"KUYA! Huwag po ninyong dalhin ang kuya ko!" umiiyak na pakiusap ni Lyda sa mga pulis na humuli sa kanyang kapatid.
"Bitawan n'yo 'ko!" Nagpupumiglas si Ruben sa pagkakahawak ng mga pulis.
"Ang anak ko, maawa kayo!" panangis ng kanilang ina.
"Misis, suspect ho ang anak n'yo sa kasong pagnanakaw at kailangan po siyang maimbestigahan," anang pulis na naglagay ng posas sa kamay ng Kuya Ruben niya.
"H-hindi magnanakaw ang anak ko!" hiyaw ng nanay niya na yumakap sa kuya niya.
"Pakawalan n'yo siya!"
"Pasensiya na ho, Misis. Pero siya ang itinurong pumasok sa bahay nina Donya Ana Violago kagabi."
"Hindi magnanakaw ang kuya ko!" sigaw niya.
"Isakay na siya," utos ng pulis.
"Wala akong kasalanan!" sigaw ng Kuya Ruben niya.
"Anak!" Umiiyak ang nanay niya. Halos lahat ng kapitbahay nila ay naroroon at nakikiusyoso sa nangyayari sa kanila.
"Inaayy! Tulungan mo akoo!" sigaw ni Ruben na nagpupumiglas nang sapilitang isakay ng mga pulis.
"Huwag n'yong dalhin ang anak ko! Parang awa n'yo na!"
"Inaayy! Wala akong kasalanan! Inaaay!"
"Anaakk...!"
Lumapit si Lyda sa ina at niyakap ito. "Tama na ho, Inay..." umiiyak niyang sabi habang palayo na ang sasakyan ng mga pulis.
"Lyda, ang kuya mo..."
"Inay..."
"Hindi magnanakaw ang kuya mo. Ruben... anak ko!" walang tigil sa pag-iyak na sabi ng matanda. "Rub—" Napahawak sa tapat ng dibdib ang nanay niya. At unti-unti na itong bumagsak na tila kandilang nauupos.
"Inay?" Natigilan siya na inalalayan ang inang nawalan ng malay. "Inayy! Tulungan n'yo ako!"
"Dalhin natin ang nanay ko sa ospital!" sigaw niya sa mga kapitbahay na nagsilapit naman upang tulungan siyang isugod ang ina sa pagamutan.
BINABASA MO ANG
Mahal Kita, Kahit Hindi Dapat - Jennie Roxas
RomanceNamatay ang nanay ni Lyda nang ipakulong ni Donya Ana Violago ang kapatid niya. Bukod doon ay kinamkam nito ang lupa nila. Pagkalipas ng maraming taon, nagbalik si Lyda Enriquez, may kakayahan upang bawiin ang lupang kinamkam at upang ibagsak si Don...