Chapter LXXV

5.3K 832 63
                                    

Chapter LXXV: Confrontation

Pagkatapos mapagtanto kung ano ang binabalak ng Alchemy God's Army, agad na nagdilim ang ekspresyon ni Zenshin. Nagngitngit ang kaniyang mga ngipin at naglabas ng kakila-kilabot na aura ang kanilang katawan.

“Pangahas sila para umalis nang hindi nagpapaalam! Talagang iniwan nila ako rito para haraping mag-isa si Finn Silva habang sila, magtutungo sila sa kinaroroonan ng hukbo ng New Order!” gigil na sambit ni Zenshin.

Hindi alam ni Zinc kung magsasalita siya dahil ramdam niya ang matinding galit ni Zenshin, ganoon man, sa huli ay napagdesisyunan niya na ring ihayag ang kaniyang naiisip.

“Marahil natuklasan na nila ang sikreto ni Finn Silva—kung bakit siya nabubuhay sa kabila ng matagumpay nating pagkakapatay sa kanila. Siguro ay nasa hukbo ng New Order ang sagot kaya patungo sila roon upang alamin ang katotohanan, kamahalan,” magalang na sambit ni Zinc.

Alerto pa rin siyang nakatingin kay Finn. Binabantayan niya kung bigla na lang itong aatake, subalit nananatili itong nakatayo lang habang nakangiti sa kanila. Hindi siya nangangambang baka marinig sila nito dahil ang kanilang kinaroroonan ay nababalutan ng Sound Concealing Skill.

“Sikreto ni Finn Silva..? Sinasabi mo bang alam na nila ang sikreto ni Finn Silva?!” bulalas ni Zenshin at halatang-halata ang gulat sa kaniyang ekspresyon.

Agad na umiling si Zinc. Ibinuka niyang muli ang kaniyang bibig at sinabing, “Hinala lang ito, kamahalan. Hindi pa ako sigurado dahil hindi ko aktuwal na narinig ang kanilang usapan. Gayunman, iyon lang ang maaaring maging paliwanag kung bakit bigla na lamang silang umalis at dali-daling nagtungo sa direksyon kung saan natin natagpuan ang mga air ship ng New Order.”

Tumahimik sandali si Zenshin. Naningkit ang kaniyang mga mata at makaraan ang ilang sandali, itinuon niya ang tingin niya kay Finn.

“Pero, walang nakararating na ulat sa akin na mayroong kakaibang aktibidad sa mga air ship ng New Order. Ibig sabihin, dalawa lang ito...” nanlamig ang ekspresyon ni Zenshin. Humigpit ang pagkakahawak niya sa Demonic Kampilan at malumanay niyang sinabing, “Alinman sa wala talagang nangyayaring kung ano sa panig ng New Order o kaya naman ay... wala na ang tauhang inatasan ko na magmanman.”

“Ano na ang gagawin natin, kamahalan? Patuloy ba nating lalabanan si Finn Silva?” taimtim na ekspresyong tanong ni Zinc.

Suminghal si Zenshin. Bakas ang matinding galit sa kaniyang mga mata noong tumugon siya.

“Hangal sila kung mauutakan nila ako. Kung sila nga ang makakaalam ng sikreto ni Finn Silva, magkakaroon sila ng pagkakataon para makuha ang mga divine artifact niya gayundin ang divine artifact ng mga tauhan niya. Pero...” umismid siya. Naging makahulugan ang kaniyang ngiti at marahan siyang nagwika, “Sa kasalukuyang kondisyon ng kanilang hukbo, mahihirapan sila na kalabanin ang mga miyembro ng New Order. Wala na sa kanila ang nasa ayos. Lahat sila ay nanghihina na at sa rami ng kakalabanin nila, sila ay nakatadhana nang matalo.”

“Sa kabila noon, hindi ko sila maaaring hayaan na lang na mamatay. Kailangan ko pa sila. Mapakikinabangan ko sila para matalo ng tuluyan si Finn Silva at ang New Order at para makuha ang divine artifact na pag-aari ng mga ito.”

Agad na naunawaan ni Zinc at ng iba pa ang binabalak ni Zenshin. Wala na sa kanila ang nagsalita. Ipinaubaya na lang nila sa kanilang kamahalan ang mga susunod na mangyayari dahil ang Sound Concealing Skill na bumabalot sa kanila ay naglaho na.

“Finn, hahayaan mo na lang ba ang mga tauhan ni Zenshin na makapunta sa kinaroroonan ng iyong hukbo?” makahulugang sambit ni Zenshin habang malapad siyang nakangiti.

Ngumiti rin si Finn. Binitawan niya ang God-eater Sword at hinayaan niya itong lumutang sa tabi niya. Pinagkrus niya ang kaniyang mga braso sa kaniyang dibdib at mahinahon niyang sinabing, “Alam ko na 'yan bago mo pa iyan malaman. Patungo sila sa kinaroroonan ng aking hukbo, ganoon man, ano naman?”

Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon