MATAPOS ANG MAHABANG KADILIMAN...
Paglipas ng maraming alaala ay bumalik sa pangkasalukuyan si Kim. Hirap na hirap man ay pinilit niyang imulat ang mga mata. Noon niya namalayang nakahimlay siya sa isang maliwanag na silid. Kung anu-ano ang mga instrumento na nakapaligid sa kanya.
"Miss..."
Kinakausap siya ng babaeng nakaputi at tila isang nurse pero hindi niya maintindihan ang sinasabi nito. Hindi nagtagal ay pumikit na naman siya.
"Wala pa bang dumarating na kamag-anak?" tanong ng isa pang nurse.
"Wala pa. Pero tinutunton na raw. Grabe nga, eh. Nauna pa rito 'yung taga-media. May reporter nang nag-i-interview kanina," ani Betty, ang nurse na nag-aasikaso kay Kim.
TOTOO NGANG LUMIPAD pa-America si Gene pero huli na sa balita ang babaeng nakasalubong ni Kim sa department store. Sandali lang sa Estados Unidos ang lalaki kaya nang mga sandaling ipinapaalam kay Kim ang tungkol sa pag-alis nito ay nakabalik na ito ng Pilipinas. Pagdating nga ni Gene ay tinawagan niya kaagad si Kim pero walang sumasagot sa phone nito.
Kinagabihan, nang nanonood siya ng panggabing edition ng balita ay saka lang niya nalaman kung bakit buong araw na walang tao sa bahay ng dalaga.
Nang malaman ang tungkol sa aksidenteng kinasapitan ni Kim, kulang na lang ay paliparin ni Gene ang kotse papunta sa ospital na kinaroroonan nito. Habang daan, bawat pag-uusap nila, bawat masayang sandali ng kanilang pagkakasama ay parang sine na naglalaro sa kanyang imahinasyon.
Hindi siya makapaniwalang nangyari ang ganoong sakuna sa dalaga. Parang hindi niya matanggap na maaaring hindi na niya ito makausap.
Panay ang dalangin niya, na sana ay hindi pa siya huli.
"Miss, saan ba nandoon si Kim del Mundo?" humahangos niyang tanong sa babaeng naabutan niya sa reception area ng ospital.
May pinindut-pindot na buton sa computer ang babae. "Sa ICU, Sir. Kamag-anak ba niya kayo?" tanong nito.
"O-oo," sabi na lang niya. Alam niyang hindi siya papapasukin sa kinaroroonan ni Kim kung sasabihin niya ang totoo.
"SAMPUNG
MINUTO
LANG
kayo
puwedeng manatili sa loob, ha?" sabi ni Betty. "Kumusta na siya? Nasaan ang doktor niya?" tanong ni Gene.
"Kakatapos lang siyang i-examine ni Dr. Peralta. She's still in critical condition."
Lumapit si Gene sa walang katinag-tinag na dalaga. "Hindi pa ba siya nagkakamalay mula nang idala siya rito?" tanong niya sa nurse.
"Paminsan-minsan ay may tinatawag siyang mga pangalan. Pero hindi ko gaanong maintindihan."
Baka si Ric ang hinahanap niya, naisip ni Gene. Nasaan nga ba ito? Dapat ay nandoon ito sa ospital, hindi ba?
"Mabuti nga't nalaman mong nandito siya. Hindi matunton iyong iba niyang kamag-anak," sabi ni Betty bago pa niya makuhang itanong kung may iba nang dumalaw kay Kim.
Hindi na rin siya nakasagot dahil biglang umalis ang nurse para asikasuhin ang isang pasyenteng tumunog ang monitor.
Nang mag-isa na ay hinawakan ni Gene ang isang kamay ng dalaga at inilapit ang sarili sa maputla at tila walang-buhay na mukha nito.
"Huwag kang mamamatay, Kim. Hindi ka dapat mamatay, lalung-lalo na ngayon," may garalgal sa tinig niyang bulong.
Nang mga sandaling iyon ay sising-sisi siya, pinanghihinayangan ang pagkakataong kanyang pinalagpas. Kung di sana siya tatanga-tanga, noon pa niya natiyak kung ano ang tunay na nararamdaman para rito. Noon pa sana nalaman ni Kim na mahal na mahal niya ito. Totoo nga yatang saka lang natitiyak ang halaga ng isang bagay kapag napipinto na itong mawala.
BINABASA MO ANG
Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla Caliente
RomanceBakit nga ba siya masasaktan sa balitang ikakasal na si Gene sa matagal na nitong girlfriend na si Clarisse? Iyon ang tanong ni Kim sa sarili. Hindi ba't friends silang sila ni Gene? Dinamayan lang siya nito nang mamatay sa cancer ang kanyang nobyo;...