Chapter 1

489 12 0
                                    

"LYDA, darling, you should be there," ani Chocolate na maarte na nakaupo sa harapan ng mesa niya. "It's your night!"

Nangiti siya sa kaartehan ng kaibigang bakla. "Puro na lang work, work, ang inaasikaso mo. It's your birthday, mag-day off ka naman."

Inilapag niya ang pencil na hawak at isinandal ang katawan sa malambot na upuan. "Chocolate, marami akong dapat na i-rush. Two weeks from now ay fashion show na at kailangang matapos ko lahat ang mga designs na kailangan," aniya.

"But, Lyda, we have so much time," ani Chocolate na nagde-kuwatro.

"Alam mong ayokong ipinagpapabukas ang mga trabaho. Kung matatapos ko ngayon, mas mabuti," aniya. Tinanggal ang salamin sa mata at pinunasan iyon bago muling isinuot.

"Hay, naku! No wonder, at your age wala ka pa ring papa," anito na tumikwas ang mga daliri. "Hindi ka ba naiinggit sa akin? I'm happy with my love life."

Napailing siya na hinawakang muli ang pencil at tumingin sa kaibigan. "I'm happy with my life."

"Hmmp!" Inirapan siya nito. "Ano ang balak mo sa birthday mo, aber?"

"Well, magsisimba na lang ako and then magpapahanda na lang ako ng dinner. Pumunta ka na lang sa bahay."

"How boring. Disco na lang tayo," ungot nito.

"May trabaho ako. Tapos, may meeting sa bangko," rason niya. "Ayokong magpagod."

"Oh, I think I should go now at baka mainip si Mrs. Araneta," anito at tumayo na. Kadalasan ay ito ang nagpupunta sa mga bahay ng kliyente nilang mayayaman para sukatan at pamiliin sa mga designs niya.

"Mabuti pa nga. And—" habol niya sa palabas na kaibigan. "Don't forget, bigyan mo si Mrs. Araneta ng invitation natin para sa fashion show."

"Okay!" ani Chocolate na nag-flying kiss sa kanya.

Muling ibinalik ni Lyda ang atensyon sa ginagawa nang maiwang mag-isa.

SI LYDA Enriquez ay isa sa mga sumisikat na fashion designers sa bansa. Sa edad niyang beinte-otso ay isa na siyang self-made woman. Maraming humahanga sa galing niya sa pagdidisenyo ng mga damit.

Dati-rati ay isa lang siyang manlililip sa isang simpleng patahian ng mga damit. Ngunit nagsumikap siya na makapag-aral kahit dressmaking lang. Trabaho sa araw at aral sa gabi. Wala siyang araw o oras na sinayang. Pinilit niyang magsumikap.

May nagpayo sa kanya na mag-loan sa bangko. Ngunit hindi ganoon kadali ang lahat. Mabuti na lang at nagtiwala sa kanya ang may-ari ng patahian na dati niyang pinapasukan na pautangin siya ng maliit na puhunan.

Mabait si Nana Sela. Gusto nitong makatulong sa mga tulad niyang nagsusumikap na umangat sa buhay. Isa pa ay papaalis na rin noon si Nana Sela papuntang Europe, dahil ipinetisyon na ito ng anak na nurse na doon na naka-base.

Paunti-unti ay nababayaran niya ang pagkakautang sa mabait na matanda, na noon ay nasa ibang bansa na. Habang lumilipas ang panahon ay unti-unting nakilala si Lyda bilang isang magaling na mananahi at designer.

Iyon ang simula. Ang maliit na patahian ay lumaki. Nagkaroon siya ng mga mananahi. Nag-concentrate siya bilang designer.

Hanggang sa pati ang ibang mayayaman sa lipunan ay nagpapatahi na rin sa kanya. Hindi doon natapos ang pagsusumikap ni Lyda. Ang gabi ay halos ginawa niyang araw. Wala siyang inaksayang panahon.

Trabaho ang hinarap niya hanggang sa magkaroon na siya ng ilang sangay ng shop sa iba't ibang bahagi ng Metro Manila. Nagkaroon na ng presyo at tatak ang pangalang "Lyda Enriquez" sa larangan ng pagdidisenyo ng mga damit.

Mahal Kita, Kahit Hindi Dapat - Jennie RoxasTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon