Pamagat : Walang Hanggan (Maikling Kwento)
Isinulat ni : Jiwoo WritesIsa lamang siyang musmos sa unang pagkakataon na umibig siya. Malabong alaala na ngayon ang eksaktong taon, ngunit hindi naglaho ang mga alaala kasama siya.
Ang lugar kung saan siya nakatira ay isang maunlad na imperyo - ang duyan ng isang sibilisasyong puno ng kasiyahan at karangyaan. Nariyan ang maliit na batang babae na nakatakdang mamuno sa kanilang kaharian. Lumaki silang magkasama, tumawa at umiyak nang magkasama, at kalaunan ay namuhay nang magkasama.
Gayunpaman, hindi sila namatay na magkasama gaano man niya sinubukang sundan siya sa kabilang buhay.
Sa pangalawang pagkakataon na umibig siya, nalakbay na niya ang malawak na bahagi ng mundo. Marami na siyang nakita at natutunan. Sa pagmamasid sa paglipas ng panahon, napansin niya kung paano nag-iba ang pamumuhay sa mundo ganoon na rin ang mga tao.
Sa pagkakatagpo nila ng binibini sa unang pagkakataon, nadama niya ang pamilyar na emosyon na nagpainit sa kanyang puso. Para bang pinagmamasdan niya ang mismong kaluluwa ng kanyang unang pag-ibig.
Ngayon, ang isang babaeng may debosyon sa kanyang mga mata ay may asawa sa kanyang tabi. Naging matalik pa rin silang magkaibigan: siya, ang babae, at ang asawa. Mahal na mahal siya ng mga anak ng mag-asawa at itinuturing din siyang pamilya.
Minahal niya rin ang mga ito sa paraan na alam niyang tama. Ninais niyang manatili man lang na bahagi ng buhay ng una niyang minahal — kahit bilang isang tapat na kaibigan man lang.
Sa dulo, silang lahat ay namaalam habang siya ay nanatili. Pinili niyang huwag ibunyag ang mga dahilan sa likod ng kanyang walang hanggang kabataan. Pinili niyang maglakbay, umalis na may pangakong muling hahanapin ang minamahal upang makasama gaya ng kanyang paulit-ulit na pangako.
Sa kanilang ikatlong pagtatagpo, natagpuan niya ang kanyang sarili na walang lakas ng loob na makipag-usap sa kanya. Sa halip, saglit lang silang nagpalitan ng tingin.
Hindi nila nakita ang isa't isa pagkatapos ng sulyap na iyon, ngunit hindi nakalimutan ng kanyang puso ang pag-aalab at ang pagnanais — ang kaluluwa ng babaeng iyon ang kanyang unang pag-ibig.
Ang kanyang kasalukuyang pangalan ay Lorenzo , at ito ang pang-apat na pagkakataon na siya ay umibig. Isa na siyang simpleng mamamayan na nagtatrabaho sa legal na propesyon na may pangakong protektahan ang mga inosente sa abot ng kanyang kakayahan. Alam niya na kung sakaling huminto siya sa paggawa ng isang bagay, masasayang ang lahat, na mawawalan ng saysay ang kanyang buhay, at ito ay magiging mas kakila-kilabot kaysa sa kamatayan.
Sa pagkakataon ito, ang kanyang minamahal ay pinangalanang Claridad. Siya ay nag-trabaho sa kanya, at muli itong umibig sa kanya. Parang isang napakagandang panaginip na akala niya ay malabo nang maging realidad. Nagsalo sila sa mga masasayang sandali. Mula sa tawanan at luha, at kalaunan ay bumuo ng isang buhay na magkasama ngunit kagaya ng una, hindi sila makakabuo ng pamilya ngunit hindi pa rin ito naging hadlang sa kanilang matibay na pagsasama.
Alam niya ang kahihinatnan ng kanilang pag-iibigan, ngunit kusang-loob siyang nagpasya na manatili sa tabi ng kanyang kabiyak sa kabila ng inaasahang pagdurusa na hindi nila maiiwasan.
Habang si Claridad ay nakahiga sa kama, matanda na at mahina, si Lorenzo ay hindi nagbago mula sa araw na una silang nagkita. Hindi niya nais na bumitaw sa pinakamamahal, ngunit kagaya rin ng una, hindi niya iyon mapipigilan.
Kitang-kita ang mga luha sa mga mata ni Lorenzo , hinawakan niya ang kamay ng pinakamamahal, masuyong hinalikan ito hanggang sa malagutan na ng hininga si Claridad na nasa tabi niya.
Sa pagkakataong ito, babalik muli si ‘Lorenzo ’ sa kanyang walang hanggang paglalakbay.
Gaya ng una, lalakbayin niya muli ang mundo na walang pangalan, na para bang nawawalang kaluluwa, umaasang mahahanap muli ang espesyal na taong pinangakuan niya na mamahalin sa lahat ng panahon, at pagkakataon hanggang sa makuha niya na ang inaasam na huling pamamaalam kasama ang babaeng nag-iisa niyang minamahal.