Sa Maliit na bayan na sakop ng Romania...
Nakatira ang isang dalagang nagngangalang Elysia, maganda, makinis at tila kumikislap sa kaputian ang balat, may maamong mukha at nangungusap na mga mata, may balingkinitang katawan at taas na naaayon sa kaniyang edad na labing-anim.
Mula sa angkan ng mga manunugis ng bampira si Elysia, ang kaniyang ama at ina ay prehong napat*y ng bampira noong pangalawang digmaan sa pagitan ng lahi ng mga tao at bampira. Ngunit dahil malalakas ang mga ito ay walang nagawa ang mga tao kun'di ang mapasailalim sa kapangyarihan ng mga ito.
Bata pa noon si Elysia, walang kamuwang-muwang sa mga pangyayari. Hindi na niya nakamulatan ang mukha ng kaniyang mga magulang, ni wala siyang alaala sa mga ito-wala kahit litrato.Ngayon ay labing anim na taong gulang na siya at lumaki siya sa poder ng isang malayong kamag-anak, magulo ang buhay na kaniyang nakagisnan—palaging lasing ang kaniyang tiyuhin at mabunganga naman ang kaniyang tiyahin. May dalawa siyang malalayong pinsan, isang lalaki at isang babae, parehong malupit ang mga ito sa kaniya at halos lahat ng gawaing bahay ay sa kaniyang pinapagawa.
"Hoy Elysia, ang kupad-kupad mo, aba naman sayang ang pinapalamon namin sa'yo kung ganyan ka kakupad. Tingnan mo 'to madumi pa rin ang sahig, maalikabok ang mga bintana at mesa, ang daming kalat." Bunganga agad ng Tiya Elena niya ang bumungad sa kaniya kinaumagahan. Nasa labas siya at nag-iigib pa ng tubig mula sa balon na ilang dipa rin ang layo sa kanilang bahay. Inuna niya ang tubig dahil ayaw niyang makipagsiksikan sa balon kapag marami na ang tao.
"A' tita, nag-igib pa kasi muna ako ng tubig sa balon." wika niya ngunit sa halip na tumigil ito sa kakangawa ay lalo lamang itong nanggalaiti sa galit.
"Nagdadahilan ka pa? Dapat kasi inuna mo muna ang paglilinis ng bahay bago ka nag-igib. Umiinit ang ulo ko kapag nagigising ako na marumi ang bahay, napakawalang kuwenta mo talaga kahit kailan." Galit na galit na wika nito at inihagis sa kaniya ang walis. Agad naman niyang nasalo iyon bago pa tumama sa kaniyang mukha. Napatingin na lamang siya sa kalat na nasa sala nila bago nagbunga ng malalim na buntong-hininga.
"Bakit kasi hindi utusan ang mga anak niyang mahilig magkalat e'," pabulong niyang wika. Napakahina nang pagkakabulong niya ngunit umabot pa rin ito sa tainga ng kaniyang tiyahin.
"Anong sabi mo? Hoy, Elysia, sampid ka lang sa bahay na ito, bakit ko uutusan ang mga anak ko kung nandiyan ka naman. Tandaan mo, utang mo sa akin ang buhay mo, pasalamat ka nga at kinukupkop pa kita kahit wala kang kuwenta." saad pa nito at padabog na nilisan ang kanilang sala. Napasimangot naman si Elysia at sinimulan nang linisin ang mga kalat doon. Patapos na siya nang magising ang kaniyang dalawang pinsan, humilata agad sa sofa ang pinsan niyang lalaking si Roman habang prenteng naupo naman si Alicia sa isa pang sofa habang kumakain ng tinapay.
"Elysia, ikuha mo nga ako ng tubig," agad na utos sa kaniya ni Alicia.
"Malapit lng naman ang kusina Alicia, ikaw na ang kumuha," mahinahong wika niya habang dinadampot ang mga kalat at isinisilid sa basurahan.
"Hindi mo ba narinig ang utos ko? Ikuha mo ako ng tubig, ano ba!" Sigaw ni Alicia na nagpapitlag sa kaniya. Halos umusok sa inis ang ilong ng dalaga habang namimilog pa ang mga pisngi dahil sa nginunguya nitong tinapay. Dali-dali nang sinunod ni Elysia ang utos nito at kumuha ng isang pitsel ng tubig at isang baso bago dinala sa harap nito.
"Susunod ka rin pala, hihintayin mo pang sigawan ka, umalis ka na nga rito, naaalibadbaran ako sa pagmumukha mo." Inis na wika pa nito kaya dali-dali na siyang umalis at tinungo ang kaniyang silid. Tapos na niya ang lahat ng iniutos nila kaya wala na siyang rason para manatili sa sa loob ng bahay nila.
Tinungo niya ang likod bahay at ilang lakad lamang ay narating na niya ang dating kulungan ng mga manok na siya ngayon pahingahan niya. Ayos na rin iyon kaysa naman sa lansangan siya matulog. Bukod sa malamok, delikado din dahil sa mga gumagalang ligaw na bampira sa gabi. Matagal nang pinamumugaran ng mga bampira ang kanilang lugar, ilang taon na rin ang lumipas simula nang magapi ng mga bampira ang halos lahat ng manunugis at kabilang sa mga nasawi ang kaniyang mga magulang.
BINABASA MO ANG
Among Legends: The Vampire King's Bride
Fantasy"Sa ngayon mananatili ka sa palasyo ko bilang isang prinsesa hanggang sa dumating ang araw na sumapit ka sa wastong edad, saka kita gagawing aking reyna. Mamili ka, dito sa poder ko at maging aking asawa, o ibibigay kita kay Vincent para maging pagk...