Chapter XLVIII

4.9K 900 57
                                    

Chapter XLVIII: Gathering of the Strongest (Part 2)

Hindi na napigilan ni Kailani ang kaniyang sarili. Humakbang na siya pauna at hinarap niya si Felleria. Mas tumalim pa ang kaniyang tingin, pero kahit na naiinis siya, pinigilan niya pa rin ang kaniyang sarili na maglabas ng aura dahil anoman ang mangyari, nasa Divine Sanctuary sila at ang paglalabas ng aura o paggamit ng kapangyarihan dito ay hindi magandang hakbang.

“Umatras ka. Hindi ako natutuwa sa tono ng pananalita mo habang kinakausap mo ang anak ko.” malamig na sambit ni Kailani. “Kung ayaw mong magkagulo tayo pagkatapos ng pagtitipon dito, tigilan mo ang anak ko dahil sa pagkakaalala ko, wala akong nababalitan na may nangyaring masama sa iyong teritoryo dahil lang sa simpleng pagdaan niya roon para marating ang teritoryo ni Zyfrin.”

Agad na napasimangot si Felleria dahil kay Kailani. Gusto niyang mainis dito, subalit alam niyang hindi ito tatablan ng inis niya kaya mas pinili niya na lang na huminahon. Kilalang-kilala niya ito bilang isang hindi makabuluhang imperatris, at kapag sinabi nito na magkakagulo, magkakagulo talaga dahil palagi nitong pinatototohanan ang lahat ng sinasabi niya.

‘Masyadong malala ang pagprotekta ni Kailani kay Finn Silva... Pero, hindi ko pa rin susukuan ang pinaplano ko,’ sa isip ni Felleria.

“Kailani, alam kong anak mo siya. Alam na iyon ng buong divine realm kaya hindi mo na kailangang ipagdiinan iyon sa akin. Hindi rin ako interesado sa gulong sinasabi mo dahil wala akong mapapala sa pakikipaggirian ko sa iyo. Gusto ko lang makausap si Finn Silva dahil malaki ang epekto sa akin ng ginawa niya,” seryosong sabi ni Felleria. “At kung inaakala ninyo na patungkol sa mga teritoryo ko ang tinutukoy kong problema, nagkakamali kayo dahil ang tinutukoy kong problema ay si Zyfrin.”

Matapos marinig ang palitan ng mga salita, nagdesisyon na si Draeus na pumagitna. Humakbang din siya pauna at malumanay na sinabing, “Kailani, subukan mong huminahon din muna. Pakinggan muna natin ang sasabihin ni Felleria dahil anoman ang mangyari, may mali rin si Finn dahil dumaan siya sa teritoryo niya nang wala ang kaniyang pahintulot.”

Huminga ng malalim si Finn. Binalingan niya ng tingin si Kailani at bahagya siyang ngumiti. “Ina, ako na ang bahalang umayos nito. Magtiwala ka na lang sa akin.”

Pinagkrus ni Kailani sa kaniyang dibdib ang kaniyang mga braso at nakasimangot siyang tumingin sa ibang direksyon. Ganoon man, hindi na siya nagsalita pa. Umatras na rin siya at hinayaan niya na lang na makipag-usap si Finn kay Felleria.

Ibinaling na ni Finn ang kaniyang tingin kay Felleria. Sumeryoso ang kaniyang ekspresyon. Huminga muna siya at mahinahong nagtanong, “Ano'ng ibig mong sabihin na si Zyfrin ang iyong problema? Paanong nagkaroon ng kaugnayan sa akin ang problema mo kay Zyfrin?”

Nagtataka rin ang iba sa mga sinabi ni Felleria. Hindi nila lubos na maunawaan kung ano ang ibig nitong sabihin. Naguguluhan din sila kung ano ang koneksyon ng problema nito kay Zyfrin kay Finn.

Mas lalong lumaki ang simangot ni Felleria. Agad niyang ibinuka ang bibig niya at nagsimula siyang magpaliwanag. “Siyempre mayroon iyong koneksyon sa iyo! Lingid sa kaalaman ninyong lahat, nagpadala si Zyfrin ng mga tauhan sa aking teritoryo at humingi siya ng paliwanag mula sa akin. Dahil sa ginawa mong pagdaan sa aking teritoryo, pinagbibintangan niya ako na nakikipagsabwatan sa iyo. Pinaratangan niya ako at pinagbantaan, at dahil sa matinding galit ko, lahat ng tauhan niya ay pinaslang ko mismo sa lugar na kanilang kinatatayuan.”

“Ano'ng karapatan nila na ako ay pagbintangan sa isang bagay na wala akong kaalam-alam?! Pero dahil sa aking ginawa, nagpadala ng mensahero si Zyfrin at sinabi niyang pagbabayaran ko ang aking ginawa. Marahil wala pa siyang balak na isapubliko ang galit niya sa akin dahil sa kasalukuyang girian sa pagitan ninyo. Sa ngayon, nakikita niya ako bilang kaaway, at sa totoo lang, wala akong pakialam sa mga bagay na ito. Subalit, ang pagpapahinto niya sa aming mga negosasyon sa hinaharap ay malaking problema sa aking hukbong pinamumunuan.”

Legend of Divine God (Vol 16: The Thirteenth Emperor)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon