Chapter CXXVII: Assured
Siyempre, gagawin niya ang kaniyang makakaya para pigilan si Kardris na makakain ng Fruit of Life. Kailangan niya itong pigilan upang hindi bumalik ang kondisyon nito sa isang daang porsyento. Mas lalong tatagal ang kanilang laban kapag nanumbalik ang lakas nito, ganoon man, alam niya rin na napakahirap ng kaniyang gustong mangyari dahil sa iba't ibang rason.
Hindi niya basta-basta mapipigilan si Kardris lalo na't malakas ito. Hindi nagkakalayo ang lakas nilang dalawa. Marami rin itong paraan para makakain ng Fruit of Life kapag talagang ginusto nito.
Isa pa, ang isang desperadong nilalang ay kayang-kayang makalikha ng distansya kapag kailangang-kailangan niya. Maaari siyang magsakripisyo para sa distansyang kailangan niya. Isang magandang halimbawa na riyan ang paggamit ni Kardris sa Book of All Souls kapag wala na siyang kakayahan na lumaban. Marami siyang kayang kontrolin na kaluluwa dahil sa kaniyang divine artifact, at dahil malalakas din ang mga kaluluwang ito, kayang-kayang abalahin ng mga ito si Finn kapag ginusto na niyang kumain ng Fruit of Life.
Kaya kinokondisyon na rin ni Finn ang kaniyang isip na ang iniiwasan niyang mangyari ay malaki ang posibilidad na mangyari. Pero siyempre, gagawa pa rin siya ng paraan para ito ay mapigilan. Susubukan niya pa rin na agawin ang ilalabas nitong Fruit of Life dahil malaking bagay kung magtatagumpay siya.
At kung hindi man siya magtagumpay, hindi rin iyon problema sa kaniya dahil mayroon din siyang Fruit of Life na maaaring kainin kapag kailangan niyang ibalik sa isang daang porsyento ang kaniyang kondisyon. At kung sakaling pigilan siya nito, mayroon siyang clone na maaasahan.
Ngayon, ang mangyayaring labanan sa pagitan nila ay kung sino ang tatagal, at kung sino ang mas maraming pag-aaring Fruit of Life.
Bukod pa roon, taglay ni Finn ang Myriad World Mirror na kayang ibalik sa isang daang porsyento ang kaniyang kondisyon kapag nalagay sa bingit ng kamatayan ang kaniyang buhay. Ang kailangan lang ay masiguro na mauunang kumilos ang Myriad World Mirror bago si Kardris dahil kapag ito ang nauna, siguradong katapusan niya na.
Sa kasalukuyan, naibibigay na ni Finn ang buo niyang konsentrasyon sa laban nila ni Kardris. Kumpara kanina, ngayon ay wala na siyang masyadong inaalala. Panatag na ang kaniyang kalooban. Hindi na rin siya nangangamba dahil sa kasalukuyan, ang nasa panig niya ang nakalalamang sa digmaan.
Nililibot ng kaniyang clone ang buong planeta kaya alam niya rin kung ano ang kasalukuyang nangyayari sa digmaan. Saksi siya sa mga kaganapan, at sa kaniyang husga, palaki na nang palaki ang kanilang kalamangan dahil bukod sa nananalo ang malalakas sa kanila laban sa malalakas na tauhan ni Kardris, maging ang mga pangkaraniwang miyembro o mahihina sa kanilang panig ay nakalalamang na rin.
At ito ay salamat sa tulong na ibinibigay ng hukbo ni Draeus. Dahil sa pagsaklolo ng mga ito kaya unti-unting nagkakaroon ng kalamangan ang nasa panig ng New Order laban sa panig ni Kardris.
Oo, may mga namamatay sa kanilang panig, subalit hindi nababalewala ang pagkamatay ng mga ito dahil unti-unti na nilang nakikita ang tagumpay. Noong una, akala ng mga pangkaraniwang miyembro ay napaka-imposible na magwagi sila sa digmaang ito, na pagpapatiwakal ang ginawang paglulunsad ng digmaan ni Finn laban kay Kardris.
Marahil nagtitiwala sila sa kanilang pinuno—kay Finn—subalit, pakiramdam nila, wala talaga silang pag-asa dahil masyadong malakas ang hukbo ni Kardris. Balanse ang mga tauhan nito habang sa kanila, napakarami pang mahihina dahil ang karamihan sa kanila ay kakasali lang sa New Order.
Pero ngayon, ang kanilang pangamba ay wala na. Malaki na ang pag-asa na sila ay manalo, at dahil iyon sa kanilang pinuno.
Tama, iniisip ng mga miyembro at ka-alyado ng New Order na si Finn pa rin ang dahilan kung bakit sila tinutulungan ng hukbo ni Draeus. Wala silang nakikitang dahilan kung hindi ito, at iyon din ang katotohanan dahil kaya lang nagdesisyon si Draeus na talikuran ang kaniyang pinaninindigan na wala siyang papanigan ay dahil gusto niyang masiguro na hindi mapapatay ni Kardris si Finn sa digmaan.
BINABASA MO ANG
Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)
FantasySynopsis: Kinilala na ang ikalabintatlong emperador, at iyon ay walang iba kung hindi si Finn. Siya ang pinili ng kalangitan na magtaglay ng espesyal na kapangyarihan at titulo dahil napagtagumpayan niya ang huling hamon ng Land of Origins na taluni...