Chapter 7

506 9 1
                                    

MAHABANG kuweba ang binabagtas niya.

Pagkadilim-dilim. Ni katiting na liwanag ay wala siyang matanaw. Gayunpaman, mapayapa sa kinaroroonan niya. Walang problema, walang gulo, walang pag-aaway.

"Charisse..." Umalingawngaw ang isang tinig na tumatawag sa kanya.

Noong una'y ayaw niyang lumapit. May hatid na pangamba sa kanya ang tinig na iyon. Para bang dapat iwasan imbes na puntahan ang pinagmumulan.

"Charisse, wake up. Please, wake up."

Kasabay niyon ay nakaramdam siya ng malakas na pagyugyog sa kanya. Pagkayugyog na waring humuhugot sa kanya palabas ng mapayapang kuweba.

Galit niyang tinabig ang kamay na nakahawak sa kanya.

"Thank God." Naulinigan niya ang usal na iyon. "Doc, Doc, mukhang nagkakamalay na siya."

"Charisse, naririnig mo ba 'ko?" Isang panibagong tinig. At muli'y pagyugyog. Mas banayad ito kesa kanina. "Charisse, ibuka mo ang iyong mga mata."

Sinubukan niyang gawin ang iniuutos sa kanya gayong parang nagdikit na sa matinding antok ang kanyang mga talukap. Nang tuluyan siyang makamulat ay mukha ni Andro ang kanyang nabungaran. Napakunot siya. Pag-aalala ba ang nababakas niya sa anyo nito? Pag-aalala para sa kanya? Imposible!

"Nasaan... ako?" namamaos ang tinig niyang tanong.

"Sa ospital."

"Ospital?" Nagulat si Charisse at nagtangkang bumangon.

Maingat, ngunit matatag na mga kamay ang nagdiin sa kanya pabalik sa kinahihigaan.

"Calm down," susog ni Andro. "You were in an accident, pero okay ka na."

"Paano ako... A-ano'ng nangyari..."

"Mamaya ka na mag-usisa," sumabad ang isang lalaki na sa tingin ni Charisse ay isang doktor. "Kailangan lang kitang masuri."

Inilawan nito ang kanyang mga mata.

Pinasunod ng paningin niya ang isang daliring iniikot-ikot nito.

"Kumusta ang lagay niya, Dok?" Si Andro.

Napakunot na naman si Charisse. Bakit maski sa tinig ng lalaki'y may nahihimigan siyang matinding pag-aalala?

"Mukhang mabuti naman, Mr. Madrigal. Malamang ay superficial lang ang sugat sa ulo niya't hindi naman nagtamo ng pinsala ang kanyang utak. Pero hindi natin iyon matitiyak kundi siya masusuring maigi," sagot ni Dr. Perez.

"Gawin n'yo ang kinakailangan," hayag ni Andro.

"Alam n'yo naman siguro, Mr. Madrigal... l-limitado ang pasilidad ng ospital na ito."

"Ano'ng ibig n'yong sabihin, Dok?"

"Gagawin namin siyempre ang aming makakaya ngunit kung... kung nais n'yo ng mas masusing pagsusuri, mas makabubuting dalhin n'yo na siya sa Maynila," bantulot na mungkahi ni Dr. Perez.

"Ligtas ba sa kanya ang magbiyahe?"

"Bukas natin malalaman. Sa ngayon ay oobserbahan muna natin siya."

"A-Andro," tawag ni Charisse.

Maagap na lumapit ang lalaki, hinawakan pa ang isang kamay niya. Mahigpit.

"Si... Inay..."

Saglit na natigilan si Andro.

Waring nagtatanong ang mga mata nito kung sino ang inang tinutukoy ni Charisse.

"Ako na ang bahalang magpasabi sa kanya. Sa ngayon ay magpahinga ka na muna," sinabi na lang nito para marahil ay kalmahin siya.

"Salamat..."

My Love My Hero Andro - Laurice Del RioTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon