Chapter XIX: Putting Everything in Order (Part 2)
Dumaan ang mga araw at linggo sa bagong santuwaryo ng New Order. Nanatiling abala ang mga miyembro sa pag-aayos ng kanilang bagong teritoryo. Araw-gabi silang nagtatrabaho, at dahil sila ay mga adventurer na nagtataglay ng mataas na antas at ranggo, wala na sa kanilang bokabularyo ang magpahinga. Ipinagpatuloy lang ng mga panday at ng mga karaniwang miyembro ang pagbuo sa mga imprastraktura habang ang mga formation master, kasama ang anim na soul puppet ni Finn ay pinagtutulong-tulungan na ang pagtatatag ng malaking Reflecting Barrier Formation na poprotekta sa buong planeta.
Isang mataas na kalidad ng defensive formation ang kanilang itatayo, pero hindi iyon naging problema kina Augustus dahil ang anim na soul puppet ni Finn na mga formation master din ay ang gumawa ng Reflecting Barrier Formation sa dati nilang santuwaryo. Mahuhusay na formation master ang mga ito dahil sila ay mga formation master ng Beast God kaya sila rin ang inatasan ni Finn na manguna sa pagtatatag ng Reflecting Barrier Formation sa kanilang bagong santuwaryo.
Tungkol kina Augustus, sila ang tumatayong katulong ng anim na soul puppet at dahil na rin sa pakikiisa ni Ceerae kaya mas lalong naging madali at mabilis ang pagtatatag nila sa Reflecting Barrier Formation.
Nang matapos ng mga formation master ang Reflecting Barrier Formation, at matapos masiguro ni Finn na ang buong planeta ay protektado na ng matibay na barrier, binuksan niyang muli ang Myriad World Mirror at pumasok siya sa loob.
Nagtagal siya ng ilang minuto sa loob, at noong lumabas siya, napansin ng mga miyembro ng New Order na mayroong lumulutang na pamilyar na munting tore sa palad niya.
Agad na nagliwanag ang ekspresyon ng mga miyembro ng New Order. Mabilis nilang naunawaan ang pinaplano ng kanilang pinuno, at natuwa sila ng sobra dahil akala ng mga pangkaraniwang miyembro, ang Tower of Ascension ay mananatili na lang sa loob ng Myriad World Mirror.
Hinahangad pa rin nilang makapasok muli sa toreng ito dahil para sa kanila, ang Tower of Ascension ang pinakamagandang lugar na maaari nilang pagsanayan dahil bukod sa iba't ibang pagsubok na mayroon sa iba't ibang palapag nito, hindi sila mamamatay sa loob nito at mabagal din ang takbo ng oras dito.
Perpektong-perpekto ang lugar na ito para sa mga matitinding pagsasanay kung saan nalalagay sa kapahamakan ang kanilang buhay.
Makaraan ang ilan pang sandali, pagkatapos maitayo ang Tower of Ascension, agad na ipinatawag ni Finn sina Eaton, Orwell, at ang mga bise kapitan ng espesyal na dibisyon. Mabilis na tumugon ang mga ito sa kaniyang pagtawag. Lumapit kaagad sila sa kaniya para alamin kung ano ang ipag-uutos niya.
“Hindi pa tapos ang pag-aayos sa ating santuwaryo. Marami pang kailangang ayusin dito, pero protektado na ito ng Reflecting Barrier Formation kaya maaari na nating gawin kung ano ang mga kailangan nating gawin,” sabi ni Finn habang pinapasadahan niya ng tingin sina Eaton, Orwell, Kaimbe, Imre, at Melech. Bahagya siyang tumango sa mga ito at nagpatuloy, “Sa puntong ito, oras na upang simulan ang plano para sa mga bagong water celestial. Kakailanganin ko ang tulong ng mga dati ng miyembro ng espesyal na dibisyon para gabayan ang mga bagong water celestial na makontrol ang kanilang Celestial Wrath. Gusto kong papasukin ninyo silang lahat sa Tower of Ascension at dalhin n'yo sila sa ikalimampung palapag. Hatiin ninyo sila sa mga grupo para mas mapadali ang paggabay sa kanila.”
“Sisimulan ko na rin ang pagtuturo ng mga bagong water celestial skill sa inyo. Kayong labinlima ulit ang tuturuan ko at kagaya ng dati, hahatiin ko kayo sa ilang grupo para maituon ninyo ang inyong atensyon sa pag-aaral sa sunod na tatlong water celestial skill na ituturo ko. Bukod pa roon, makakasama n'yo rin ang mga tauhang pipiliin ni Ina para matuto sa akin,” paliwanag niya pa.
“Pero, sino ang magbabantay sa ating teritoryo, Panginoong Finn?” tanong ni Kaimbe. “Si Heneral Eaton at ang aming dibisyon ang pinakamalakas na hukbo sa buong New Order. Kung mawawala kami, walang maiiwan dito para protektahan ang ating teritoryo, ang iyong mundo, Panginoong Finn.”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)
FantasySynopsis: Kinilala na ang ikalabintatlong emperador, at iyon ay walang iba kung hindi si Finn. Siya ang pinili ng kalangitan na magtaglay ng espesyal na kapangyarihan at titulo dahil napagtagumpayan niya ang huling hamon ng Land of Origins na taluni...