Chapter 6

218 6 0
                                    

ISANG GABI, katatapos lang maghapunan ni Kim nang tumunog ang telepono. Nag-atubili siyang sagutin iyon dahil baka si Ric ang nasa kabilang linya. Gayunman, hindi niya matiis na hayaan lang iyong mag-ring nang mag-ring. Dinampot na lang niya iyon.

"Hi! Remember me?" ang boses sa kabilang linya.

"Gene!" Lumukso ang puso ni Kim nang marinig ang boses ng tumatawag. "Kelan ka pa dumating?"

"Actually, nandito pa 'ko sa States. Overseas 'to kaya bilisan mong magsalita't mahal ito."

Natawa siya. Masarap marinig ulit ang tinig ng palabirong lalaki. "Napatawag ka?" tanong niya.

"Wala naman. Naiinip na rin kasi ako rito."

"Gene, magtatatlong buwan ka pa lang diyan, naiinip ka na? Paano pa kung diyan ka titira?"

"Naku, ayokong isipin. Pero teka, huwag ang tungkol sa 'kin ang pag-usapan natin. Sawang-sawa na 'ko sa sarili ko. Ikaw, ano na'ng nangyayari sa iyo?"

"Ganoon pa rin. Pulos trabaho."

"Talaga?"

"My goodness! Ano pa ba'ng gagawin ko?"

"Mag-date, ano pa? Dalaga kang tao. Dapat ay lumalabas-labas ka maski paminsan-minsan."

"Well, to be honest, lumabas nga ako," pagtatapat niya.

"Talaga? Sino?" Hindi pinansin ni Gene ang di-inaasahang kurot sa puso nito sanhi ng narinig.

Ikinuwento ni Kim kung paano niya nakilala si Ric. "Pero hindi ibig sabihin niyo'y magbo-boyfriend na ako, ha? Mas gusto kong makipagkaibigan na lang muna sa mga kalalakihan. I'm not inclined to go into a serious relationship right now," pagtatapos niya.

Nang marinig iyon ay saka lang napansin ni Gene na napakahigpit pala ng pagkakahawak nito sa phone na parang naghihintay ng masamang balita. "Hindi ko naman sinabing makipagnobyo ka," pagkuwa'y sabi nito. "I just want you to have some company. Ayokong maburo ka't mabulok ang isip sa kakatrabaho. Pero alam mo? Nami-miss ko na 'yung paglabas-labas natin."

"Ako man." Madali niya iyong inamin dahil tutal ay pagkalayu-layo nito sa kanya nang oras na iyon.

Mukhang may gusto pang sabihin si Gene pero sa background ay may narinig nang tinig si Kim na nagtatanong kung sino ang kausap nito.

"Hello, Kim? Si Clarisse ito," pagkuwa'y narinig niyang bati ng babae sa kabilang linya.

Kinuha nito ang telepono nang malaman kung sino ang kausap ng nobyo. "Gosh! I wish you were here. Ang dami-dami naming pinupuntahan ni Gene. And I'm having the time of my life! Ewan ko nga lang ba dito sa mokong na ito't naho-homesick daw. But that will change in time. Dapat siyang masanay, di ba? After all, baka dito na kami manirahan for good," pasimpleng sabi ng babae. "Kumusta ka na nga pala?" tanong nito.

"M-mabuti."

"That's good. Sigurado, isang hombre ang dahilan ng kakaibang sigla ng boses mo," ani Clarisse.

"M-medyo."

"Yes! I'm glad you're starting to live again." Kung anu-ano pang kuwentong-hangin ang pinag-usapan nila.

"Oh, I have to go. May pupuntahan kaming dinner party ni Gene at ayokong ma-late. Alam mo naman dito sa America, dapat nasa oras ang dating mo. O sige, ha? 'Bye," sa wakas ay pagpapaalam ni Clarisse. Mukha ngang wala na itong balak ibalik ang telepono kay Gene kung di pa iyon ipinakiabot ng lalaki.

"O paano, mag-iingat ka na lang diyan, ha?" Iyon lang ang nakuhang sabihin ni Gene dahil hindi na umalis sa tabi nito ang katipan.

"Ikaw din. 'Bye..."

Kahit Ayaw Mo Sa Akin - Kayla CalienteTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon