Chapter 1

1.4K 19 2
                                    

HINDI mapakali si Aling Choleng habang minamasdan ang asawang si Mang Ricardo. Animo'y isa itong isdang inalis sa tubig. Panay ang singhap at todo-todo ang paghahabol ng hininga.

Napaluha siya nang matuon ang pansin sa resetang nakakuyumos sa isang kamay niya. Saang sulok ng mundo siya makakahanap ng pambili ng gamot na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libo isang bote at kakailanganin nang kung ilang bote para maitawid sa panganib ang maysakit na lalaki?

"Cardo, lakasan mo ang loob mo. Kaya mo 'yan," umupo siya sa gilid ng kama at hinaplos ang noo ng asawa. "Pupunta ako sa Hacienda Madrigal. Susubukan kong muling umutang kay Don Enrique."

Mahigpit na kinapitan ni Mang Ricardo ang braso ng asawa; umiling ito.

"Hindi maaaring huwag bilhin ang gamot mo. Ikamamatay mo kapag nagtuluy-tuloy ang impeksiyon sa iyong baga," maluha-luhang paliwanag ni Aling Choleng.

"Wala... na... tayong... ibabayad," hirap na hirap na usal ni Mang Ricardo. "Puro... utang... na... tayo."

"Ako na ang bahala roon. Pasasaan ba't makakaraos din tayo," pagpapalakas ng loob dito ni Aling Choleng.

"Si... Charisse?" Ang tinutukoy nito'y ang nag-iisang anak na nag-aaral sa Maynila. Paaral ito ng isang malayong tiyahin.

"Hindi ko muna sinabihan. Nag-e-eksamin daw ang anak natin."

Tumango-tango si Mang Ricardo. Iyon ang tanging pangarap niya, ang mapagtapos sa pag-aaral si Charisse. Dati, nairaraos nila ito kahit paano. Ngunit 'di naglao'y siningil siya ng katawang inabuso ng paninigarilyo. Nagkaroon siya ng sakit sa baga at iyon na ang simula ng pagkakalubog nila sa utang.

"Ga-graduate na rin... sa wakas... ang anak... natin."

Kahit hindi halos makahinga'y nakaramdam siya ng matinding kasiyahan. Halos limang taong natigil sa pag-aaral si Charisse magmula nang makapagtapos ito ng high school at akala nila'y 'di na ito makapagpapatuloy pa. Pero ngayon, nasa huling taon na ito ng kolehiyo.

"Ganoon na nga, Cardo. Kaya tatagan mo ang loob mo. Malapit na ang liwanag," susog ni Aling Choleng sa asawa. "Dapat ay makita mo ang pagtatapos ng ating kaisa-isang anak."

"Wala akong ibang ninanais kundi iyon. Kaya lang..."

Napapikit si Mang Ricardo at nagdadahak sa pagtatangkang palisin ang kung ano mang bumabara sa kanyang paghinga.

"Hindi ko na kaya, Choleng. Hirap na ako."

"Kaya mo 'yan," umiiyak na giit ni Aling Choleng.

Hindi nagsalita si Mang Ricardo. Sa halip ay isang pagkalakas-lakas na ungol ang pinawalan nito, kasunod ang walang patid na pagsinghap.

"Nurse! Dok! Ang asawa ko," sigaw ni Aling Choleng.

Pahangos na lumapit ang mga nurse at manggagamot.

Kailangan na natin siyang saksakan ng tubo. Hindi na niya kakayaning humingang mag-isa," hayag ng isang doktor matapos ang masinsinang pagsusuri. Pagkuwa'y tiningnan nito si Aling Choleng. Sa mga mata'y mababanaag ang pagkahabag.

Gusto man nitong tulungan ang mag-asawa'y limitado ang kakayahan nito dahil gamot ang kailangan ng pasyente. At sa pambayang ospital na iyon— kagaya ng maraming pampublikong pagamutan—ay 'di sapat ang libreng medisina para sa lahat ng maysakit na naroon.

"Diyan ka lang, Cardo. Gagawan natin 'to ng paraan." Matapos magpunas ng luha'y nagmamadaling nilisan ni Aling Choleng ang ospital.

"ABA, CHOLENG, paano ba 'yan? Uutang ka na naman, eh, wala ka pa ngang nababayaran ni isang kusing sa mga inutang mo noon sa akin. Baon na kayo sa utang. Ano pa ang ibabayad mo sa akin niyan? Wala naman kayong ari-ariang puwedeng isanla o ibenta kaya." Nagsalubong ang kilay ni Don Enrique nang malaman ang pakay ng babaeng nakipagkita sa kanya sa villa.

My Love My Hero Andro - Laurice Del RioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon