Isang matipunong lalaki na nakasuot ng itim na damit na tumatakip hanggang sa tuhod nito ang lumabas mula sa magarang karwahe. Nakasuot din ito ng itim na sombrero na siyang tumatakip naman sa kabuuan ng mukha nito. Nang mag-angat ito ng mukha ay nakita naman niyang normal itong tao, maputi ito at makinis ang mukha, ngumiti ito at sa kaniya at doon niya nakita ang mapuputi nitong ngipin.
Napakunot ang noo ni Elysia dahil inaasahan niyang pangil ang bubungad sa kaniya, pero hindi, normal iyon kagaya ng sa mga tao.
"Sino ang magiging alay sa pamilyang ito?" Tanong ng lalaki at dali-daling tumungo sa harap si Elysia.
"Ako po." Lakas-loob niyang tugon. Bahagya pang nangunot ang noo ng lalaki subalit hindi ito ng salita at inakay na lamang siya papasok sa karwahe.
Pagpasok sa loob ay namangha naman si Elysia dahil sa ganda ng karwaheng iyon. Nangungunot ang noo niyang napatingin sa lalaking sumunod sa kaniya.
"Bakit binibini, may problema ba?" Tanong ng lalaki.
"W–wala naman, nagtataka lang ako, hindi ba dapat kulungan ang pinaglagyan niyo sa akin hindi dito? Paano kung tumakas ako?" Tanong niya at ngumisi ang lalaki. Tinapik-tapik nito ang binti at saka sumandal sa sandalan ng malambot nilang inuupuan.
"Bakit tatakas ka ba?" Sa halip na sagutin ang tanong niya ay nagbato rin ito ng isang tanong. Napayuko naman si Elysia sa sobrang kahihiyan. Paano naman siya makakatakas gayong alam niyang isang bampira ang kaharap niya. Kahit anong gawin niya ay maaabutan pa rin siya nito. Marahan siyang umiling at sumilip sa labas ng bintana.
Alam niyang hindi iyon ang oras upang mamangha ngunit hindi niya maialis sa sarili ang mamangha sa mga tanawing unang beses niyang masilayan sa tanang-buhay niya. Simula't-sapol, hindi na siya nakalalabas ng bahay, kung kaya't ito ang kauna-unahang pagkakataon na makalabas siya at makalayo.
"Hindi kami katulad ng iniisip mo binibini, marahil ay ibang angkan ng mga bampira ang tinutukoy mo. Nauna lang kami ngayon dahil inutusan ako ng aming hari na tunguhin ang isang partikular na bahay." Mayamaya ay wika ng lalaki. Napalingon si Elysia at bakas sa mukha niya ang pagtataka.
"Ang bahay namin?"
"Oo, ang totoo niyan ang alay sa bahay na iyon ang sadya namin." Maagap na tugon nito at pagkuwa'y napatingin sa dalang kahon ni Elysia.
"Maaari ko bang malaman kung ano ang bagay na nasa loob niyan?" Tanong ng lalaki at mariing napahawak si Elysia sa kahon.
"M–mga alaala ng aking mga magulang. Huwag kang mag-alala dahil wala akong gamit na maaaring makasugat sa inyo rito." Tugon niya at muli na silang tumahimik. Napakahaba ng naging byahe nila at hindi na namalayan ng dalaga na nakatulog na siya.
Nagising na lamang siya dahil sa malakas na pag-uga ng karwahe. Napabalikwas siya ng bangon at doon lang niya napagtanto na huminto na ang kanilang sinasakyan. Wala na din sa loob ng karwahe ang lalaki at ganoon na lamang ang gulat niya nang bumukas ang pinto nito.
Nakahinga lamang siya ng maluwag nang bumungad sa kaniya ang pamilyar na lalaki roon. Nakangiti itong inilahad ang kaniyang kamay sa kaniya upang alalayan siyang makalabas. Hindi ganito ang inaasahan niya ngunit hindi na lamang siya nagsalita. Tinanggap niya ang nakalahad nitong kamay at marahang bumaba sa karwahe.
Agad na napatingala si Elysia sa napakalaking palasyo na nasa harapan niya. Gawa iyon sa bato at ang taas nito ay halos hindi na maabot ng kaniyang paningin.
"Maligayang pagdating sa palasyo ni Vlad, binibini." Nakangiting bungad nito sa kaniya. Tipid siyang napangiti at masuring tiningnan ang buong paligid. Nilalamon ng pagtataka ang buong pagkatao niya dahil sa pagkakaalam niya ay isang madilim na lugar ang palasyo ng mga bampira. Subalit itong nasa harap niya ay hindi, normal itong palasyo—oo hindi ito kasingkulay ng mga palasyo ng mga tao ngunit normal ito kung titingnan. Gawa sa bato, wala gaanong magarbong palamuti, hindi napapalibutan ng makukulay na bulaklak.
BINABASA MO ANG
Among Legends: The Vampire King's Bride
Fantasía"Sa ngayon mananatili ka sa palasyo ko bilang isang prinsesa hanggang sa dumating ang araw na sumapit ka sa wastong edad, saka kita gagawing aking reyna. Mamili ka, dito sa poder ko at maging aking asawa, o ibibigay kita kay Vincent para maging pagk...