Chapter XXIII: Plotting
“Sigurado ka na bang gusto mong salungatin si Draeus? Malinaw na ba sa iyo kung ano ang magiging kapalit ng pagkalaban mo sa kaniya?” tanong ni Zenshin matapos niyang maibaba ang kaniyang tasa sa lamesa. Binigyan niya ng makahulugang tingin si Zyfrin. Bahagya siyang ngumiti at malumanay na nagpatuloy. “Makikita ka ng iba bilang masama, at hindi iyon maganda para sa iyong imahe, Alchemy God Zyfrin.”
Sa kasalukuyan, sina Zyfrin at Zenshin, ang Demonic Sword Emperor, ay nagkakaroon ng pagpupulong patungkol sa isang bagay. Nag-uusap sila ngayon para sa isang kasunduan na iminumungkahi ni Zyfrin.
At kung ano ang kasunduan na ito? Siyempre iyon ay walang iba kung hindi ang paghingi sa tulong ni Zenshin para labanan si Finn.
“Hmph! Hindi mangyayari iyon, Zenshin. Hindi madudungisan ni Draeus ang reputasyon ko dahil lang magkasalungat ang aming pananaw at ipinaglalaban. Mayroon siyang pinanigan sa pagkakataong ito. Ang kaniyang imahe ang madudungisan dahil bilang indibidwal na mayroong malaking pagpapahalaga sa hustisya, hindi siya dapat pumanig kay Finn Silva,” malamig na sambit ni Zyfrin. Muli siyang suminghal at sinabing, “Isa pa, hindi nagkakalayo ang impluwensya naming dalawa, at kung may kakampihan man ang karamihan sa mga taga-divine realm, siguradong ako iyon dahil alam nila na mas magbebenepisyo sila sa akin kaysa kay Draeus.”
Tumawa si Zenshin matapos marinig ang naging tugon ni Zyfrin. Umarko ang kaniyang mga labi at pumorma ito sa isang makahulugang ngiti. Tinipa-tipa niya ang ibabaw ng lamesa gamit ang kaniyang mga daliri ata pagkatapos, marahan siyang nagwika, “Talagang handa kang sumugal sa pagkakataong ito para lamang mapatay si Finn Silva. Dahil ba natatakot ka sa kaniyang blue-green alchemy flame? Nangangamba ka bang baka palitan ka niya kaya gusto mo siyang mapatay sa lalong madaling panahon? O dahil sa mga pag-aari niyang divine artifact? Nararamdaman ko ang desperasyon sa iyo. Higit pa roon...”
“..dahil ba kay Firuzeh, sa alchemy god na pinalitan mo, ha, Alchemy God Zyfrin? Marahil hahayaan ka ng iba na itago iyon, pero ako ay hindi. Alam kong kaya madaling-madali ka na salakayin ang teritoryo ni Finn Silva ay dahil na rin kay Firuzeh. Gusto mong makuha ang mga manwal na nasa kaniya—lalong-lalo na ang manwal na tungkol sa pag-e-eksperimento niya sa mga diyablo. Iyon ang rason kaya gusto mong makipagkasundo sa akin, tama ba?” dagdag niya at mas lalo pang naging makahulugan ang tingin niya.
Naging tensyonado si Zyfrin. Hindi niya magawang makatingin ng deretso kay Zenshin, at sa totoo lang, kanina pa siya alerto dahil nangangamba siyang baka bigla na lamang siyang atakihin nito. Wala silang kasaysayang dalawa. Hindi sila maituturing na magkaibigan o magkakampi, at ang mga nakaraan nilang negosasyon ay purong negosyo lamang.
At ngayon, sinusubukan niyang makipagkasundo ulit dito dahil wala na siyang pagpipilian.
Alam niyang mapanganib ang makipagnegosasyon sa kahit na sinoman sa mga emperador o imperatris dahil hindi niya alam kung sino sa mga ito ang kaniyang kakampi. Sobra-sobra ang pagpapahalaga niya sa kaniyang buhay, ganoon man, pinanghahawakan niya pa rin ang kaniyang espesyal na pagkatao kaya tiwala siya na hangga't malawak ang kaniyang impluwensya, walang gagawin ang mga ito laban sa kaniya.
Sa kabila ng pangambang kaniyang nararamdaman, pinilit niyang ipakita ang kaniyang katapangan. Malapad siyang ngumiti at sinabing, “Tama ang lahat ng iyong mga sinabi. Ang aking puntirya nga talaga bukod kay Finn Silva ay si Firuzeh, ang ikaapat na alchemy god. Mayroon akong gustong makuha mula sa kaniya... sigurado akong nasa kaniya pa ang manwal na iyon dahil sobra-sobra ang pagpapahalaga niya roon. Kailangan ko iyon sa aking mga eksperimentong isinasagawa kaya kailangan ko na mahuli n'yo siya para sa akin.”
“Ngayong sinabi ko na sa iyo ang totoong rason ko, ano ang sagot mo, Zenshin? Tutulungan mo ba ako?” seryosong tanong niya.
Hinimas-himas ni Zenshin ang kaniyang baba. Binigyan niya ng makahulugang tingin si Zyfrin at marahan siyang nagwika, “Ano ang sagot ng iba? Isa pa, bakit ako lang ang naririto ngayon para makipagkasundo sa iyo?”
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)
FantasySynopsis: Kinilala na ang ikalabintatlong emperador, at iyon ay walang iba kung hindi si Finn. Siya ang pinili ng kalangitan na magtaglay ng espesyal na kapangyarihan at titulo dahil napagtagumpayan niya ang huling hamon ng Land of Origins na taluni...