Napalunok si Elysia at ramdam niya ang tila malaking batong nakabara sa kaniyang lalamunan nang mga oras na iyon. Muli siyang napatitig sa binata habang inaabot naman sa kaniya ng lalaki ang patalim.
"Bakit ako?" tanong niya at napailing naman ang lalaki sa kaniya.
"Walang sino man sa amin dito ang maaaring magbigay ng dugo sa hari ng bampira kun'di ikaw lang. Iba ang dugo mo sa amin dahil ikaw ang magiging kaniyang kaisang-dibdib." paliwanag ng lalaki at inilapat na sa kaniyang kamay ang patalim. Kahit nagdadalawang-isip ay mas sinunod niya ang sinisigaw ng kaniyang puso, ang iligtas si Vladimir. Tama ang lalaki, hindi pa maaaring mamat*y si Vladimir dahil mawawalan siya ng malakas na proteksyon laban sa kampon ng kapatid nito. Dahil sa isiping iyon ay pikit mata niyang hiniwa ang kaniyang palad hanggang sa gumuhit ang sakit sa buo niyang pagkatao. Napangiwi siya at napakagat-labi dahil sa hapdi at sakit na nararamdaman. Itinapat niya sa bibig ng binata ang may sugat niyang palad at hinayaang pumatak doon ang kaniyang sariwang dug*.
"Gaano karaming dugo ba ang kailangan niya?" Naitanong pa ni Elysia ngunit bago pa man makasagot ang lalaki ay nagulat na lamang siya nang biglang gumalaw si Vladimir at hinataka ang may sugat niyang kamay. Bago pa siya makaalma ay mabilis na tumusok sa palapulsuhan niya ang pangil nito at naramdaman niya ang tila pags*psip nito roon. Kasabay ng mainit na sensasyong gumapang sa kaniyang katawa ang pag-ikot naman ng kaniyang paningin hanggang sa tuluyan na siyang lamunin ng kadiliman.
Unti-unti namang nanumbalik sa kaniyang katinuan si Vlad at agad niyang napansin ang papabagsak na katawan ni Elysia. Agad niya itong nasalo at doon lamang niya napansin hawak niya ang kamay ng dalaga at napansin din niya ang sugat nito sa palad at ang marka ng kagat niya sa palapulsuhan ng dalaga.
Nang magising si Elysia ay naramdaman niyang tila ba napakagaan ng kaniyang pakiramdam na hindi niya mawari. Animo'y lumulutang sa alapaap ang kanyang katawan. Kinurap-kurap niya ang kaniyang mata bago ito tuluyang minulat. Natagpuan niya ang sariling nakahiga sa higaan sa loob ng kubong tinutuluyan nila. Marahan siyang bumangon at bahagya pa siyang napahawak sa kaniyang ulo bago pilit na inalala ang mga nangyari bago siya mawalan ng malay.
"Mabuti naman at nagising ka na, kamusta ang pakiramdam mo?" Tanong ng isang matandang babaeng kakapasok lamang sa kaniyang silid. Nagtataka siyang napatingin rito at nakita niyang may dala itong maliit na palangganang gawa sa kahoy at may laman itong tubig.
"Maligamgam ang tubig na ito, halika, ibabad natin dito ang sugat mo." Utos pa ng matanda at marahang kinuha nito ang kamay ng dalaga bago ibinabad sa maligamgam na tubig. Nakaramdam agad ng ginhawa si Elysia dahil sa tubig na iyon.
"Gumaan na ba ang pakiramdam mo? Ang tubig na ito ay galing doon sa bukal sa gitna ng gubat, hindi ko rin maipaliwanag pero ang tubig ng bukal na iyon ay mabisang pantanggal ng sakit dulot ng kagat ng bampira." Saad ng matanda at doon niya naalala ang pagkagat ni Vladimir sa kaniyang palapulsuhan. Nanumbalik din sa alaala niya ang mainit na sensasyong naramdaman niyang bumalot sa kaniyang buong pagkatao.
Matapos ng ilang minutong pagbabad ay iniangat na niya ang kaniyang kamay at doon niya nakita ang dalawang butas na animo'y gawa ng dalawang malalaking karayom sa kaniyang palapulsuhan. Bahagya pa itong namumula ngunit naampat na rin ang pagdurugo nito. Maging ang sugat niya sa kaniyang palad ay hindi na rin nagdurugo ngunit naroroon pa din ang sugat na sanhi ng paghiwa niya gamit ang patalim.
"Ano po ba ang nangyari sa akin kanina?" tanong ni Elysia.
"Normal na reaksiyon ng katawan ng isang tao ang nangyari kanina. Hindi kaagad nakontrol ni Haring Vladimir ang kaniyang sarili at sabihin na nating kamuntikan ka nang matuyuan ng dugo kanina." Tugon ng matanda na siyang nagpagimbal sa dalaga.
"Ibig sabihin, muntik na akong mamat*y?"
"Ganoon na nga, pero Elysia, huwag mo sanang sisihin ang hari, maging siya ay hindi niya kontrolado ang sarili sa tuwing makakatikim siya ng dugo ng tao at iyon an kauna-unahan." Dugtong pa ng matanda .
Kauna-unahan?
Ibig sabihin, dugo niya ang unang natikman ni Vladimir?
"Nagulat ka ba? Hindi man kapani-paniwala pero iyon ang totoo. Ni minsan sa halos isang daang taong nabubuhay sa mundo si Haring Vladimir ay hindi pa siya nakakatikim ng dugo ng tao, ikaw ang kauna-unahan." muli nitong wika na mas kasamang pagtawa ng mahina.
"Pero lola, nakikita ko siya sa palasyo na may iniinom na pulang likido." kunot-noong wika ni Elysia at muling natawa ang matanda.
"Iyon ba?Dugo iyon ng mga usa o ng mga hayop na nahuhuli namin. Linggo-linggo, nag-aangkat kami sa palasyo ng dugo ng ga hayop na nahuhuli namin, kapalit ng ginto at pilak na siyang binibili naman namin ng trigo at iba pang pangangailangan namin." mahabang paliwanag ng matanda.
Doon ay tila ba may parte sa puso ni Elysia ang nagbago sa pagtingin niya sa bampirang si Vladimir. Kung noon ay kaaway ang tingin niya rito, ngayon ay nagkapuwang na ang posibilidad na maging magkaibigan silang dalawa.
Malalim na ang gabi nang muling makabalik sa bahay si Vladimir. Mahimbing nang natutulod si Elysia nang mga oras na 'yon. Siya naman ay tila hindi pa rin mapakali dahil lalong mas naging mabango para sa kaniya si Elysia. Napakabango ng dugo ng dala na maihahalintulad niya ito sa pinaghalong amoy ng samo't-saring mga bulaklak. Nakakahalina na tila laging nang-aakit at hindi niya iyon maiwasan.
Marahas na napabunttong hininga si Vladimir habang tahimik na nakaupo sa gilid ng higaan at matamang pinagmamasdan ang payapang mukha ng dalaga. Siguro nga ay si Elysia ang kaniyang malupit na parusa dahil sa tuwing nakikita o nalalapit ito sa kaniya ay para siyang pinaparusahan dahil sa pagpipigil niya sa pagwawala ng halimaw na nais itong gawing pagkain.
Animo'y palagi siyang nakikipagdigma sa kaniyang sarili dahil sa babae. Lalo pa ngayong nakatikim na ng dugo ng dalaga ang halimaw sa kaniyang pagkatao. Naririnig niya ito sa kaniyang utak na inuudyukan siyang sips*pin ang lahat ng dugo sa katawan ni Elysia.
Marahas niyang ipinilig ang kaniyang ulo at pilit na itinulak sa kaibuturan ng kaniyang pagkatao ang halimaw na pilit kumakawala sa kaniya. Isang daang taon—nagawa na niya itong kontrolin at hindi siya papayag na mauwi lang ang lahat ng pinagpaguran niya sa wala.
Marahan niyang hinaplos ang pisngi ng dalaga at maingat na hinawakan ang markang naiwan gawa ng kanyang mga pangil sa kamay nito. Sumilay ang napakagandang ngiti nito habang pinagmamasdan ang markang iyon.
"Magsisilbing tanda ito na akin ka na, at walang ibang bampira ang maaaring kumuha sa'yo sa akin," mahinang bulong pa niya bago niya ito tuluyang lisanin.
Kinabukasan, nagising si Elysia dahil sa mahinang katok na nanggagaling sa pinto ng kaniyang silid. Napabalikwas pa siya ng bangon dahil naalala niya na ngayong araw siya sasanayin ng isang lalaking nagngangalang Luvan. Isa ito sa malalakas na manunugis na natitira sa maliit na pamayanang iyon na nakakubli sa gitna ng kagubatan.
Mabilis na inayos niya ang sarili bago binuksan ang pinto para harapin ang kumakatok.
Pagbukas ng pinto ay bumungad naman sa kaniyang harapan ang matandang si Astrid na siyang nag-alaga din kagabi sa kaniya.
"Magandang umaga, nakahanda na ang almusal mo at naghihintay na rin sa'yo si Luvan," nakangiting bungad nito. Napatango naman si Elysia at sumunod na sa matanda. Matapos kumain, agad na silang lumabas ng bahay patungo sa malawak na parte ng pamayanang iyon. Napapalibutan ito ng mga nagtataasang punong kahoy habang ang lupa naman ay nababalot ng maninipis na damong nagmistulang karpet ng lugar.
Hindi pa man din niya natatapos kilatisin ang lugar ay bumungad naman sa kaniya ang ang isang patalim na inaabot ni Luvan. Matangkad na lalaki si Luvan, brusko at malaki rin ang pangagatawan nitong batak na batak ang mga kalamnan. Marahil ay dahil na din sa trabaho nitong pangangaso sa araw-araw.
"Tuturuan muna kita ng tamang paghawak ng patalim, isang linggo lang ang palugit sa akin ng hari kaya sana ay mabilis ka matuto para maturo ko sa'yo ang lahat ng dapat mong matutunan," panimula nito ay mabilis na pinaikot sa kamay ang hawak nitong patalim.
Alanganing napalunok naman si Elysia at tinanggap ng buong ingat ang patalim na iyon. Gawa sa pilak ang talim nito habang ang hawakan naman ay purong kahoy. Pinagmamasdan niya pa ito nang bigla siyang atakihin ni Luvan na labis niyang ikinabigla. Mabuti na lamang at nahagip iyon ng gilid ng kaniyang mata kaya naman ay mabilis siyang nakaiwas.
Marahas niyang nilingon ang lalaki aty nakita niyang nakangisi ito.
"Magaling mukhang likas sayo ang may matalas na pakiramdam. Ngayon subukan naman natin ang lakas mo. Atakihin mo ako gamit ang hawak mong patalim." Utos ng lalaki habang malapad ang pagkakangisi. Ang kabang kaninang lumukob sa kaniya ay napalitan ng inis dahil sa iginawi ng lalaki, walang anu-ano'y patakbo niya itong inatake at buong lakas niyang itinarak sa katawan nito ang patalim na mabilis din namang nasangga ni Luvan. Tumatango-tango ito sa bwat atake ni Elysia, animo'y hindi iyon nandoon upang makipaglaban sa kaniya, bagkus ay tila sinusukat lang nito kung hanggang saan ang kaya niya.
Makalipas ang ilang minuto ay hindi na maipinta ang mukha ni Elysia sa sobrang hingal. Pagod na pagod siya habang ang katunggali niya ay ni hindi man lang pinag papawisan.
"Mahina pa ang katawan mo, hindi ka tatagal sa laban kung ganyang ka kahina. Baka kapag nakaharap mo ang isang grimmer ay hindi ka pa abutan ng isang minuto," walang prenong saad ng lalaki at tila napahiya naman ang dalaga. Hindi na siya umalma dahil tama naman ito. Kung makakaharap niya ang halimaw na iyon ay paniguradong mamamat*ay siya kaagad.
"Ano ang dapat kong gawin para mas maging malakas ang katawan ko? Sabihin mo lang at gagawin ko 'yan nang walang reklamo," wika niya at napangiti naman si Luvan.
"Magaling, ganyan nga. Aasahan ko 'yang sinabi mo. Dalawang araw nating pagtutuunan ang pagpapalakas mo sa katawan mo bago tayo muling sumabak sa tunay na laban." wika pa nito at doon na nga nagsimula ang nakakapagod na pagsasanay ni Elysia.
BINABASA MO ANG
Among Legends: The Vampire King's Bride
Fantasy"Sa ngayon mananatili ka sa palasyo ko bilang isang prinsesa hanggang sa dumating ang araw na sumapit ka sa wastong edad, saka kita gagawing aking reyna. Mamili ka, dito sa poder ko at maging aking asawa, o ibibigay kita kay Vincent para maging pagk...