Chapter LVI

5.4K 841 49
                                    

Chapter LVI: Was Captivated

Pagkatapos ng paksa tungkol kina Eon, Leonel, at Loen, tumayo na si Draeus kaya agad ding tumayo si Finn. Tinitigan ni Draeus si Finn. Ibinuka niya ang kaniyang bibig at sinabing, “Nasabi ko na ang lahat ng kailangan kong sabihin sa iyo kaya hindi ko na sasayangin ang oras mo. Alam kong mayroon ka pa ring mga kailangang gawin dahil marami ang daragsa sa iyong teritoryo. Ang tanging pakiusap ko lang sa iyo, sana ay huwag makalalabas ang napag-usapan natin sa silid na ito. Hinihiling ko na panatilihin mong sikreto ang sikreto ko dahil ayaw kong maging puntirya ako ng iba na maaaring magdulot ng pagkasawi ng aking mga tauhan.”

Agad na tumango-tango si Finn. Inilagay niya pa sa kaniyang dibdib ang kaniyang kamay at marahan siyang tumugon. “Nangangako ako na hindi malalaman ng kahit na sino mula sa akin ang tungkol sa iyong sikreto. Pangangalagaan ko iyon at hindi ko sasayangin ang tiwalang ibinigay mo sa akin. Kung hindi ko gagawin ang ipinangako kong ito sa anomang hugis o porma, hahayaan ko ang kalangitan na ipataw sa akin ang pinakamabigat na parusa niya.”

Napatitig na lang si Draeus dahil sa ginawang panunumpa ni Finn sa kalangitan, ganoon man, matamis siyang ngumiti at marahang tumango.

“Dahil sa ginawa mo ay panatag na ako,” aniya at para bang nakahinga na siya ng maluwag. “Hm. Padadalahan na lang kita ng mensahe kapag magdaragdag na ako ng mga tauhan na maglilibot sa iba't ibang upper realm para maghanap ng bakas ng mga diyablo. Ipapaalam ko rin agad sa iyo kapag natanggap ko na ang tugon ng mga magkukumpirma na sasali sa ating bubuoing alyansa,” aniya pa.

Inilabas na ni Finn ang teleportation stone pabalik sa santuwaryo. Binigyan niya muna ng matamis na ngiti si Draeus at pagkatapos, muli siyang tumango at marahang nagwika. “Hihintayin ko na lang ang iyong mga mensahe patungkol diyan. Sana ay nakinig sila sa mga sinabi mo, at sana ay ikinonsidera nilang mabuti ang pagsali sa ating bubuoing alyansa. Gano'n man, anoman ang mangyari, sumali man sila o hindi, ay itutuloy pa rin natin ang alyansang makikidigma sa mga diyablo.”

“Natural lang iyon,” simpleng tugon ni Draeus.

Huminga si Finn. Ngumiti siyang muli may Draeus at matapos niyang durugin sa kaniyang kamay ang teleportation stone, marahan pa siyang nagsalita.

“Paalam na muna sa ngayon, Draeus,” aniya habang unti-unting hinihigop ng kung anong kapangyarihan ang katawan niya.

Sa pag-alis ni Finn, naiwan na lang na mag-isa si Draeus sa silid. At kahit na nag-iisa na siya roon, hindi pa siya umalis; bagkus, muli siyang umupo sa sahig habang mahahalata sa kaniyang mga mata ang malalim na pag-iisip.

“Sana lang talaga ay tama ang desisyon kong ito... Sana ay siya na talaga ang makapagsasalba sa sanlibutan mula sa mga diyablo,” pabulong na sabi ni Draeus habang nakatulala siya sa kawalan.

--

Pagkalapag sa kanilang sinasakyan, mabilis na humakbang sina Aneira at Leora patungo sa pasukan papasok sa loob ng air ship.

“Ang Zelruer na iyon!” ani Aneira matapos niyang hampasin ang dingding.

Hindi niya mapigilan ang kaniyang matinding panggigigil kaya pagkapasok na pagkapasok niya sa loob ng air ship, agad niya itong nagawa. Nagngingitngit ang kaniyang mga ngipin. Mahigpit ang pagkakakuyom niya sa kaniyang kamao at matindi ang panlilisik ng kaniyang mga mata.

Nagkibit-balikat na lamang si Leora. Pilit siyang ngumiti at malumanay na sinabing, “Natural na sa baliw na lalaking iyon ang ganoong gawain. Hindi na rin nakapagtataka na ganoon ang ginawa niya. Iyon pala ang dahilan kaya siya nagpaiwan. Akala ko ay binabalak niya ring atakihin si Tiffanya Frois para makipag-agawan ng divine artifact, pero kabaligtaran noon ang nangyari—nagpaiwan siya dahil plano niyang protektahan at tulungan si Tiffanya Frois. Hayagan pang inalok ng lalaking iyon na maging katuwang si Tiffanya Frois.”

Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon