Chapter 7

301 8 0
                                    

Maghapon lang sa bahay si Lyda. Lumuwas sa Manila si Ross at hindi maiwasang makaramdam siya ng pagkainip at lungkot dahil nasanay siyang lagi itong kasama sa halos araw-araw.

Binuksan niya ang cabinet at inilabas ang envelope na kinalalagyan ng titulo ng lupa. Sa mga panahong nakasama at nakilala niya ang lalaki ay nakita niya na mabait ito at hindi mahirap mahalin. Ngunit hindi na puwedeng mabago ang lahat. Hindi niya ito puwedeng mahalin. Isa itong Violago at siya niyang gagamitin laban kay Donya Ana. Hindi niya dapat bigyan ng puwang ang anumang damdamin para sa lalaki. Napakatagal na panahon ang hinintay niya at hindi niya sisirain ang lahat.

Ngunit paano niya ipaliliwanag ang kakaibang damdaming nadarama sa tuwing nasa tabi niya si Ross? Ang pananabik niya sa mga yakap at halik nito? Ah! Hindi maaari! Hindi siya kailanman iibig kay Ross Violago. Ngunit iisa lang ang titiyakin niya—kailangang mapaibig niya ang lalaki.

Nakikinig siya ng music sa sala habang nakahiga sa mahabang upuan. Si Beth ay nasa malapit ng pintuan at nanunulsi. Bigla siyang napatayo nang marinig ang pag-ring ng cellphone. Napasunod ng tingin sa kanya si Beth.

"Sweetheart?" "Ross!" Nakadama siya ng excitement nang marinig ang boses ng binata. "Ano'ng ginagawa mo?" tanong nito sa kabilang linya. "Nandito lang ako sa bahay at nakikinig ng music," sagot niya na sinenyasahan si Beth kung sino ang nasa kabilang linya. "Ako, iniisip ka lang habang nandito sa opisina," malambing na sabi ni Ross. At nakadama siya ng kasiyahan sa sinabi nito. "Kailan ka babalik dito?" tanong niya. "Kaya nga ako napatawag dahil baka hindi pa ako makauwi. May importante pa akong dapat ayusin dito." Nakadama ng lungkot si Lyda sa narinig. "Mag-iingat ka na lang diyan," bilin ni Ross. "O-oo. Ingat ka rin." "Sige, may meeting pa ako. Bye and I love you..." Hindi siya makasagot sa sinabi ng binata. "Sweetheart, narinig mo ba ang sinabi ko?" ani Ross nang hindi siya sumagot. "Ha? A-ano nga?" aniya dahil baka nakaringgan lang niya. Marahang tumawa si Ross. "I said, I—love—you," anito na malinaw na malinaw na nakarating sa pandinig niya. "I miss you..." "S-sige, bye," sagot niya at ini-off na ang cellphone.

Nakakabigla palang marinig na sabihin iyon sa kanya ni Ross. Alam niyang naghihintay ng kasagutan ang binata, ngunit sadya niyang mabilis na pinatay ang cellphone. Nailagay niya ang cellphone sa tapat ng dibdib niya at dama niya ang lakas ng tibok ng kanyang puso. "O, bakit para kang natulala riyan? Narinig mo lang ang boses ni Ross," ani Beth na nakatingin pa rin pala sa kanya. "Wala." Ngumiti siya at may ligaya siyang nadama. "Wala... hmmm." Nanunukso ang ngiti ng kaibigan. "Nami-miss mo na 'kamo si Ross kaya ka ganyan."

Hindi siya nakakibo sa sinabi ni Beth. Paano ba niya aaminin sa sariling nami-miss talaga niya si Ross at ang sandaling pagkawala nito ay tila napakatagal na para sa kanya?

Naalimpungatan si Lyda sa pagtulog nang maramdamang may ibang tao sa kanyang silid. Tumayo siya at mabilis na binuksan ang lampshade sa tabi ng higaan niya. Nakamaskara ang lalaki at hinahalungkat ang cabinet niya. At nang magulat ito ay biglang itinutok sa kanya ang dalang patalim. Nakadama siya ng matinding takot. "H-huwag mo akong sasaktan. K-kunin mo na ang lahat ng gusto mo," nahintakutan niyang sabi.

Isinilid ng lalaki ang mahahalaga niyang gamit sa dala nitong bag, kasama ang cellphone niya. At bago ito umalis ay nagbanta pa. "Huwag kang magkakamaling magsumbong sa mga pulis dahil babalikan kita at papatayin!" anito at mabilis na lumabas mula sa kanyang silid. Nanginginig ang buong katawan niya sa takot. At nang mahimasmasan ay kaagad niyang ginising sa kabilang silid si Darlene, na siya niyang kasama sa bahay. At ipinagising ang kaibigang si Beth at ang asawa nitong si Carlos sa kalapit na bahay.

Hindi makapaniwala ang mag-asawa sa nangyaring panloloob sa bahay na tinutuluyan niya. Si Beth ay ninerbiyos. "Diyos ko, mabuti na lang at hindi ka sinaktan," anang kaibigan. "Kailangang lagyan ng double lock ang mga pinto dahil madaling nadistrungka ito," ani Carlos na tiningnan ang lock ng pinto. "Ano ba ang mga nakuha sa iyo?" tanong ni Beth na nilapitan siya.

"Nakuha iyong mga alahas ko at saka iyong cash ko... pati iyong cellphone ko." Bahagya na lamang ang kabang nasa dibdib niya. "Beth, hindi kaya ang nangyaring panloloob dito sa bahay ay pananakot lang sa akin?" Bigla ang pagdating ng hinala na iyon sa kanyang isipan. "Bakit mo naman nasabi iyan?" ani Beth. "Bago umalis ang magnanakaw, sinabi niyang kapag nagsumbong daw ako sa pulis ay babalikan daw niya ako at papatayin," pagkukuwento niya. "Baka paraan lamang iyon para matakot ako at umalis sa lugar na ito."

"Wala ka namang sapat na basehan na iniutos nga ni Donya Ana ang nangyari dito," ani Beth. "Ang mabuti pa ay sa bahay mo na patulugin si Lyda," ani Carlos na sumingit sa usapan nila. "Mabuti pa nga siguro," sang-ayon ni Beth. "Hindi niya ako ganoon kadaling matatakot," ani Lyda na mas sa sarili sinabi.

Tulog pa ang mag-anak nang umalis ng bahay si Lyda. Pupuntahan niya si Donya Ana sa malaking bahay.

"Nakapagtataka ang pagpunta mo rito," ani Donya Ana nang malabasan siya sa garden.

"Wala rito si Ross."

"Hindi ang anak mo ang ipinunta ko rito," matigas niyang sagot.

Tumaas ang kilay ng matanda. "At ano ang kailangan sa akin ng anak ng muchacha?" painsultong sabi nito.

"Gusto ko lang ipaalam sa inyo na hindi ako ganoon kadaling takutin. Ipanakaw mo na ang lahat ng pera ko pero hindi ako aalis ng Sto. Niño nang hindi ka napapabagsak!" galit niyang sabi.

"Ano'ng pinagsasasabi mo? Ano'ng ipinanakaw ko sa iyo?" gulat nitong tanong.

"May pumasok sa bahay ko kagabi. At alam kong ikaw ang may utos ng lahat," sarkastikong ngumiti sa matanda. "Pero tulad ng sinabi ko, hindi ako ganoon kadaling takutin."

"Hindi ko alam ang mga pinagsasabi mo!" sigaw nito. "Nasa loob ka ng pag-aari ko, kaya huwag kang magbibintang dahil kahit ngayong oras na ito ay kaya kitang ipapatay!"

"Sige, gawin n'yo, Donya Ana." Ngumiti siya. "Ipapatay n'yo ako, ang magiging asawa ng anak n'yo."

"H-hindi ako makakapayag na ikaw ang mapangasawa ng anak ko! Gagawin ko ang lahat para mamulat ang mata niya sa mga plano mo!"

"Kayo ang bahala." Tinalikuran niya ang matanda at nilisan ang lugar na iyon.

Mahal Kita, Kahit Hindi Dapat - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon