"ANO ANG nangyayari sa iyo, Lyda?" bungad nito na may galit sa tinig. "You didn't even bother to call me. At halos araw-araw kitang pinupuntahan sa shop mo. Pero lagi kang wala. Pinagtataguan mo ba ako?"
Hindi niya alam kung ano ang isasagot. Lumapit sa kanya si Ross at hinawakan siya sa mga balikat.
"May problema ba? Bakit mo ako iniiwasan?" tanong nitong muli.
Marahan siyang tumawa upang mabawasan ang kaba. "Ross, h-hindi kita pinagtataguan. Bakit ko naman gagawin iyon? Busy lang ako. And besides, gusto ko na may sagot na ako sa iyo sa pagkikita nating muli," pagsisinungaling niya.
"Sweetheart—" Bumaba na ang boses ni Ross. "I'm sorry. Nami-miss na kasi kita." Niyakap siya nito.
Gumanti siya rito ng yakap. Sa ilang araw na pinagtataguan niya ito ay hindi maikakailang ganoon na lamang ang pangungulila niya sa lalaki.
"I'm sorry, too," aniya nang maghiwalay ang mga katawan nila na sabik sa isa't isa.
"Hindi ka tumawag sa bahay. Nag-aalala ako, kaya pinilit kong tapusin lahat ng dapat gawin sa rancho. And, at last! Here I am, holding you again," nakangiting sabi nito at hinalikan siya sa pisngi.
Nang lumabas si Nanay Alona ay ipinakilala niya si Ross sa matanda. Nabakas ang pagkabigla sa mukha ng matanda nang malaman kung sino ang lalaki. Mabilis na napatingin ito kay Lyda. Ngunit iniiwas niya ang mga mata.
"So, excited na ako sa magiging kasagutan mo sa iniluluhog ko," ani Ross na nakayakap sa baywang niya ang isang braso.
"Payag na ako."
"Payag na ano?" Nanunukso ang tinig nito.
"Payag na akong pakasal sa iyo," ulit niya na pabirong pinindot ang ilong ng binata.
"Talaga?" Sa labis na tuwa'y nayakap siya nito nang buong higpit.
Bago umalis si Ross ay napag-usapan nila na i-announce ang pagpapakasal nila sa mismong show na ipo-produce niya.
MULI siyang nagsalin ng alak sa kopita at hindi niya mapigil ang pagtulo ng luha. Malapit nang magkaroon ng katuparan ang mga balak niya. Ngunit bakit hindi siya makadama ng kasiyahan?
"Ayoko sanang makialam, anak," ani Nanay Alona. "Mula nang dumating ka buhat sa Sto. Niño, palagi kang malungkot at hindi ko na kailangang magtanong kaninang ipakilala mo sa akin ang binatang iyon. Malinaw na ang kasagutan."
"Nanay..."
"Lyda, hindi ka man magsalita ay alam kong mahalaga sa iyo si Ross. Pero isa siyang Violago at ayokong isipin na siya ang gagamitin mo para sa paghihiganti mo sa mama niya." Tumabi sa upuan niya ang matanda.
"H-hindi ko alam na magkakaganito ang lahat. Hindi ko binalak na maramdaman ko ito sa kanya. Pero—"
"Lyda, kalimutan mo na kasi ang lahat," payo ng matanda.
"Hindi, Nanay Alona," matatag niyang sagot at pinunasan ang luha. "Matagal ko itong hinintay... ang makaganti kay Donya Ana Violago. At alam kong masasaktan siya kung—"
"Kung kay Ross ka gaganti? Kung sasaktan mo siya. Pero hindi ka ba nasasaktan?" tanong nito.
"M-makakalimutan ko rin ang nararamdaman kong ito." Alam niyang nagsisinungaling siya sa sarili mismo. Hindi na niya maitanggi ang totoong nadarama. Mahal na niya si Ross. Hindi niya alam kung kailan at paano nagsimula.
NAGING abala sila ni Chocolate nang sumunod na mga araw dahil sa nalalapit na fashion show. Muli'y ipakikita ni Lyda ang galing sa paglikha ng disenyo ng damit. Si Ross ay sa telepono lang niya madalas makausap. Ipinaliwanag niya rito kung gaano siya kaabala at hindi muna ito mahaharap. Nakakaunawa naman ang lalaki.
BINABASA MO ANG
Mahal Kita, Kahit Hindi Dapat - Jennie Roxas
RomanceNamatay ang nanay ni Lyda nang ipakulong ni Donya Ana Violago ang kapatid niya. Bukod doon ay kinamkam nito ang lupa nila. Pagkalipas ng maraming taon, nagbalik si Lyda Enriquez, may kakayahan upang bawiin ang lupang kinamkam at upang ibagsak si Don...