Chapter 7

236 6 0
                                    

HABANG TUMATAGAL, dumadalang ang pagkikita nina Kim at Ric. Kapag tinatanong ng dalaga ang katipan, parating trabaho ang idinadahilan nito sa kanya.

"Gusto ko, bago tayo magpakasal ay malaking-malaki na ang bank account ko. Gusto ko rin ng engrandeng kasalan kaya dapat ay malaki ang kitain ko," sabi nito sa kanya.

Mahirap kontrahin ang ganoong pangarap kaya hinayaan na lang niya ito. Tutal ay napakalambing naman nito sa mga panahong magkasama sila. Kagaya nang isang araw na dumating ito at bigla siyang inabutan ng isang maliit na kahita.

"Para saan ito?" tanong niya.

"Wala naman. It's just my way of saying I love you. Now, open it."

Binuksan nga niya ang kahon at napamaang siya. Nakalatag sa velvet na tela ang isang gintong singsing na may malaking brilyante.

Kinuha iyon ni Ric, inabot ang kamay niya at isinuot ang singsing sa kanyang daliri. "Ayaw mo ba? Ba't hindi ka nagsasalita?" tanong nito.

"Gusto ko. Gustong-gusto!" Niyakap ni Kim nang mahigpit ang lalaki.

Nagtagpo ang kanilang mga labi. Mainit na nangusap ang mga iyon hanggang sa pabagsak silang mapahiga sa sofa.

Nag-aalab ang mga labi ni Ric. Kung saan-saan dumadako ang mga iyon. Malapit nang madarang si Kim nang basagin ang katahimikan ng kiriring ng telepono.

"Don't you dare..." babala nito na ayaw pasagot sa kanya ang tawag.

Hindi niya ito pinansin. Nagpapasalamat nga siya kung sinuman ang nasa kabilang linya dahil natauhan siya sa pagtunog ng telepono.

"Okay, puwede kang magsalita hangga't gusto mo. Hindi na ito overseas call," bungad ni Gene nang sagutin niya ang tawag.

"Bumalik ka na? Kelan pa?" hindi makapaniwala niyang tanong.

"Actually, kakapasok ko pa lang sa pinto. Kita mo naman, ikaw ang una kong tinawagan."

Hindi niya inaasahan ang pagguhit ng kakaibang kaligayahan sa kanyang puso sanhi ng sinabi ni Gene pero dagli ring naglaho iyon nang maalala ang nobya nito. "Si Clarisse, kasama mo?" tanong niya.

"Hindi. Ayaw pa niyang bumalik. Teka, may ginagawa ka ba? Nagugutom kasi ako't ayoko namang kumaing mag-isa."

"Kim, matagal pa ba 'yan?" singit ni Ric.

Malapit lang sa telepono ang katipan niya kaya narinig ni Gene ang boses nito.

"Oh, sorry, may bisita ka yata. Pasensya na kung naistorbo kita," sabi ng kaibigan.

"Don't be silly. Hindi ka nakakaistorbo," sagot niya na tahimik na pinanlisikan ng mga mata si Ric.

"Anyway, I have to go. Tatawagan na lang kita ulit. 'Bye." Kaagad na nitong ibinaba ang telepono.

Hindi maintindihan ni Gene kung bakit sumasama ang loob nito sa ideyang malamang ay nobyo ni Kim ang may-ari ng tinig na naulinigan niya. Hindi ba dapat ay matuwa pa siya para sa dalaga dahil sa wakas ay nagawa na nitong talikdan ang kahapon nito kay Bernie? Hindi ba at siya pa nga ang nag-uudyok dito noon na makipag-date?

Imbis na kumain, humilata na lang sa sofa si Gene hanggang sa roon na siya igupo ng pagod at antok.

PANIWALANG-PANIWALA SI KIM sa sinabi ni Ric na tanda ng pagmamahal nito ang singsing na ibinigay nito sa kanya. Hindi niya alam, hindi pagmamahal ang nagbunsod sa lalaking regaluhan siya ng mamahaling hiyas kundi ang sumbat ng konsyensya. Dahil nakakaramdam na ito ng panghihinawa sa kanya.

Tapos na ang challenge para kay Ric nang mapasagot ang dalaga at maging magkatipan sila. At kapag ganoong wala na itong nadaramang hamon ay unti-unti na itong nawawalan ng interes, ibinabaling ang paningin sa iba pang mundong maaaring tuklasin.

Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla CalienteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon