya ito para sa kanyang sarili—isang kaibigang maaasahan sa hirap at ginhawa.

Iyon ang iniisip ni Kim habang inaayos ang kanyang mesa bago magsimula ng trabaho. Ilang buwan na siyang nakapag-resign noon sa advertising agency at ngayon ay nagsusulat na ng mga kuwentong pambata.

Nakapikit siya, hinihikayat maglaro ang imahinasyon sa kanyang isip nang tumunog ang telepono. Ang tinig ni Gene ang bumati sa kanya.

"Naistorbo ba kita?" tanong nito.

"Hindi pa naman. Pumoporma pa lang ako para magsimula. Bakit?"

"Gusto ko kasing humingi ng tulong sa 'yo."

"Oo ba. Ikaw pa? Ano 'yon?"

"Balak kong mag-advertise. Iyong medyo professional ba ang dating. Kesa umupa pa 'ko ng kung sinu-sino, baka 'ika ko'y puwedeng i-sideline mo na lang."

"No problem. Sabihin mo lang sa 'kin ang gusto mong mangyari, pati na budget mo siyempre para maiangkop ko ang kampanyang gagawin ko."

"Hindi ka ba mahihirapan? Baka marami kang deadlines."

"Gene, kahit marami, isisingit kita. What are friends for, di ba?"

"Thank you, ha? Na-touch naman ako. Di bale, malaki naman ang bayad."

"Hoy, Mister, hindi ako nagpapabayad, ha! Ano namang akala mo sa 'kin, hindi aandar ang utak kung T.Y. ang ipinagagawa?"

"That's not what I meant and you know it. Business ito kaya professional dapat ang usapan. Basta, babayaran kita."

"Okay, I'll charge you my usual fee," ani Kim.

Kunwang nasamid si Gene nang sabihin niya rito ang halagang karaniwang ibinabayad sa kanya.

"Sige, usapang kaibigan na lang tayo ulit," anito.

"Kita mo na. Ikaw kasi, makulit."

"Ang mabuti pa'y ililibre na lang kita madalas ng hapunan," sabi nito. "Iyon na ang bayad mo."

"Kuripot!" tudyo niya at saka sila nagkatawanan.

"Seriously speaking, magkita tayo para mapag-usapan nating mabuti ang mga dapat gawin," sabi nito. "Kung puwede, pupunta ako riyan mamayang gabi. May lakad ka ba?"

"As if naman may pupuntahan ako."

"Baka 'ika ko'y may date ka. Isumpa mo pa 'ko pag na-postpone nang dahil sa 'kin."

Hindi kaagad nakakibo si Kim. Matagal-tagal na ring patay si Bernie kaya kung tutuusin ay malaya na siyang makipag-ugnayan sa iba pero parang wala siyang enthusiasm na gawin iyon. Ni hindi nga siya lumalabas na may kasamang ibang lalaki bukod kay Gene.

"Wala akong date," sagot niya kapagdaka na pilit pinasisigla ang tinig pero hindi rin niya naitago sa kausap ang lungkot sa likod niyon.

Medyo nag-alangan si Gene bago muling nagsalita. "M-maybe you should start going out. It's been over a year since—" simula nito.

Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla CalienteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon